ni Green Lantern @Renda at Latigo | August 09, 2023
Hinangaan ng mga karerista si Darleb dahil sa ipinakita nitong husay nang manalo sa naganap na PHILRACOM Rating Based Handicapping System na nilarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas noong Linggo ng hapon.
Umarangkada sa largahan si Darleb upang hawakan ang unahan at manalo ng banderang tapos kontra anim na tigasing kabayo.
Kakukuha pa lang ni Darleb ng unahan ay kinapitan naman agad siya ni Hamlet pero makalipas ang ilang metro ng karera ay si War Cannon na ang bumuliglig sa una.
Nagbakbakan sa unahan sina Darleb at War Cannon na umabot hanggang sa pagsungaw ng rekta ang tagisan nila ng bilis subalit nanatili ang tikas ng winning horse at umalagwa ito sa huling 100 metro ng labanan.
Nirendahan ni jockey JPA Guce, tinawid ni Darleb ang meta ng may isang kabayo ang agwat sa pumangalawang si War Cannon, tumersero si Bombay Nights habang pumang-apat si Hamlet.
Inilista ni Darleb ang tiyempong 1:39 minuto sa 1,600 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si Aristeo Puyat ang P10,000 karagdagang premyo.
"Mahusay kahit napahirapan sa unahan ay hindi nagpatinag hanggang sa pagtawid sa finish line," saad ni Benny Villahermosa, veteran karerista.
Nagbigay ng dibidendong P23.00 kada limang pisong taya sa forecast sa kombinasyong Darleb/War Cannon, (3/6) kaya maagang naka-boundary ang mga tumamang mananaya.
Samantala, nagsaya ng todo ang mga karerista dahil mahaba-haba ang kanilang paglilibang noong Linggo.
May 10 races ang pinakawalan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) lahat ay suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM).

