top of page
Search

ni Lolet Abania | July 3, 2022



Inimbitahan ni US President Joe Biden si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na bumisita sa Washington sa Amerika, ito ang kinumpirma ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez ngayong Linggo.


Gayunman aniya, wala pang iskedyul na itinakda para pumunta si P-BBM.


“No schedule. Invitation as soon as schedule mutually agreed upon ‘by their teams,’” pahayag ni Romualdez sa GMA News.


Ayon sa ambassador, isang letter of invitation ang ibinigay kay Pangulong Marcos ni Second Gentleman Douglas Emhoff.


Si Emhoff ang nanguna sa presidential delegation na ipinadala ni Biden para dumalo sa inagurasyon ni P-BBM na ginanap noong Hunyo 30 sa National Museum of Fine Arts sa Manila.


Hiningan naman ng komento ang kampo ni Pangulong Marcos, subalit wala pa silang inilalabas na pahayag hinggil dito.


 
 

ni Lolet Abania | July 1, 2022



Sinimulan nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte ang kanilang unang araw ng panunungkulan sa pagdalo sa isang Misa sa loob ng compound ng Malacañang.


Batay sa impormasyon na inilabas ng Presidential News Desk, ginanap ang Misa ngayong Biyernes sa San Miguel Parish Church at si Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula nag-officiate nito.


Si Social Welfare Secretary Erwin Tulfo ang nag-post sa Facebook ng larawan nina Pangulong Marcos at VP Sara sa loob ng simbahan. Sa kanyang homily, nanawagan si Cardinal Advincula sa mga matatas na lider ng bansa aniya, “emulate the two traits of the Good Shepherd such as listening leadership and life-giving leadership.”


“As we meet in our offices and conference halls asking questions in our heads, may we be mindful of our people who ask questions in their empty stomachs… May we be leaders who listen to our people, especially the poor and marginalized,” pahayag ng cardinal.


“Jesus Christ is also a life-giving shepherd, a life-giving leader. He desires his flock to gain abundance and fullness of life, and he does this by laying down his own life for his sheep. He came not to be served, but to serve,” dagdag pa ni Cardinal Advincula.


Hiniling din ng cardinal sa mga opisyal ng gobyerno na maging mabuti hindi lamang sa ilang mga indibidwal o partikular na mga grupo kundi sa buong Pilipinas.


“Guided by truth, urged by charity, and passionate for justice and peace, may you spend yourselves in the service of the common good,” saad pa ng cardinal.


Hinimok din ni Cardinal Advincula ang publiko na suportahan at tulungan ang bagong administrasyon upang kanilang maisagawa ang kanilang mandato at maisakatuparan ang kanilang aspirasyon para sa pagpapabuti at ikauunlad ng ating bansa.


Samantala, kabilang sa mga dumalo na Cabinet members sa Misa ay sina Executive Secretary Vic Rodriguez, Special Assistant to the President Anton Lagdameo, Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, Presidential Management Staff Chief Naida Angping, Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos, Tourism Secretary Christina Frasco, Department of Migrant Workers Secretary Susan “Toots” Ople, Socioeconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan, Labor Secretary Bienvenido Laguesma, Transportation Secretary Jaime Bautista, Solicitor General Menardo Guevarra, Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III, Civil Service Commission chief Karlo Nograles, Press Secretary Trixie Cruz-Angeles at Tulfo.


 
 

ni Lolet Abania | June 30, 2022



Umalis na si Pangulong Rodrigo Duterte sa Malacañang ngayong Huwebes ng umaga, isang oras bago magtapos ang kanyang termino ng Hunyo 30.


Sa pag-alis ni Duterte sa Malacañang, binigyan siya ng departure honors mula sa military sa loob ng Palace grounds. Tumanggap din si Duterte ng pagkilala mula sa kanyang successor na si Ferdinand “Bongbong” Marcos. Jr., na naging saksi sa recognition nito.


Nagkamay naman sina Duterte at Marcos, bago tuluyang umalis ang dating pangulo sa Palasyo patungo sa kanyang hometown sa Davao City.


Si Marcos ay dumating ng Malacañang pasado alas-10:00 ng umaga at nagbigay ng courtesy call kay Duterte para sa tradisyonal na “salubong” bago nagtungo sa National Museum of the Philippines upang manumpa bilang ika-17 pangulo ng Pilipinas ngayong araw.


Samantala, sa huling pagkakataon pinulong ni Duterte ang mga miyembro ng kanyang gabinete ngayong umaga ng Huwebes. Ayon kay Sen. Bong Go, pinasalamatan ni Duterte ang mga opisyal na tumulong sa kanyang magsilbi sa bansa sa nakalipas na anim na taon.


“Well... I am a student of government. Alam mo matagal ako sa gobyerno. I think I assembled one of the best Cabinet... Totoo. Piling-pili ko,” pahayag ni Duterte sa isang video message na kinuhanan sa kanilang final gathering, at nai-share sa press ni acting spokesman at Communications Secretary Martin Andanar.


Hinimok din ni Duterte ang publiko na suportahan ang administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos. “Let us give all our support to the new administration. Tulungan natin sila. Tulungan natin si Marcos,” pahayag ni dating Pangulong Duterte.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page