top of page
Search

ni Jasmin Joy Evangelista | December 29, 2021



Nagbabala ang Quezon City Veterinary Office sa mga nagbabalak na bumili ng lechon online.

 

Ito ay matapos dumami ang natatanggap nilang reklamo tungkol sa umano'y bulok na lechon. 


"Malamang 'yung baboy na 'yun namatay na, pinapatay pa ulit para gawing lechon so di maganda ang kakalabasan ng karne at mabaho, nakakadulot ng sakit ng tiyan, pagtatae, parang food poisoning na rin 'yun eh. Minsan may uod, minsan kulu-kulobot na yung karne, mabaho, maitim," ani QC Veterinarian Dr. Ana Marie Cabel. 


Pinag-iingat ang publiko na maging mapanuri at bumili lamang sa mga lehitimong tindero ng lechon.


Samantala, muling tumaas ang presyo ng lechon ilang araw bago mag-Bagong Taon. 


Karamihan ay tumaas mula P500 hanggang P1,500.


Ayon kay La Loma Lechoneros Association President Ramon Ferreros, ito ay dahil sa kakapusan ng suplay at pagmahal ng presyo ng binibiling baboy.

 
 

ni Lolet Abania | December 23, 2021



Nagbabala ang lokal na pamahalaan ng Quezon City ngayong Huwebes laban sa mga pekeng advisories na nagsasabing ang Quezon City Treasurer’s Office ay nagdi-distribute ng pera para sa mga senior citizens at mga bedridden o nakaratay na mga residente.


Ito ang naging pahayag ng gobyerno matapos na makatanggap ang maraming residente ng text messages kung saan nakasaad na ang mga senior citizens at bedridden ay makatatanggap ng P1,500 mula sa treasurer’s office.


“Muli naming ipinapaalala sa lahat ng QCitizens na huwag maniwala sa kumakalat na FAKE TEXT MESSAGES o mga FAKE ADVISORY na nagpapamigay ng pera ang Quezon City Treasurer’s Office,” ayon sa lokal na gobyerno ng lungsod sa isang advisory.


“Ang mga nag-isip at nagpapakalat ng scam na ito ay tiyak na mayroong masamang intensyon. Huwag po tayong maging biktima sa panloloko,” dagdag pang pahayag ng QC.


Pinayuhan din ng Quezon City government ang mga residente na maging maingat at huwag pansinin ang mga naturang mensahe.

 
 

ni Jeff Tumbado | December 20, 2021



Nasa 290 mga mag-aaral mula sa highschool at college levels sa Maynila at Marikina City ang nabiyayaan ng cash ayuda bilang educational assistance sa pangangailangan para sa kanilang pag-aaral.


Dumagsa sa Batasang Pambansa sa Quezon City ang mga mag-aaral mula sa Marikina City at Alakdan covered court sa San Andres Bukid ang mga studyante mula sa iba't ibang paaralan na pawang mga benepisyaryo ng ayuda na ipinamahagi ni Ang Probinsyano Partylist Representative Alfred delos Santos katuwang ang taga-Department of Social Welfare and Development (DSWD).


Ayon kay Delos Santos, 270 mag-aaral sa Maynila ang nakatanggap ng P2,000 bawat isa bilang pandagdag sa kanilang school budget. Sumailalim naman sa educational assistance orientation sa Tanong Barangay Hall sa Marikina City ang may dalawampung student-beneficiaries bago nagsitungo ang mga ito sa Batasang Pambansa sa Quezon City para sa kanilang payout.


Bawat high school student ay nakatanggap ng P2,000 hanggang P3,500 habang sa mga college student naman ay nasa P5,000 ang nakuhang ayuda.


Sinabi pa ng mambabatas na isa rin ito sa paraan na makatulong din sa mga naghihirap na mga estudyante na magkaroon ng sariling budget sa bulsa dahil sa patuloy na nararanasang pandemya ng bansa.


Ipinaalala ni Ang Probinsyano Party-List third nominee Michael Chua sa mga mag-aaral na dumalo ang mahalagang papel ng kabataan sa paghubog ng kinabukasan ng bansa.

“Kami po ay naghahangad ng isang inklusibo at produktibong pag-aaral para sa lahat. Kung kaya't kami po ay naririto upang maghatid ng kaunting tulong,” pahayag ni Chua.


Hinimok ni Chua ang mga estudyante na pagtibayin ang kanilang edukasyon dahil ito ang kanilang tulay para sa mas magandang bukas.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page