top of page
Search

ni Ronalyn Seminiano Reonico | July 20, 2021



Umabot na sa 15,096,261 COVID-19 vaccine doses ang naiturok na sa bansa mula nang mag-umpisa ang vaccination program hanggang noong July 18, ayon sa Malacañang noong Lunes.


Sa naturang bilang, 10.3 million ang naibakuna na para sa unang dose at 4.7 million naman ang para sa second dose, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.


Samantala, lalo pang pinaiigting ng pamahalaan ang pagpapabilis ng vaccination rollout at nanawagan si Roque sa mga hindi pa bakunado na magpabakuna na laban sa COVID-19.


Aniya, "Kailangan natin ng dagdag- proteksiyon para sa ating sarili, sa ating pamilya, at komunidad. Maging bahagi ng solusyon.”


 
 

ni Lolet Abania | July 9, 2021


Pinayagan na ng pamahalaan ang mga edad na 5 at pataas na makalabas ng bahay sa mga piling lugar sa gitna ng COVID-19 pandemic.


Sa inilabas na anunsiyo ngayong Biyernes ni Presidential Spokesperson Harry Roque, ang polisiya ay ipatutupad sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) at modified general community quarantine (MGCQ).


Hindi kasama sa bagong guidelines ang mga lugar na nasa ilalim ng GCQ with heightened restrictions tulad ng Laguna at Cavite.


Ayon kay Roque, ang mga bata na nasa 5-anyos at pataas ay maaaring pumunta sa mga lugar na dapat may mga kasamang nakatatanda gaya ng parke, playgrounds, beaches, biking at hiking trails, outdoor tourist sites na itinakda ng Department of Tourism, outdoor non-contact sports courts at venues, at al fresco dining establishments.


Gayunman, bawal pa rin sa mga malls ang mga mas bata sa edad 15. Binigyan na rin ng gobyerno na awtorisasyon ang mga local government units (LGUs) na dagdagan ang age restriction sa mga bata batay sa sitwasyon ng COVID-19 sa kanilang mga nasasakupan.


 
 

ni Lolet Abania | July 5, 2021


Dadalawin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga sundalong nakaligtas bagama't nasugatan mula sa bumagsak na C-130 plane sa bayan ng Patikul sa Sulu na naganap nitong Linggo.


“If it will push through, the President might go to Zamboanga, in the hospital,” ani Presidential Spokesperson Harry Roque sa briefing ngayong Lunes.


Sa ngayon, nasa 50 na ang nasawi mula sa bumagsak na eroplano. Kabilang dito ang 47 sundalo at tatlong sibilyan.


Sinabi ni Roque na labis ang kalungkutan ng pangulo sa naganap na pagbagsak ng military plane kung saan maraming namatay na sundalo.


“Matinding kalungkutan po... dahil napakataas na ng numero ng mga nasawi,” saad ni Roque.


Dahil sa insidente, ayon kay Roque, nais ng gobyerno na ipagpatuloy na ang modernisasyon ng bansa partikular sa Armed Forces.


“This will provide impetus for further modernization rather than preventing it,” ani Roque.


“We will ensure that we will proceed at full speed ahead in modernizing our Armed Forces because we need them in defending our territorial sovereignty,” dagdag ng kalihim.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page