top of page
Search

ni Eli San Miguel - Trainee @News | October 14, 2023



ree

Tumaas ng 108.27% ang bilang ng kaso ng leptospirosis sa Quezon City mula Enero 1 hanggang Oktubre 7 ng taong ito kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon, ayon sa Quezon City local government unit ngayong Sabado.


Base sa Quezon City Epidemiology and Disease Surveillance, mayroong 277 na kaso ng leptospirosis mula Enero 1 hanggang Oktubre 7, 2023.


Ang District 2 ang may pinakamaraming kaso na may 72. Samantala, ang District 5 naman ang may pinakakaunting kaso na may 28.


Samantala, ayon sa LGU, may 33 kaso ng leptospirosis sa lungsod ang nagdulot ng kamatayan.


Ang mga may sintomas ng leptospirosis ay pinayuhan na agad na pumunta sa pinakamalapit na health center o ospital para sa tamang medikal na atensiyon.


Ang leptospirosis ay isang malubhang impeksiyon na dulot ng leptospira bacteria, na karaniwang inilalabas ng mga hayop sa pamamagitan ng pag-ihi. Karaniwang nakukuha ito sa tubig-baha na kontaminado ng ihi ng mga daga.


Maaari ring magdala ng leptospira bacteria ang mga baka, baboy, at aso. Mahalaga na maging maingat sa mga sintomas ng leptospirosis kapag nakararanas ng paglusong sa baha, lalo na kung may mga sugat sa binti at paa.


Kabilang sa mga sintomas ng leptospirosis ang mataas na lagnat, sakit ng ulo, panginginig, pananakit ng kalamnan, pagsusuka, pananakit ng tiyan, pagtatae, at pamamantal. Gayunpaman, may mga apektadong indibidwal na maaaring walang anumang sintomas.



 
 

ni Lolet Abania | May 29, 2022


ree

Tatlong bata ang nasawi matapos ma-trap sa nasusunog nilang tirahan sa Barangay Tatalon, Quezon City ngayong Linggo ng madaling-araw.


Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog ng alas-4:19 ng madaling-araw sa isang residential building sa Kaliraya Street, Barangay Tatalon. Nasa edad 9, 8, at 4 ang mga namatay na bata, ayon sa kanilang ama.


Sa salaysay ng ama ng mga biktima, nagising ang kanyang misis at nagulat na lang ito na may usok sa kanilang silid na matatagpuan sa ikatlong palapag ng gusali. Nang buksan na nila ang pinto ng kuwarto, nakita nila ang kanilang sala na puno na ng usok habang kumakalat na rin ang apoy sa buong kabahayan.


Agad niyang sinabihan ang misis na tumakbo at nagsisigaw siya ng tulong, habang gumagapang para kuhanin ang kanilang bunsong anak na 4-buwang sanggol pa lamang.


Mabilis silang tumakbo pababa ng ikalawang palapag, saka inihagis ng ama ang sanggol sa bintana na ligtas namang nasalo ng kanilang kapitbahay.


Siya at kanyang misis, pati na rin ang panganay na anak ay tumalon mula sa bintana ng ikalawang palapag, kung saan nagtamo ang tatlo ng mga sugat sa katawan. Subalit ang tatlong bata, dalawang babae at isang lalaki, ay hindi nakaligtas sa sunog dahil na-trap ang mga ito na nasa ikatlong palapag ng bahay.


Umabot lamang sa unang alarma ang sunog bago idineklarang fire out bandang alas-5:00 ng madaling-araw. Sinabi pa ng BFP, nahirapan silang pasukin ang lugar at apulahin ang apoy dahil sa makitid na daanan.


Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog at halaga ng mga ari-arian na napinsala. Subalit, ayon sa BFP tinitingnan nila ang posibilidad ng faulty electrical wiring na naging dahilan ng sunog.


 
 

ni Jeff Tumbado | May 6, 2022


ree

Sa kabila ng tinanggap nang mga pagbabanta sa buhay, hindi aatrasan ni Quezon City Councilor PM Vargas ang hamon na maging bahagi ng Kongreso at tiwala ito sa mga naging karanasan mula sa kasalukuyang posisyon para higit na makapaglingkod.


Sinabi ni Vargas na itutulak nito sa Kongreso ang pagpapalakas ng mga lokal na pamahalaan upang higit na matugunan ang mga pangangailangan ng mga mamamayan.


Magsusulong din aniya siya ng mga batas na magpapataas ng suweldo ng mga health worker at pagtaas ng antas at lakas ng serbisyo ng mga pampublikong ospital.


“Kailangan tayo magfocus sa pandemic recovery at mabigyan ng kaukulang armas ang ating mga frontliners upang makaahon tayo nang sabay-sabay. Importante sa akin ang pandemic preparedness, health services, job generation and social services,” ani Vargas.


Nagsilbi rin si PM Vargas bilang Chief of Staff ng kanyang nakatatandang kapatid na si Rep. Alfred Vargas na patapos na ang ikatlong termino kaya't batid na ng konsehal ang mga regulasyon ukol sa paglikha at pagpasa ng mga batas.


Sa napipintong pagpasok sa Kongreso, handa si Vargas na makilahok sa mga talakayan ng komite sa Kapulungan upang mapabilis ang proseso ng pagsasabatas ng mga mahahalagang panukala.


"Ang importante ay may synergy at pagkakaisang-isip at puso para sa kapakanan ng mamayan. Given a chance to lead a committee, I will make sure that the legislation will always be pro people," ani Vargas.


Sa pamamagitan ni PM Vargas, naipamahagi ang aabot sa 272,388 na family packs bilang COVID-19 relief, gayundin ang mahigit 400,000 na feeding beneficiaries sa Distrito 5. Mayroon ding 21,335 ang natulungan sa livelihood programs, 18,124 ang natulungan sa pang-medical na pangangailangan at nalagyan ng libreng WiFi ang 14 barangay halls noong panahon ng pandemya.


Si Vargas ang kasalukuyang nangunguna sa labanan sa District 5 ng Quezon City at nakatanggap ng pag-endorso mula sa lahat ng sektor sa distrito, kasama na ang importanteng basbas ng Iglesia ni Cristo. Mga kalaban niya sa posisyon sina dating Congresswoman Annie Susano, Cathy Inday Esplana at Rose Nono Lin ng Pharmally na humaharap sa mga kaso sa Comelec.


Kumpiyansa si Vargas sa suportang ipinakita ni Mayor Joy Belmonte, Vice Mayor Gian Sotto at ng iba pang kasamang konsehal.


"Pero, ang pasasalamat ngayon pa lang ay para sa mga ka-distrito na siya namang nagpapakita ng patuloy at maigting na suporta" dagdag pa ng konsehal.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page