top of page
Search

ni Mylene Alfonso @News | Apr. 24, 2025



File Photo: Bongbong Marcos / FB


Kinumpirma ng Palasyo na dadalo sina Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. at First Lady Liza Marcos sa libing ni Pope Francis sa Vatican City sa Sabado.


Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Atty. Clair Castro, hindi pa maibigay ang opisyal na petsa kung kailan bibiyahe ang Pangulo at First Lady ngunit iaanunsyo niya ito sa sandaling makuha ang mga detalye.


“The President and the First Lady will attend the funeral of the Pope,” wika ni Castro.

Inaasahang maraming heads of state ang magtutungo sa Vatican para makipaglibing kay Pope Francis, na nagsilbing Santo Papa sa loob ng 12 taon.


Nakatakdang ihatid sa kanyang huling hantungan si Pope Francis sa Sabado, Abril 26, sa Basilica of St. Mary Major.


Bago ang libing, magkakaroon muna ng funeral mass sa St. Peter’s Square na pangungunahan ni Cardinal Giovanni Battista Re, ang Dean of College of Cardinals. 


Matatandaang pumanaw si Pope Francis noong Lunes sa edad na 88 matapos ma-stroke at cardiac arrest.


 
 

by Info @Editorial | Apr. 23, 2025



Editorial

Nagluluksa ang buong mundo sa pagpanaw ni Pope Francis — isang lider ng Simbahan na hindi lamang nagsilbing pinuno ng pananampalataya, kundi isang tinig ng habag, pagkakapantay-pantay, at pag-asa sa gitna ng magulong panahon.


Mula nang mahalal siya bilang ika-266 na Santo Papa noong 2013, si Pope Francis ay naging sagisag ng pagbabago. 


Isinabuhay niya ang tunay na kahulugan ng pagkakawanggawa, pinili ang pagiging payak sa halip na marangya, at isinulong ang pakikipagdiyalogo sa iba’t ibang relihiyon at paniniwala. 


Hindi siya natakot magsalita laban sa katiwalian, kawalang-katarungan, at ang patuloy na pagkasira ng kalikasan. Binigyan niya ng tinig ang mga nasa laylayan — ang mga mahihirap, migrante, matatanda, at kabataan. 


Inilapit niyang muli ang Simbahan sa mga tao sa pamamagitan ng kanyang kababaang-loob at matapat na pakikinig. Ang kanyang mensahe ay hindi palaging madaling tanggapin ng lahat, ngunit hindi matatawaran ang kanyang layunin: ang isang mundong mas makatao, mas mapagpatawad, at mas mapagmahal.


Sa kanyang pagpanaw, iniwan niya sa atin ang isang malalim na pamana — isang paalala na ang liderato ay hindi nasusukat sa kapangyarihan kundi sa serbisyo, hindi sa palakpakan kundi sa pagmamalasakit.


Magsilbi sanang inspirasyon ang buhay ni Pope Francis sa lahat — hindi lamang sa mga Katoliko, kundi sa bawat isa sa atin na naghahangad ng isang mas mapayapa at makatarungang mundo.


Maraming salamat at paalam, Lolo Kiko.


 
 

ni Angela Fernando - Trainee @News | February 29, 2024



ree

Balik sa Vatican si Pope Francis matapos ang kanyang checkup sa ospital dahil sa trangkaso.


Nagpakonsulta ang 87-anyos na Santo Papa at kinansela ang mga public engagements nitong Sabado at Lunes, ayon sa Vatican.


Matatandaang kinansela rin nu'ng nakaraang taon ang mga biyahe ng Santo Papa sa ibang bansa dahil nagkaroon ito ng sakit.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page