top of page
Search

ni Lolet Abania | October 21, 2021



Pinayagan na ng lokal na gobyerno ng Quezon City ang mga kabataan na nasa edad 17 at pababa na mamasyal sa Quezon City Memorial Circle.


Sa isang advisory na inilabas ng Quezon City government ngayong Miyerkules, maaari nang pumunta ang mga menor-de-edad sa Memorial Circle, subalit dapat na kasama ang kanilang mga magulang o guardian sa lahat ng oras.


Gayunman, ayon sa lokal na pamahalaan kaya lamang mag-accommodate o magpapasok sa loob ng parke ng hanggang 30% ng kapasidad nito.


Una nang inaprubahan ng Metro Manila Council (MMC) nitong Martes ang intrazonal at interzonal travel ng mga menor-de -edad, subalit dapat na may mga kasama ang mga itong adult guardians.


Ang intrazonal travel ay tungkol sa galaw ng mga tao, ng mga goods at serbisyo sa pagitan ng mga lokalidad na nasa ilalim ng parehong community quarantine classification, habang ang interzonal travel ay tungkol naman sa galaw ng mga tao, ng mga goods at serbisyo sa pagitan ng mga probinsiya o lalawigan, highly urbanized cities, at independent component cities sa ilalim ng magkaibang community quarantine classification.


Matatandaang inaprubahan ng gobyerno ang rekomendasyon na isailalim na ang National Capital Region (NCR) sa Alert Level 3 simula noong Oktubre 16 hanggang 31.


Sa ilalim ng Alert Level 3, maraming establisimyento ang pinayagang mag-operate ng 30% ng indoor venue capacity na para lamang sa mga fully vaccinated individuals at 50% ng outdoor venue capacity, subalit dapat na ang lahat ng mga empleyado nito ay fully vaccinated na.


Gayundin, pinag-igsi ang curfew hours sa Metro Manila ng 12 ng hatinggabi hanggang alas-4:00 ng madaling-araw simula noong Oktubre 13.

 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | October 19, 2021



Sinampahan ng reklamong plunder at graft si Quezon City Mayor Joy Belmonte kaugnay ng pagbili umano ng overpriced food items na ipi­namigay sa mga residente ng lungsod na naapek­tuhan ng COVID-19 pandemic noong nakaraang taon.


Ito ay inihain ni John Chiong, isang anti-corruption advocate, founder at national commander ng Task Force Kasanag.


Bukod kay Belmonte, kasama sa reklamo sina Ruby Manangu, officer-in-charge ng Accounting Department ng Quezon City government, Angelica Solis, kinatawan ng LXS Trading at iba pang hindi pa batid ang pagkakakilanlan.


Bumili umano ang Quezon City government ng 250,000 food packs sa halagang P1,149.90 bawat isa o kabuuang P287 milyon sa LXS Trading at hindi raw inilagay sa Purchase Order (PO) ang presyo ng bawat item.


Kung bibilhin daw ang mga ito sa retail store ay lumalabas na P715 lamang bawat food pack.


Ayon naman sa kampo ng alkalde, isa lamang umano itong black propaganda.


“We are confident that in a proper court of law, these cases will be exposed for exactly what they are: tools for distraction and black propaganda. The QC government strictly adheres to all the provisions of Republic Act 9184 or the Procurement Act, and in fact received the highest Commission on Audit rating for the year 2020. We are positive that this complaint will be dismissed, and our names vindicated,” ani City legal officer Orlando Casimiro.

 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | October 18, 2021



Bumaba na ang presyo ng ilang gulay galing Benguet sa ilang palengke sa Metro Manila matapos mai-deliver ang mga gulay ilang araw matapos manalasa ang Bagyong Maring.


Sa Commonwealth Market sa Quezon City, kasama sa mga nagmurang gulay ang mga sumusunod:


* Repolyo - P240 kada kilo mula P360 kada kilo

* Pechay - P150 kada kilo mula P280 kada kilo

* Labanos - P200 kada kilo mula P400 kada kilo


Mas marami na rin ang namamalengke sa Commonwealth Market nitong Linggo, ikalawang araw ng Alert Level 3 sa Metro Manila.


Ito ay matapos itaas sa 50 porsiyento ang kapasidad ng mga palengke mula sa dating P30 porsiyento.


Temperature check lang ang ginagawa sa mga mamimili at hindi na hinihingan ng quarantine pass o vaccination card.


Maaari ring makapasok at mamili ang mga galing ng ibang lungsod.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page