- BULGAR
- Dec 11, 2023
ni Green Lantern @Renda at Latigo | December 11, 2023
Kumaripas sa rektahan si Speed Fantasy upang sikwatin ang panalo sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System na inilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas noong Sabado ng hapon.
Kalmadong lumabas ng aparato si Speed Fantasy na nirendahan ni jockey Pabs Cabalejo, pumuwesto sa pang-apat upang panoorin ang nagbabakbakan sa unahan na Palauig at Platinum Frolic habang nasa tersero ang Euroclydon.
Sa kalagitnaan ng karera ay kumuha na ng tersero puwesto si Speed Fantasy kaya papalapit ng home turn ay nasa pangalawa na ito. Dikitan ang naging labanan sa rektahan pero sa huling 150 metro ng karera ay nakaungos na ang Speed Fantasy at tinawid nito ang meta ng may tatlong kabayo ang agwat sa pumangalawang si Cat Bell.
Inilista ni Speed Fantasy ang tiyempong 1:24.6 minuto sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ang added prize na P10,000 ng winning horse owner na si Paolo Mendoza. "Magaling ang ipinakitang takbo ni Speed Fantasy, tingin ko kahit sa mas mahabang distansya kaya niyang manalo," saad ni Jeffrey Villahermosa, veteran karerista.
Terserong dumating sa finish line si Euroclydon habang pumang-apat si Palauig na sinakyan ni former Philippine Sportswriters Association, (PSA) - Jockey-of-the-Year awardee Patricio Ramos Dilema.
May P4,000 naman ang nasungkit ng breeder ng Speed Fantasy sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) ni Chairman Reli de Leon.
Samantala, atat na ang mga karerista na maglabas ang PHILRACOM ng opisyal na lineup na kasali sa Presidential Gold Cup championship race sa Disyembre 17 sa parehong lugar.




