top of page
Search

ni Jasmin Joy Evangelista | September 30, 2021



Nadagdagan ng 4 na bagong lugar ang isinailalim sa special concern lockdown sa Quezon City bunsod ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19.


Sa ngayon ay umabot na sa total na 53 lugar ang isinailalim sa SCL matapos maidagdag ang 4 na lugar:


* Isang lugar sa Bansalangin Street, Brgy Payatas (304 active cases sa Brgy)

* Tatlong lugar sa Area 6, Luzon Avenue, Brgy Old Balara (158 active cases sa Brgy)

* Isang lugar sa Molave Street, Brgy Payatas (304 active cases sa Brgy)

* Isang lugar sa Road 1, Brgy Bagong Pag-asa (118 active cases sa Brgy)


Magtatagal ng 14 days ang lockdown sa bawat lugar at lahat ng residente rito ay hindi maaaring lumabas.


Ang mga authorized persons outside of residence na magnanais lumabas ng bahay para magtrabaho ay puwedeng umalis pero makakabalik na lamang sila sa kani-kanilang mga bahay kapag tapos na ang lockdown.


Kailangan din nilang magpakita ng negative swab test result para makauwi.


Nangako naman ang lokal na pamahalaan na sasagutin nila lahat ng pagkain at iba pang pangangailangan ng mga maapektuhan ng lockdown pati na rin ang swab testing sa mga ito.

 
 

ni Lolet Abania | September 26, 2021



Nasa kabuuang 1,518 pamilya sa Barangay Payatas sa Quezon City ang magmamay-ari na ng lupa kung saan sila nanirahan ng 40 taon.


Sa pahayag ng city government, natupad na ni Mayor Joy Belmonte ang kanyang naging pangako sa mga residente ng Ramawil 9.6 Homeowners Association Inc., dalawang taon na ang nakararaan.


Nitong weekend, nilagdaan ni Belmonte ang deed of conditional sale bilang pormal na pag-acquire ng 157 parcels ng mga lupa na dating pagmamay-ari ng Landbank.


Nagpasalamat naman ang presidente ng Ramawil 9.6 Homeowners Association Inc. na si Razul Janoras sa city government sa pagbibigay nito ng oportunidad na makakuha ng security of tenure sa mga naturang lupa na kanilang tinirhan sa loob ng apat na dekada.


Sina City Administrator Michael Alimurung, head ng Housing Community Development and Resettlement Department, at ang City Appraisal Committee, ang siyang nagkumbinse sa Landbank upang mai-settle ang mga property sa halagang P209,244,000.


Matapos na ma-acquire ito ng lokal na gobyerno ng Quezon City, ang mga benepisyaryo ay maaaring magbayad sa LGU para sa lupa na kanilang inookupa sa pamamagitan ng direct sale program na P3,000 per sq. meter.


 
 

ni Lolet Abania | September 22, 2021



Halos mapuno na ng mga trak ng bumbero ang kalsada sa Barangay Manresa, Quezon City matapos sumiklab ang sunog ngayong Miyerkules nang gabi.


Sa inisyal na ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog sa isang pabrika na nasa Biak-na-Bato St. malapit sa Makaturing St. sa Barangay Manresa, Quezon City, bandang alas-6:00 ng gabi.


Aabot sa mahigit 20 mga trak ng bumbero ang nakapaligid hanggang sa Del Monte Avenue, Quezon City mula sa iba’t ibang lungsod.


Habang isinusulat ito, patuloy pa rin ang mga bumbero sa pag-apula ng apoy.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page