top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | February 11, 2021




Kahapon lang napag-alaman ng Quezon City government na sa Riverside, Bgy. Commonwealth nanunuluyan ang 35-taong gulang na OFW na nagpositibo sa UK variant ng COVID-19 noong Enero 18 gayung Pebrero 5 pa natuklasan ng Philippine Genome Center na positibo ito at itinuturing na pang-walong kaso ng UK variant sa bansa.


Humihingi ng paliwanag si Mayor Joy Belmonte sa Bureau of Quarantine kung bakit pinayagang makalabas sa quarantine hotel ng Maynila ang lalaking OFW. Inaalam na rin ng pamahalaang lungsod ang pananagutan ng manning agency ng OFW sa hindi pagsunod sa quarantine protocol lalo’t ang agency pa mismo ang nag-book ng sasakyan nito papunta sa tinutuluyang apartment sa Riverside Commonwealth, Quezon City.


Ayon sa ulat, Agosto pa noong nakaraang taon nang dumating ang lalaki sa Liloan, Cebu galing abroad. Nu'ng Nobyembre ay bumiyahe na ito papuntang Maynila para asikasuhin ang mga papeles pabalik abroad.


Mula noon ay hindi na ito nakabalik sa Liloan. Matatandaang inihayag ng Department of Health na positibo sa UK variant ang dalawang residente ng Cebu. Naunang nagpositibo ang 54-taong gulang na lalaking balikbayan na residente ng Talisay City. Kalauna’y nakarekober din ito.


Samantala, nagpapagaling pa ang 35-taong gulang na taga-Liloan at ngayong araw ay nakatakdang ilipat sa home facility ng Quezon City upang doon sumailalim sa quarantine.


Sa ngayon ay puspusan na ang contact tracing at testing sa lungsod.


 
 

ni Lolet Abania | January 28, 2021




Inaprubahan na ng Department of Health (DOH) ang 24 vaccination sites sa Quezon City, ayon kay Mayor Joy Belmonte.


"As of today's presentation, we have secured 24 sites so all of these sites, I just want to emphasize, kailangan kasi ng DOH approval kasi may flow 'yun, eh. Marami kaming ipine-present sa DOH na iba't ibang mga sites and then the DOH tells us which is appropriate and not appropriate," sabi ni Belmonte sa press briefing ngayong Huwebes.


"So at the moment, ito 'yung mga inaprubahan ng DOH and these are the ones with sure staff and personnel available," dagdag ng alkalde.


Bukas pa rin ang lokal na pamahalaan na magdagdag ng mga inoculation center para sa vaccination program ng lungsod.


Ayon kay Belmonte, ang mga simbahan at academic institutions gaya ng Ateneo De Manila University at Sienna College ay nag-alok ng kanilang pasilidad para gamitin bilang vaccination centers.


Ang Quezon City ay isa sa mga local government units na pumirma sa tripartite agreement sa AstraZeneca at sa national government patungkol sa pagkuha ng COVID-19 vaccines.


Sinabi rin ni Belmonte na ang pagbabakuna sa mga empleyado na nag-oopisina sa Quezon City ay kinokonsidera nilang isama.


Pinayuhan naman si Belmonte ng vaccine czar na si Secretary Carlito Galvez, Jr. na makipag-ugnayan ang lungsod sa mga private sectors para sa pagkuha ng mas maraming COVID-19 vaccines na ibibigay sa mga empleyado.


"This has been considered very seriously and as soon as we get the proper guidance as to how to go about with this, definitely Quezon City is very open to doing this," sabi ni Belmonte.

 
 

ni Lolet Abania | January 24, 2021




Isang sunog na hindi pa malaman ang pinagmulan ang naganap pasado alas-11:00 ng umaga ngayong Linggo sa Barangay South Triangle sa Quezon City.

Sa follow-up report, nagsimula ang apoy sa isang abandonadong gusali na napapaligiran ng matataas na pader.

Alas-11:20 nang umaga, patuloy ang pagliyab ng apoy kung saan malapit sa chapel ng isang kumbento ng mga madre sa Panay Avenue.

Gayunman, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), alas-11:37 ng umaga naapula ang apoy.

Wala namang nasaktan sa nasabing sunog.


Nagsasagawa na rin ng imbestigasyon ang mga awtoridad upang alamin ang pinagmulan at halaga ng pinsala na idinulot ng sunog.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page