- BULGAR
- Dec 5, 2023
ni Green Lantern @Renda at Latigo | December 5, 2023
Kalmadong tinawid ni Every Sweat Counts ang finish line matapos angkinin ang korona sa Cool Summer Farm Juvenile Stakes race na inilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas noong Linggo ng hapon.
Humarurot sa largahan si Every Sweat Counts upang sabayan sa unahan ang matulin sa alisan na Artsev, bigayan ang dalawa subalit sa papalapit ng far turn ay unti-unting kumakalas ang winning horse.
Kaya naman pagsapit ng huling kurbada ay nasa tatlong kabayo ang agwat ng Every Sweat Counts sa Artsev.
Patuloy ang pamamayagpag ni Every Sweat Counts, hindi nagbago ang puwestuhan sa rektahan at nanalo ito ng walong kabayo ang lamang sa pumangalawang Artsev, tumersero si Unli Burn.
Nirendahan ni jockey CL Advincula, inirehistro ni Every Sweat Counts ang tiyempong 1:26,4 minuto sa 1,400 meter race.
Hinamig ng connections ni Every Sweat Counts ang P600,000 premyo at napunta sa second placer na Artsev ang P300,000 habang P200,000 ang iniuwi ng pumangatlong si Unli Burn.
May walong karera ang pinakawalan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) kaya naging masaya ang mga karerista sa kanilang paglilibang.
Isa sa hinangaan din ng mga karerista ay ang panalo ni Uncle Vhines sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System na pinakawalan sa pangatlong karera.




