top of page
Search

ni Lolet Abania | June 8, 2021



Nasa 86 residente ang nagpositibo sa COVID-19 matapos magtungo sa isang programa ng pamamahagi ng pagkain sa Quezon City ilang linggo na ang nakakaraan, ayon kay Mayor Joy Belmonte.


Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Belmonte na 953 mula sa 6,000 na pumunta para sa food distribution program ni QC Councilor Franz Pumaren sa Barangay Old Balara ay sumailalim sa test kung saan 86 ang positibo sa virus.


“We have so far already identified 86 positive cases out of 953 that were tested doon sa event na ‘yan,” ani Belmonte.


Ayon pa sa alkalde, tinatayang limang lugar sa nasabing barangay ang isinailalim na sa lockdown nang dalawang linggo.


Ang mga residente roon ay ite-test sa COVID-19 habang makatatanggap ng assistance mula sa lokal na pamahalaan.


Sinabi rin ni Belmonte na nasa 200 ang average number ng COVID-19 cases araw-araw sa Quezon City at nasa 4,000 naman ang kanilang itine-test kada araw, habang 3,500 contact tracers ang kanilang ipinakalat para i-track ang mga nakasalamuha ng mga nagpositibo.


Nilinaw naman ng Quezon City Police District na wala umanong nilabag na health safety protocols si Pumaren matapos na 6,000 residente ng Barangay Old Balara ang dumagsa sa community pantry program na kanyang inorganisa.


Ayon sa pulisya, nakipag-coordinate si Pumaren sa mga concerned government agencies gaya ng Quezon City Police District, Batasan Police Station 6, at ang opisina sa Old Balara upang masigurong masusunod ang mga protocols.


 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | June 8, 2021



Nalagpasan ng Davao City ang Quezon City sa pagkakaroon ng pinakamataas na kaso ng COVID-19 sa isang araw.


Ayon kay Dr. Guido David ng OCTA Research ngayong Martes, hindi pa nila matukoy ang dahilan ng biglaang paglobo ng kaso ng COVID-19 sa Mindanao.


Aniya, “Today, nalagpasan na ng Davao City 'yung Quezon City sa seven-day average. ‘Yung average ng Davao City, 213 cases per day. Sa Quezon City, 207.


“So Davao City na ‘yung pinakamaraming average number of cases per day.”


Kabilang umano sa mga lugar sa Mindanao na ikinababahala ng OCTA Research dahil sa pagkakaroon ng mataas na kaso ng COVID-19 ay ang Cagayan de Oro, General Santos, Koronadal, Cotabato at Davao.


Nakapagtala umano ng 54% na pagtaas ng kaso ng COVID-19 ang Davao City noong nakaraang linggo, ayon pa sa OCTA.


Samantala, isinailalim sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang Davao City simula noong June 5 hanggang June 20.


 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | June 7, 2021



Nasabat ng Bureau of Customs (BOC) ang 2,520 reams ng sigarilyo na tinatayang aabot sa halagang P4 million na idineklarang paper hand towels, sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).


Ayon sa BOC, bound for Australia ang naturang reams ng sigarilyo.


Saad pa ng BOC, “Records show that the shipment was commissioned for export by a local company based in Novaliches, Quezon City, to South Geelong Victoria, Australia.”


Napag-alaman umano na ang idineklarang paper hand towels ay mga sigarilyo sa isinagawng physical examination ng Trade Control Examiner.


Pahayag pa ng BOC, naghain na rin ng Warrant of Seizure and Detention (WSD) laban sa mga sangkot sa naturang shipment sa paglabag sa Section 1400 (Misdeclaration) at Section 1113 (Property Subject to Seizure and Forfeiture) in relation to Section 117 (Regulated Importation and Exportation) of the Customs Modernization and Tariff Act.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page