top of page
Search

ni Lolet Abania | June 13, 2021




Isang restoran sa Quezon City ang nahuling lumabag sa health safety protocols matapos na mag-operate ngayong Linggo ng full capacity ng kanilang indoor dining sa kabila ng mahigpit na ipinatutupad na quarantine restrictions sa NCR Plus.


Lumalabas na ang restoran ay nag-accommodate ng mga customers para sa kanilang indoor dining nang 100% at wala rin itong Mayor’s Permit na nakapaskil dapat sa dining area.


Sa ngayon, ang National Capital Region at karatig-probinsiya ay nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) with heightened restrictions nang hanggang Hunyo 30.


Sa ilalim ng GCQ with heightened restrictions, ang indoor dining ay nasa 20 porsiyentong kapasidad lamang habang ang outdoor o al fresco dining ay 50% capacity.


Ayon sa mga awtoridad, ang naturang restaurant ay posibleng ipasara dahil sa ginawang paglabag. Gayunman, wala namang naging pahayag ang may-ari ng restaurant habang wala ring binanggit na iba pang detalye ang pulisya.

 
 
  • BULGAR
  • Jun 10, 2021

ni Ronalyn Seminiano Reonico | June 10, 2021



Patay ang isang babae at lalaki matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem ang sasakyan ng dalawa sa Barangay Mariana, Quezon City noong Miyerkules nang gabi, bandang alas-siyete.


Ayon kay QC Police District Director Brig Gen. Antonio Yarra, hindi pa nakikilala ang mga biktima at aniya, hinila umano ng mga suspek ang babae palabas ng sasakyan saka ito binaril at iniwan sa kalsada. Sa loob naman umano ng sasakyan binaril ang kasama nitong lalaki.


Saad pa ni Yarra, "'Yung babae, according sa witness natin, pinaghihila siya at pinagbabaril. Tapos 'yung lalaki, habang umaatras, pinagbabaril din.


"'Yung lalaki, may tama ng bala sa right side ng kanyang body."


Ayon umano sa mga nakasaksi, bago tumakas ang mga suspek, nakakilos pa ang babae at nanghingi ng tulong ngunit kaagad ding binawian ng buhay.


Nagsasagawa na rin ng imbestigasyon ang Quezon City Police District sa insidente upang matukoy ang mga suspek.


 
 

ni Lolet Abania | June 9, 2021




Isang ginang ang napaanak sa sasakyan ng Quezon City Task Force Disiplina matapos na tanggihan umano ito sa isang ospital dahil sa walang swab test.


Ayon kay Ronessa Gelotin, kawani ng Task Force Disiplina, pauwi na ang kanilang team nang parahin sila ng isang lalaki sa IBP Road sa Quezon City. Sinabi ng lalaki na manganganak na ang kanyang misis, habang nasa tabi niya ito at nahihirapan.


Dagdag ng mister, hindi raw tinanggap sa isang ospital ang kanyang misis dahil wala itong swab test na ipinakita. Agad na isinakay ng task force ang mag-asawa para dalhin sila sa ospital.


Subalit nang nasa sasakyan na sila, pumutok na ang water bag o panubigan ni misis at napaanak na ito. Dinala rin ng QC Task Force ang mag-ina sa isang klinika sa Quezon City habang maayos naman ang naging lagay ng dalawa.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page