top of page
Search

ni Ronalyn Seminiano Reonico | May 8, 2021



Nagpositibo sa COVID-19 si Quezon 3rd District Representative Aleta Suarez, ayon sa Facebook post ng Quezon Public Information Office ngayong Sabado.


Saad ni Aleta, “Nais ko pong ipabatid sa inyo na ang inyong lingkod ay sumailalim sa RT-PCR Test noong Mayo 6, 2021, alinsunod sa protocol ng Department of Health (DOH), bilang isang close contact ng aking kabiyak at gobernador ng Quezon, Gov. Danilo Suarez na naunang nagpositibo sa COVID-19.


“Lumabas po ang resulta kahapon, Mayo 7, 2021 at ako po ay nagpositibo rin sa COVID-19.”


Ayon kay Aleta, siya ay asymptomatic at naka-isolate sa kanilang tahanan.


Nanawagan din siya sa mga nakasalamuha niya at pinayuhang mag-self-quarantine.


Aniya, “Sa akin pong mga nakasalamuha at mga naging close contact nitong mga nakaraang araw, kayo po ay pinapayuhang mag-self-quarantine at mag-monitor ng inyong kalusugan.


“Kung kayo po ay nakararanas ng anumang sintomas ng COVID-19, agad itong ipagbigay-alam sa inyong mga Barangay Health Emergency Response Teams (BHERTs) upang kayo ay mabigyan ng kaukulang medikal na atensiyon at sumailalim sa test kung kinakailangan.”


 
 

ni Twincle Esquierdo | November 21, 2020





Patay ang tatlong magkakaibigan sa Tiaong, Quezon matapos pagbabarilin habang nag-iinuman nitong Huwebes nang gabi sa Barangay Del Rosario.


Ayon sa Tiaong Municipal Police Station, pasado alas-9 ng gabi nang mangyari ang insidente sa tindahan ng goto sa nasabing barangay. Batay sa mga nakasaksi, nag-iinuman ang magkakaibigan nang biglang dumating ang dalawang lalaki na may dalang baril at pinagbabaril ang mga ito.


Isinugod agad ng mga residente ang dalawang sugatan at tatlong pinagbabaril sa isang pagamutan sa San Juan, Batangas, ngunit dead on arrival ang tatlong magkakaibigan.

Kinilala ang mga biktima na sina dating Barangay Del Rosario Captain Richard Nitro, Jay-Ar Javillo at Selvino Macaraig.


Ayon sa kapatid ni Nitro na si Ma. Elena Cumal, mabait at matulungin ang kanyang kapatid at wala raw itong nakaaway kahit noong nanunungkulan pa bilang kapitan ng barangay.


Wala naman itong naikuwento sa kanila kung mayroong nagbabanta sa buhay niya, kaya hustisya ang panawagan ng kanilang pamilya.


Samantala, sa Maynila raw nakatira si Macaraig at umuwi lang ito para puntahan ang mga puno ng saging na sinira ng Bagyong Ulysses, kaya hindi akalain ng kanyang mga kamag-anak na madadamay ito sa pamamaril.


Ayon sa hepe ng Tiaong Municipal Police Station, maaaring paghihiganti kay dating Kapitan Richard Nitro ang nakikita nilang motibo sa nangyaring pamamaril.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page