top of page
Search

ni Mylene Alfonso | May 27, 2023




Gagamitin ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ang dalawang bagong barko ng Philippine Navy para magpatrolya sa West Philippine Sea (WPS).


Ani Marcos, ito ay para maipakita na patuloy na nagpapalakas ang Pilipinas sa kapabilidad sa usapin ng seguridad at depensa.


Gagamitin din aniya ang mga barko sa search and rescue operation pati na sa relief operations.


Sa pagdalo ng Pangulo sa ika-125 anibersaryo ng Philippine Navy, sinaksihan ng nito ang commissioning sa dalawang bagong Israeli made fast attack interdiction gun boat.


Ito ay ang BRP Gener Tinangag at BRP Domingo Deluana.


Nakikipagsabayan na aniya ang Pilipinas sa mga kapitbahay na bansa sa Asya sa pagpapalakas ng naval assets.


Samantala, balak din ni Marcos na bumili ng submarine para sa Philippine Navy.

Maraming bansa umano ang nag-aalok ng submarine sa Pilipinas.


"Marami tayong offer from different countries not only to acquire submarines but also to build them here in the Philippines. So, iyon ang tinitignan natin ngayon dahil malaking bagay 'yun if they are built here and we can actually build submarines here and provide those submarines to other countries and then that’s another source of jobs and of income and increase capability for our navy,” dagdag pa ng Pangulo.


 
 

ni Mylene Alfonso | May 23, 2023




Nais ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr., na magtatag ng isang nationwide food stamp program sa ilalim ng kanyang administrasyon sa pakikipagtulungan sa Asian Development Bank (ADB).


Ayon kay Marcos, ito ay kabilang sa mga paksang tinalakay niya kay ADB President Masatsugu Asakawa at iba pang matataas na opisyal ng ADB.


Ani Marcos, ang naturang programa ay unang iminungkahi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na kabilang sa nakahanay na proyekto ng gobyerno na lubos na makatutulong sa publiko.


Una nang inilutang ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang ideya noong unang bahagi ng taon, bilang tugon sa survey ng Social Weather Stations (SWS) kung saan tatlong milyong pamilyang Pilipino ang nakararanas ng gutom.


Layunin ng programa na mabigyan ng mga coupons ang mga pamilya at indibidwal na mababa lamang ang kita, na magagamit nila sa pag-avail ng mga pagkain.


Tinalakay din ni Marcos sa ADB ang pakikipagtulungan nito sa Civil Service Commission hinggil sa digital technology at iba pang “large-scale” projects.


"Now the scope of the ODA (official development assistance) that we get through ADB has now increased and we are now talking about agriculture, re-skilling and retraining, and climate change and its mitigation and adaptation,” wika ng Pangulo.


 
 

ni Mylene Alfonso | May 22, 2023




Umapela si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr., sa mga Pilipino at sa local government units na magtipid sa tubig at kuryente habang naghahanda ang bansa para sa El Niño.


Ayon kay Marcos, kabilang dito ang pagtitipid ng tubig sa mga car wash, golf course at pagre-refill ng mga swimming pool.


"Ang DILG (Department of the Interior and Local Government), inatasan natin na paratingin sa mga LGU ang kampanya natin sa pag-mitigate ng impact ng El Niño gaya ng pagtitipid ng tubig sa bahay, sa mga car wash, sa mga pagdidilig ng golf course at pagre-refill ng mga swimming pool," pahayag ni Marcos sa kanyang pinakabagong vlog na pinamagatang "Ang Init" na inilabas noong Sabado ng gabi.


Ayon sa Pangulo, makatutulong ito sa pagpapanatili ng suplay at mahalaga ang partisipasyon ng bawat isa.


"Ito ay inaasahang makakatulong sa pagpapanatili ng ating supply,” wika pa ni Marcos.


Sinabi rin ni Marcos na ang mainit na panahon kasi sa bansa ay lumikha ng pangangailangan ng kuryente na lampas sa suplay.


Bumaba rin aniya ang ulan ng 35 porsyento na nakakaapekto sa mga hydroelectric power plant, dam at irigasyon.


Aniya, matagal nang sinusuportahan ng gobyerno ang mga proyektong makakatulong sa pagbuo o pag-imbak ng higit na enerhiya para sa Pilipinas.


“Ang energy production ay pinapaigting sa pagbubukas ng mas maraming renewable energy sources,” ani Marcos.


“Kailan lang ay in-extend natin ang Malampaya service,” giit ng Punong Ehekutibo.


"Sinusuportahan din natin ang mga bagong teknolohiya tulad ng battery storage para maging sustainable at reliable pa ang ating renewable sources of energy," dagdag pa niya.


Bukod dito, inumpisahan na rin ng pamahalaan ang paghahanda para sa posibleng La Niña matapos ang tagtuyot.


"Sa kabila ng matinding tagtuyot ay naghahanda din tayo para naman sa La Niña o matinding tag-ulan na may dala-dala ring ibang problema," paliwanag ni Marcos.


“Ito ay nangangailangan ng partisipasyon ng bawat isang kababayan nating Pilipino,” pagtatapos ng Pangulo.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page