- BULGAR
- Nov 21, 2023
ni Green Lantern @Renda at Latigo | November 21, 2023
Pabibo si Treasure Hunting kaya napasaya nito ang kanyang mga tagahanga matapos manalo sa 2023 Philracom "Ambassador Eduardo M. Cojuangco, Jr. Memorial Cup" na inilarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas, Linggo ng hapon.
Kumaskas sa largahan para makipagtagisan muna ng ilang metro sa unahan si Teasure Hunting kina Civics Class at In The Zone at pagkatapos ay saka dumiskarte si class A jockey John Alvin Guce.
Nang makita na maluwag na ang daanan ay tinutok na lang ni Guce ang sinasakyan nitong si Treasure Hunting sa nauunang si Civics Class.
Ilang kabayo naman ang nais makadikit sa unahan kaya naungusan pa nila ng bahagya si Treasure Hunting na napadpad sa pang-apat na puwesto. Subalit papalapit ng far turn ay pinakawalan na ni Guce si Treasure Hunting kaya naman nagsimula na itong umusad sa unahan.
Pagkakuha ng unahan ni Treasure Hunting ay sinabayan naman ito ng In The Zone hanggang sa pagsungaw ng rekta ay magkapanabayan ang dalawa.
Paremate naman si Righteous Ruby sa rektahan na dumaan a tabing balya pero hindi na maawat si Treasure Hunting at nanalo ito ng may apat na kabayong agawat sa pumangalawang si In The Zone.
Inirehistro ni Treasure Hunting ang 2:05.4 minuto sa 2,000 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si Den Tan ang P3-M premyo.
Nakopo ni In The Zone ang second place prize na P1,125,000. Tumersero si Righteous Ruby na nag-uwi ng P625,000 habang P250,000 ang kinubra ni Shastaloo.
Samantala, 12 races ang pinakawalan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) kaya naman masayang-masaya ang mga karerista sa kanilang paglilibang.




