top of page
Search

ni Lolet Abania | May 30, 2021




Tatlong menor-de-edad na nasa 10, 12 at 14 ang inabuso umano ng sinasabing lider ng kulto sa Quezon City.


Kinilala ang suspek na si Romeo delos Reyes, isang janitor, lider ng isang religious group at isa rin umanong witch doctor.


Batay sa salaysay ng tatlong bata, minolestiya sila ni Delos Reyes habang hinahawakan nito ang maseselang bahagi ng kanilang katawan para tuluyan umanong gumaling sa kanilang sakit.


“Base dito sa isang nanay, ‘yung kanyang anak ay biktima ng panggagahasa kasama ‘yung dalawang bata. Biktima ng panggagahasa ng isang suspect na sinasabi nilang leader ng kulto,” ani Police Lieutenant Colonel Elizabeth Jasmin.


Ayon pa kay Jasmin, ang mga bata ay hini-hypnotize muna kaya pumapayag ang mga ito na hawak-hawakan ng suspek dahil parte umano ito ng mga blessings na matatanggap nila.


Nakadetine na si Delos Reyes habang itinanggi ang reklamong sexual assault o pang-aabuso sa mga bata subalit inamin nitong hinawakan niya ang dibdib ng isa sa kanila.


“Kasi minsan, may puyatan kami magdasal, so du'n na kami natutulog. May mga kasama kami so pa’no masasabing inaano sila kung meron akong mga kasama?” depensa ni Delos Reyes.


Nahaharap ang suspek sa kasong rape in relation to child abuse at illegal possession of ammunition matapos na makakuha ng mga bala sa bahay niya na kanya ring itinanggi. Agad namang ipinatigil ng Barangay Damayang Lagi ang naturang religious group.


 
 

ni Lolet Abania | May 27, 2021



Maaaring maaresto nang walang warrant ang mga opisyal ng barangay na makikita sa mga "superspreader gatherings" o pagtitipun-tipon sa gitna ng COVID-19 pandemic, ayon sa Palasyo.


Ito ang ipinahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque isang araw matapos na ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na arestuhin ang mga barangay captains na bigong ipatupad sa kanilang lugar ang health protocols, kabilang na ang pagbabawal sa mass gathering, dahil sa kapabayaan nila sa tungkulin.


“Warrantless arrest can be performed by law enforcers when the law enforcement is personally witnessing the crime. If the barangay captain is at the scene of the superspreader event, knows about it and did nothing, that is dereliction of duty,” ani Roque sa isang interview ngayong Huwebes.


Ginawa ni Pangulong Duterte ang direktiba matapos ang naiulat na mga insidente ng mass gatherings sa swimming pools sa Lungsod ng Caloocan at Quezon City na nagresulta sa mga indibidwal na nagpositibo sa test sa COVID-19.


Ayon pa kay Roque, para naman sa mga walang alam sa nangyayaring superspreader events sa kanilang lugar, maaari pa ring magsampa ng reklamo laban sa mga pabayang barangay captains sa prosecutors’ office at ihain dito ang kanilang mga depensa.


“If the prosecutor finds probable cause, the judge will issue an arrest warrant against the barangay chairman,” sabi ni Roque.


Sinabi rin ni Roque na ang mga sasaling indibidwal at mga organizers ng mga superspreader events ay mananagot din dahil sa paglabag ng mga ito sa mga local ordinances na may kaukulang parusa sa pagsuway sa quarantine protocols.


“If they are complicit, that is conspiracy [to commit a crime] because they allowed the offense to happen,” ani pa ng kalihim.


Gayunman, aniya, ang mga penalties sa ilalim ng mga local ordinances ay hindi sapat para sa indibidwal na lumabag sa ipinatutupad na kautusan.


“We need to have a national quarantine law that will spell out stiffer penalties for breach of quarantine protocol,” saad ni Roque.


Ang mga parusa sa paglabag sa quarantine protocols na itinatakda sa ilalim ng local government ordinances ay pagbabayad ng malaking halaga at administratibo gaya ng pagpapasara ng kanilang establisimyento kapag napatunayang may kasalanan o mayroong paglabag.


 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 26, 2021




Nagpositibo sa COVID-19 ang 2 kainuman ng isang lalaki na dapat ay naka-quarantine, matapos itong maging close contact ng kamag-anak na namatay dahil sa COVID-19 kamakailan.


Ayon sa ulat, naganap ang inuman sa Barangay Capri, Quezon City, kung saan bago pa man lumabas ang resulta ng isinagawang swab test sa mga nagpositibo ay nakihalubilo na ang mga ito sa ibang residente.


Sa ngayon ay limang kalsada na sa Bgy. Capri ang naka-special concern lockdown, mula nang umabot sa 14 indibidwal ang iniulat na nagpositibo sa lugar.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page