top of page
Search

ni Lolet Abania | March 1, 2021




Magsasagawa ang lokal na pamahalaan ng Quezon City ng isang anti-rabies vaccination drive sa mga high-risk area dahil sa pagtaas ng bilang ng mga kaso nito sa lungsod.


Pangungunahan ang vaccination drive ng City Veterinary Department ng Quezon City government na inisyal na ipatutupad sa District 1, kung saan nakapagtala ng limang kaso ngayon lamang buwan, kabilang ang isang namatay matapos na makagat ng aso.


Matatandaang nagpatupad na ang lokal na pamahalaan ng Quezon City ng panghuhuli ng mga stray dogs at iba pang nakakalat na mga hayop sa buong lungsod.


 
 

ni Lolet Abania | February 23, 2021




Nakuryente ang isang 2-anyos na batang lalaki at namatay matapos isaksak ang kutsara sa extension cord sa Quezon City kamakailan.


Kinilala ang biktima na si Jake Angara na nagdiwang ng ika-2 kaarawan noong February 7.


Ayon kay Eloisa Acay Angara, nanay ng biktima, humihingi ng gatas sa kanya ang anak kaya ipinagtimpla niya ito. Sinabi pa ng ina na inilagay umano niya ang kutsara sa mataas na parte ng bahay para hindi ito maabot ng kanyang anak.


"Nu'ng time na bubuksan ko na 'yung ano, 'yung pintuan, may pumutok. Kinabahan ako, pero akala ko, may nalaglag lang," sabi ni Eloisa.


"Napasigaw ang asawa ko. Ang sabi niya, 'Bem, si Jake, na-ground!'" dagdag ni Eloisa.


Naabot at nakuha ng bata ang kutsara at isinaksak ito sa extension cord.


Agad nilang isinugod sa ospital ang bata subalit binawian din ito ng buhay.


Kuwento ng mga kaanak, si Jake ay isang malambing, masunurin at matalinong bata.

Ayon kay Joe Zaldarriaga, spokesperson ng Meralco, napakadelikado ng pagsasaksak ng anumang metal na bagay sa extension cord o power outlet.


"Maaari talagang maaksidente 'pag 'yan ay kinalikot o mayroong object na baka na-insert o kaya iyong daliri, inilagay mismo doon sa opening ng outlet," ani Zaldarriaga.

Pinapayuhan naman ng mga awtoridad na iligpit agad ang extension cord pagkatapos gamitin. Gayundin, mayroong mga safety devices para matakpan ang mga electric outlet.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | February 22, 2021





Sarado ang mga bilihan ng baboy at manok sa Murphy Market at Commonwealth Market sa Quezon City ngayong araw, Pebrero 22 dulot ng “pork holiday”.


Ayon sa ulat, nagkasundo ang mga vendor na huwag magtinda hanggang bukas dahil sobrang lugi na sila sa itinakdang price ceiling ng gobyerno kung saan ang puhunan ay umaabot na sa P270 kada kilo ng kasim at pige, habang P300 sa bawat kilo ng liempo, at P160 sa kilo ng manok.


Maraming mamimili ang nagulat na walang mabiling karne kaninang umaga kaya napilitan na lamang silang bumili ng isda.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page