top of page
Search

ni Zel Fernandez | May 4, 2022



Isinagawa na ng Quezon City Comelec ang final testing at sealing ng vote counting machines (VCM), kahapon.


Ayon sa ulat, dalawa mula sa 351 VCMs ang pumalya sa isinagawang pag-testing ng ahensiya.


Paliwanag ng Comelec, isolated case lamang umano ito at kanilang tiniyak na kagyat ding papalitan ang mga pumalyang VCMs.


Kaugnay nito, kasunod ng pagbalasa ng Commission on Elections sa kanilang city board of canvassers chairman sa Quezon City, nakatakdang palitan ang kasalukuyang City Board of Canvassers Chairman ng lungsod na si Atty. Zenia Ledesma-Magno.


Gayunman, hindi pa malinaw kung sino ang papalit kay Magno, matapos mapag-alamang bukas na mangyayari ang palitan ng chairmanship.


Batay sa kapangyarihan ng Comelec, maaari itong maglipat o magre-assign ng mga tauhan upang matiyak na magiging maayos, tapat, at mapayapa ang eleksiyon sa bansa.


Samantala, tinatayang aabot umano sa mahigit 1.4 milyon ang rehistradong botante sa Quezon City mula District 1 hanggang District 6.


 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | July 15, 2021



Ipinag-utos ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang pagpapasara sa ilang bar matapos lumabag sa ipinatutupad na health and safety protocols.


Ayon sa Quezon City Government, kasama sina Quezon City Business Permits and Licensing Department (BPLD) Head Margie Santos, BPLD Task Force Enforcement Head Ret Col Marcelino Pedrozo at City Attorney Nino Casimiro, ipinasara ni Mayor Joy Belmonte ang Baia Luna KTV at Chaparral KTV Ventures Inc..


Sa isinagawang inspeksiyon ng QC Task Force Disiplina, napag-alaman na hindi lamang lumalabag sa quarantine protocols at guidelines ang mga naturang bar kundi, saad ng QC LGU, “Natuklasan din na walang business permit ang Chaparral KTV Ventures habang expired naman ang business permit ng Baia Luna KTV.”


Samantala, saad pa ng QC LGU, “Ipinasara rin ang En Route Distillery dahil sa mga paglabag sa local at IATF guidelines.


“Ayon sa GCQ guidelines ng lungsod, hindi pa pinapayagang magbalik-operasyon ang mga bars, clubs, concert halls at ilang entertainment at leisure centers.”


 
 

ni Lolet Abania | April 26, 2021




Sinimulan na ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ngayong Lunes ang pag-iikot ng tatlong mobile clinic na layong mabakunahan kontra-COVID-19 ang mga residente.


Ang mobile vaccination clinic ay inilunsad para sa mga residente ng lungsod na hindi marunong gumamit ng gadget at makapag-online booking ng pagbabakuna, mga senior citizens, at persons with disability (PWD).


Mayroong lifter ang isa sa mga bus upang mabuhat ang mga PWD na kanilang tuturukan ng vaccine. Isa sa mga nabakunahan kontra-COVID-19 ay street sweeper na nagsabing maayos ang pagbabakuna sa kanya at bumilib nang husto sa ganda ng mobile clinic.


Nagpabakuna rin ang isang stroke survivor na matagal nang gustong magpabakuna subalit hindi nito alam ang vaccination site.


Ginagawa ng lokal na pamahalaan ng QC ang lahat ng paraan upang maihatid ang COVID-19 vaccines sa mga residente at mabigyang proteksiyon laban sa nasabing sakit.


Ayon kay Mayor Joy Belmonte, kabilang din sa programa ng lungsod ang pagtatag ng vaccination sites sa mga community centers at elementary schools.


Maaari rin umanong magpunta sa mga malls at simbahan sa lungsod para maturukan kontra coronavirus.


Sinabi rin ni Belmonte na nagsasagawa sila ng house-to-house vaccination para naman sa mga bedridden na residente.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page