top of page
Search

ni Lolet Abania | January 20, 2021




Isang 63-anyos na babae ang namatay sa sunog matapos na ma-trap sa kuwarto ng kanyang bahay sa Barangay Pasong Tamo, Quezon City ngayong Miyerkules nang umaga.


Ayon kay Bureau of Fire Protection (BFP) Station 6 commander Fire Captain Aloysius Borromeo, walang elektrisidad sa nasabing bahay at tanging kandila lamang ang nagbibigay-liwanag dito.


Naapula ang sunog bandang alas-7:33 ng umaga. Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa naging sanhi at halaga ng pinsala ng sunog.

 
 

ni Lolet Abania | January 18, 2021




Tinukoy na ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang 10 lokasyon ng lungsod na gagawing COVID-19 vaccination sites.


Sa isang statement na inilabas ni Mayor Joy Belmonte, napili ang mga naturang lugar dahil madali itong mapupuntahan ng mga residente ng siyudad at agad silang mababakunahan.


Ang mga target na vaccination sites ay ang mga sumusunod: * Project 6 Tennis Court sa District 1 * Batasan Hills National High School District 2 * NGC Covered Court sa District 2 * Aguinaldo Elementary School sa District 3 * Dona Josefa Jara Martinez High School District 4 * Diosdado Macapagal Elementary School sa District 4 * Kaligayahan Activity Center District 5 * Fairview Covered Court sa District 5 * Emilio Jacinto Elementary School District 6 * Culiat High School sa District 6


Ayon kay Belmonte, plano ng lokal na gobyerno na magkaroon ng 24 sites upang idagdag sa tatlong ospital na pinamamahalaan ng lungsod - ang QC General Hospital, Rosario Maclang Bautista General Hospital at ang Novaliches District Hospital.


“Nagsimula na tayong magtalaga ng vaccination sites para handa na tayo oras na dumating ang bakuna. We have to plan ahead to assure our people that we are doing everything to make these vaccines available as soon as possible,” sabi ni Belmonte.


Batay naman kay Quezon City Health Department head Dr. Esperanza Arias, nakapili na sila ng dagdag na vaccination sites, subalit pinag-aaralan pa ito para makasunod sa pamantayan ng Department of Health (DOH).


Sinabi rin ni Arias na kailangan ng standby generator set, ambulansiya at ilang kawani mula sa Barangay Health Emergency Response Team (BHERT). “For every site, the QC government will designate 22 employees composed of physicians, marshals, vaccinators, counselors, and admin staff,” sabi ni Arias.


Matatandaang nakiisa ang city government sa isang tripartite agreement sa AstraZeneca Pharmaceuticals at pamahalaan para sa pagkakaroon ng mahigit 1 milyong doses ng COVID-19 vaccines sa lungsod. Inaasahang ide-deliver ang nasabing mga bakuna sa third quarter ng 2021.


 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | January 16, 2021




Na-trace na at kasalukuyang nasa isolation ang mga pasaherong nakasabay ng residente ng Quezon City na idineklarang unang kaso ng bagong variant ng COVID-19 sa Pilipinas, ayon kay Mayor Joy Belmonte.


Noong Miyerkules, inanunsiyo ng Department of Health (DOH) at Philippine Genome Center na ang unang kaso sa bansa ng bagong variant ng COVID-19 na mula sa UK ay isang Pinoy na nanggaling sa United Arab Emirates noong January 7.


Ayon sa DOH, ang pasyente ay isang lalaking residente ng Quezon City na pumunta sa Dubai noong December 27 para sa business purposes.


Pahayag naman ni Belmonte, “Based on the DOH information, they have already contact-traced majority of passengers in this flight (Emirates Flight No. EK 332).


“Walo sa mga pasahero ay taga-Quezon City. Sa walo, pito ang na-contact traced — first and second generation contact tracing. Isa ang nawawala [kasi], mali ang contact info n’ya... lahat ay na-swab na at isolated na. Hinihintay lumabas ang mga resulta.”


Nilinaw din ni Belmonte na hindi kailangang isailalim sa lockdown ang Barangay Kamuning kung saan naninirahan ang naturang pasyente dahil kaagad naman itong nadala sa quarantine hotel at isolation facility nang dumating sa bansa.


Aniya pa, “We have already contact traced 143 individuals. These are comprised of close contacts na kasama ang malapit sa pasyente at second generation contacts — ito naman ang kasama ng close contacts.


“Doon sa first generation contacts, kasama ang mga pasahero na taga-QC na kasama niya, health workers, staff na nag-alalay at tumulong sa pasyente na pumuntang hotel hanggang isolation facility.


“More than half of them have already been swabbed, and all of them are already on quarantine. Wala pa pong results.”


Samantala, isinailalim na rin umano sa COVID-19 testing ang mga miyembro ng pamilya ng naturang pasyente bilang “precautionary measure” kahit na walang naganap na physical contact, ayon kay Mayor Belmonte.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page