top of page
Search

ni Lolet Abania | May 20, 2022



Nakarekober na ang 11 dayuhang turista matapos na tamaan ng mas nakahahawang Omicron subvariant BA.2.12.1 sa Puerto Princesa City at nakabalik na sa kanilang mga bansa.


Ayon kay Dr. Dean Palanca, head ng Incident Management Team sa Puerto Princesa, ang mga foreign travelers ay nakaalis na ng Pilipinas noon pang unang linggo ng Mayo.


“Sila ay na-discharge na po natin at lahat sila ay umuwi na sa kanilang countries,” pahayag ni Palanca sa isang interview ng TeleRadyo ngayong Biyernes. Aniya, nakaranas lamang ang mga pasyente ng mild symptoms ng naturang sakit.


Matatandaang inanunsiyo ng Department of Health (DOH) noong nakaraang linggo na may na-detect ng mga kaso ng Omicron BA.2.12.1 mula sa isang mini cruise line sa Puerto Princesa. Nasa 11 foreign tourists at isang local ang nagpositibo sa test para sa BA.2.12.1 subvariant noong Abril 29.


Ayon naman sa DOH, ang cruise line ay nag-docked lamang sa Puerto Princesa upang sunduin ang mga turista para sa isang diving trip sa Tubbataha Reef.


“Kaya nga po parati naming sinasabi na wala po ditong dapat ipangamba kung may mga turista o travelers na papasok ng Puerto Princesa kasi wala naman pong sinasabi nating nagkahawaan dito mismo sa kalupaan ng Puerto Princesa,” saad ni Palanca.


Sinabi rin ng opisyal na lahat ng naging close contacts ng mga pasyente ay nagnegatibo sa test sa COVID-19. Ang BA.2.12.1, isang sublineage ng BA.2, ay na-detect na sa 23 mga bansa, kung saan ito ay binubuo ng karamihan ng COVID-19 cases sa United States.


 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | November 5, 2021



Hindi pa rin bukas ang Puerto Prinsesa City sa Palawan sa mga turista mula sa labas ng siyudad.


Nasa 900 ang active cases sa siyudad at limitado rin ang health care facilities nila.


"Mahigpit talaga dito compared doon sa ibang LGUs kasi ang health care system namin dito, menos na menos din compared sa ibang LGUs. Ang mga ospital dito ang liliit tapos hindi lang taga city ang kine-cater niyan, pero sa ibang munisipyo din," ayon kay Mayor Lucilo Bayron.


“As of now, puno ang aming hospitals, di makapasok ang mga patient, for example COVID patient on the same day, aabutin pa ng 1 day or 2 days kaya, kailangan namin proteksyunan ang ating health care system," dagdag pa ni Mayor Bayron.


Sa mga turistang papasok sa siyudad, kabilang sa mga kailangang requirements ay negatibong RT-PCR test, vaccination card na nagpapakitang fully-vaccinated, S-pass registration, airline ticket, travel order na nagpapakitang authorized person outside of residence o APOR at iba pa.


Ayon pa kay Mayor Bayron, inuunti-unti na nila ang pagbubukas ng kanilang ekonomiya.


“Hindi pa kami tumatanggap ng tourists as of now kasi ang feeling namin, kung iopen namin ang doors namin for tourism, walang takers pa. Iyong mga hotel closed, iyong mga restaurant ay hindi nag-ooperate kaya sabi namin buhayin muna ang local economy," sabi ni Mayor Bayron.


Posible raw na sa Abril sa susunod na taon ay mas maging maluwag na sila sa kanilang turismo.

 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | June 18, 2021



Nagpositibo sa COVID-19 ang 124 inmates at 17 jail personnel sa Puerto Princesa City, Palawan.


Ayon kay Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Spokesperson Jail Chief Inspector Xavier Solda kahapon, Huwebes, isinailalim na sa isolation ang mga nagpositibo sa COVID-19 sa hiwalay na gusali.


Aniya, "Ang focus po ng management ngayon ay mabigyan ng atensiyong medikal 'yung mga PDL (persons deprived of liberty) at 'wag pong mag-alala ‘yung mga pamilya.”


Nilinaw naman ni Solda na 64% lamang ng kulungan sa Palawan ang okupado, hindi katulad sa Metro Manila na siksikan ang mga preso.


Pahayag pa ni Solda, "Since ang concern natin ngayon, ‘yung manpower capacity natin, ‘yung ibang personnel natin within or from nearby province, ‘yun na muna ‘yung ni-utilize natin.”


Samantala, dahil sa tumataas na kaso ng COVID-19 sa Palawan, suspendido pa rin ang face-to-face na pagdalaw sa kulungan.


Saad pa ni Solda, "Temporary suspended pa rin ang contact visitation.


"Ang facilities, nag-expand tayo ng electronic visitation o e-dalaw kung saan doon puwedeng makausap pa rin ng mga PDL ‘yung kanilang mga pamilya.”


 
 
RECOMMENDED
bottom of page