top of page
Search

ni Lolet Abania | May 25, 2021



Bukod dito, nagawa pa umano ng mga kabataan na pagbabatuhin ng bote ang QC Task Force Disiplina na maninita sa kanila.


Nangyari ang insidente pasado alas-3:00 ng madaling-araw ngayong Martes sa bahagi ng NIA Road, Quezon City.


Maliban sa paglabag sa curfew, wala ring face mask ang ilan sa kanila habang ang iba ay nakasuot ng face mask subalit nakalagay naman sa baba ng mga ito.


Kitang-kita rin sa video na nagtatago sa eskinita ang mga kabataan kapag may dumaraan na police mobile.


Gayunman, nang dumating ang QC Task Force Disiplina sa lugar ay pinagbabato sila ng mga bote.


“Pagdaan namin du’n, may sinita kaming mga kabataan na nagtakbuhan, bigla po kaming pinagbabato ng mga bote. Nandu’n pa nga po ‘yung mga basag na bote,” ani Mary Ann del Rosario, miyembro ng task force.


Agad namang pumasok ang task force sa kanilang mobile car dahil sa nagliliparang bote. Nabatid na ikalawang beses na anila ngayong buwan na binato ng mga bote ang QC Task Force Disiplina tuwing rumeresponde ang mga ito sa nasabing lugar.


Wala namang nasaktan sa grupo ng task force matapos ang insidente. Wala pa ring ibinigay na pahayag ang Barangay Pinyahan na nakakasakop sa lugar.


 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 25, 2021




Tinatayang 74,556 residente ng Quezon City ang nakakumpleto na sa dalawang turok ng COVID-19 vaccines, ayon sa panayam kay Joseph Juico, co-chairman ng QC Task Force Vax to Normal ngayong araw, May 25.


Sabi pa ni Juico, "At the moment, nasa around 14% of the entire population (ang nabakunahan). Target po natin, 70%. Nasa milyon pa tayo bago ma-achieve ang herd immunity."


Dagdag niya, nakatanggap ang QC ng 110,000 doses ng Sinovac COVID-19 vaccines, kung saan ang 55,200 doses ay itinurok bilang first dose.


Gagamitin aniya ang 40,000 doses upang idagdag sa first dose at ang natitirang 15,200 doses ay para naman sa second dose.


Paliwanag din niya, mahigit 95,000 doses ng Sinovac pa ang kakailanganin nila para may magamit na second dose sa mga unang naturukan.


“’Yung delivery ng Sinovac vaccines is arriving first week of June or anytime now. Hindi kami kikilos nang walang assurance coming from national government," sabi pa niya.


Sa ngayon ay 235,052 residente na ang nabakunahan ng unang dose at nakatakda silang bakunahan ng pangalawang dose makalipas ang 28 days upang maging fully vaccinated.


 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 24, 2021




Limampu’t apat ang nagpositibo sa COVID-19 matapos dumalo sa 3-day improvised pool party at inuman session na ginanap sa covered court ng Barangay Nagkaisang Nayon, Quezon City, ayon kay Mayor Joy Belmonte.


Batay sa panayam sa alkalde ngayong umaga, naging super spreader ng virus ang naganap na event, kung saan 610 indibidwal ang dumalo.


Aniya, “Nagkaroon ng improvised pool party. Merong diskuhan, may sayawan, may inuman, may videoke. Kumpleto po at walang nagsusuot ng mask."


Ayon pa sa ulat, kaagad na pinuntahan ng contact tracer ang nasabing lugar upang mag-conduct ng contact tracing at interview sa naging close contacts ng isa na unang nagpositibo sa COVID-19. Doon lamang nila nalaman ang nangyaring 3-day event.


Sabi pa ni Belmonte, "Sa pagko-conduct nila ng interviews sa taumbayan, saka pa lang nila nalaman na nagkaroon pala ng 3-day fiesta celebration from May 9 to May 11.”


Sa ngayon ay mayroon pang 18 results ng RT-PCR swab test ang hinihintay na lumabas upang makumpirma ng City Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CESU) ang kabuuang bilang ng mga nagpositibo.


Samantala, dinala naman sa HOPE facilities ang mga nagpositibo upang doon mag-quarantine at maobserbahan ang kondisyon.


Nilinaw pa ni Belmonte na pananagutin pa rin nila ang 54 na nagpositibo, kahit sila ay tinamaan ng virus. Pinadalhan na rin nila ng show cause order ang punong barangay, kung saan mismong fire truck pa ng barangay hall ang naglagay ng tubig sa improvised pool na ipinuwesto sa covered court.


“Lahat ng mga mapapatunayang lumabag sa ating guidelines at mga ordinansa lalo na ‘yung mga nagkukumpulan at nag-iinuman o nagka-karaoke ay iisyuhan ng ordinance violation receipt (OVR) at maaaring makasuhan sa ilalim ng RA 11332,” giit pa ni Belmonte.


Matatandaan namang kasalukuyan pa ring nasa ilalim ng heightened general community quarantine (GCQ) ang buong NCR Plus, kabilang ang Quezon City, kung saan limitado lamang sa 30% capacity ang outdoor activities.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page