top of page
Search

ni Lolet Abania | April 22, 2021




Ilang residente ang natikitan dahil sa paglabag sa curfew ng Quezon City Task Force Disiplina matapos na pumila sa Maginhawa Community Pantry sa Quezon City ngayong Huwebes ng madaling-araw.


Isang misis na nagkakalakal ang nagsabing dahil sa hirap ng buhay lalo na at pandemya, tatlong beses na umano silang pumilang mag-asawa sa Maginhawa Community Pantry, kung saan natikitan at pagmumultahin pa sila.


Ikinalungkot din ng iba pang mga natikitan ang nangyari sa kanila. Anila, sana ay itinaboy o pinagsabihan na lamang sila ng mga awtoridad.


Pinagmumulta ang mga nahuli ng P300 dahil sa paglabag sa curfew sa nasabing lungsod. Agad namang inako ni Mayor Joy Belmonte ang multa ng mga natikitan.


Sa isang text message, binanggit ni Belmonte na bilang konsiderasyon sa ilang residenteng natikitan na lumabag sa curfew na pumila sa Maginhawa Community Pantry, siya ang magbabayad nito.


“An ordinance has been violated, OVRs have been issue[d] so the penalty must be paid. But taking into consideration the circumstances they are in, I will be the one to pay the penalty in their behalf with a very strict warning not to repeat the violation,” ani Belmonte.


 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | April 14, 2021




Nilamon ng apoy ang 100 bahay sa Barangay Panapaan III, Bacoor, Cavite nitong Martes, kung saan mahigit P500,000 ang idinulot na pinsala.


Wala namang iniulat na nasaktan sa insidente. Gayunman, tumagal nang halos isang oras ang pag-apula sa sunog ng mga bumbero dahil sa makipot na daan at yari sa light materials ang paligid kaya mabilis na kumalat ang apoy.


Kaugnay nito, isa ring sunog ang naganap sa Riverside, Barangay Sauyo, Quezon City kagabi, dahil umano sa mga batang naglalaro ng kandila. Sa ngayon ay inaalam pa ang halaga ng mga napinsala sa 7 bahay na tinupok ng apoy.


Pansamantalang nag-evacuate sa Sauyo Elementary School ang mga residenteng nawalan ng tirahan. Nananawagan din sila para sa kaunting tulong at ilang kagamitan upang makapagsimula muli.


Batay naman sa tala ng Bureau of Fire Protection National Capital Region (BFP NCR), tinatayang 799 na sunog na ang naganap sa buong Metro Manila simula nitong Enero.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | April 7, 2021



Inabot nang hatinggabi ang pamimigay ng ayuda sa mga benepisyaryo ng Social Amelioration Program (SAP) sa Maynila at Quezon City nitong Miyerkules, Abril 8.


Batay sa ulat, tig-30 na benepisyaryo lamang ang pinapayagang pumunta sa covered court ng Maynila upang tumanggap ng ayuda, habang ang iba nama’y sa kani-kanyang bahay naghihintay na matawag ang pangalan. Kumbaga, binigyan na sila ng numero at iniaanunsiyo lang sa public address system ang mga pupunta sa covered court. Kani-kanyang bitbit din sila ng ballpen at papel na nakapangalan sa kanila.


Ngayong Huwebes ay mahigit 60,000 na benepisyaryo pa ang target mabigyan ng ayuda sa lungsod.


Kaugnay nito, daan-daang SAP beneficiaries naman ng Barangay Batasan Hills, Quezon City ang matiyagang pumila sa Batasan National High School para makuha ang kanilang ayuda.


Ayon pa sa tauhan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), nag-umpisa ang verification process sa mga tatanggap ng ayuda bandang alas-11 nang umaga kahapon, subalit pasado alas-4 nang hapon na nag-umpisa ang mismong payout dahil kinailangan pa umano nilang iimprenta ang payroll ng mga beneficiaries kaya inabot nang hatinggabi ang pila.


Sa ngayon ay kabilang na rin ang mga empleyado ng city hall na namimigay ng ayuda sa prayoridad mabakunahan kontra COVID-19 dahil tumaas ang exposure nila sa virus.


Samantala, inaprubahan na ng Department of Health (DOH) at Food and Drug Administration (FDA) ang pagtuturok sa mga senior citizens gamit ang bakunang Sinovac, kaya magtutuluy-tuloy na ang vaccination rollout.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page