top of page
Search

ni Lolet Abania | January 8, 2021




Patay ang isang suspek habang nakatakas ang isa pa matapos ang isinagawang anti-illegal drugs operation ng Philippine National Police (PNP) sa Ermita, Manila ngayong Biyernes nang umaga.


Ayon kay PNP Chief Police General Debold Sinas, ang nasawing suspek ay kinilala sa tawag na "Kuya," na armado ng isang caliber .45 pistol at nakipagbarilan sa mga kawani ng PNP Drug Enforcement Group para takasan ang pag-aresto kanya ng mga ito.


Kinilala naman ang isa pang suspek na si Ish Aguilar, kasamahan umano ni Kuya, na nagawang makatakas kaya pinaghahanap na rin ng awtoridad,

Sinabi ni Sinas na ang mga suspek ay distributor umano ng ilegal na droga sa Metro Manila at sa kalapit na probinsiya.


Aniya pa, nakukuha ng mga ito ang supply ng drugs mula sa mga dayuhan at ilang Pinoy na kaibigan.


Nakumpiska ng mga awtoridad ang 800 tableta ng hinihinalang ecstasy na nagkakahalaga ng P1,360,000; dalawang plastic sachets ng hinihinalang shabu na P340,000 ang halaga; isang caliber .45 pistol; at buy bust money na P5,000.


Ayon kay PNP-DEG Chief Police Brigadier General Ronald Lee, sina Kuya at Aguilar ay nakatakas sa unang operasyon ng awtoridad noong Huwebes ng hapon nang ni-raid nila ang isang kitchen-type shabu laboratory sa Cainta, Rizal.


Gayunman, ang live-in partner ni Aguilar na si Khrystyn Almario Pimentel ay naaresto sa nasabing operasyon. Nasabat kay Pimentel ang 2,000 tableta ng hinihinalang ecstasy na P3,400,000 ang halaga; 10 maliliit na pakete ng hinihinalang marijuana na P60,000 ang halaga; at hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P6,800,000.


Nasabat din ng pulisya ang ilang laboratory equipment na ginagamit para sa pagpoproseso ng shabu.

 
 

ni Lolet Abania | January 5, 2021




Isang mambabatas ang nag-alok ng P100,000 reward sa bawat suspek na maaaresto kaugnay sa kaso ng pagkamatay ng flight attendant ng Philippine Airlines (PAL) na diumano'y pinagdroga at hinalay.


"Hustisya ang panawagan natin at tiyaking mapanagot ang mga sangkot sa karumal-dumal na krimen na ito," sabi ni ACT-CIS party-list Representative Eric Yap.


Ayon sa report, natagpuan ang bangkay ni Christine Dacera sa isang hotel room sa Makati matapos na mag-celebrate ng Bagong Taon kasama ang mga kapwa cabin crew at kaibigan.


Sa imbestigasyon ng awtoridad, posibleng hinalay ang biktima dahil sa ginawang pagsusuri sa bangkay na may abrasions at hematoma o mga pasa sa hita at tuhod.


Lumalabas na pinagdroga umano ang biktima at ginahasa. Napag-alaman din na hindi umano alam ng biktima na marami silang nasa hotel na tinatayang nasa siyam hanggang sa 11 suspek.


Sa 11 suspek, kinilala ng Philippine National Police (PNP) ang tatlong naaresto na sina John Pascual Dela Serna III, 27; Rommel Daluro Galido, 29; at John Paul Reyes Halili, 25.

Ayon kay Yap, magbibigay siya ng P100,000 pabuya sa makapagtuturo sa iba pang suspek.


"Walang taong nasa tamang pag-iisip ang makakagawa ng pang-aabusong ito at nararapat lang na mapanagot kayo kung mapapatunayan na may kinalaman kayo," ani Yap.

 
 

ni Thea Janica Teh | January 2, 2021




Arestado ang isang pulis sa Malabon City matapos magpaputok ng baril nitong Media Noche, ayon sa Philippine National Police (PNP).


Ayon kay PNP Spokesman Brig. Gen. Ildebrandi Usana, kinilala ang suspek na si S/Sgt. Karen Borromeo, 39-anyos.


Bandang 7:45 ng gabi, nagpaputok umano ng baril si Borromeo sa harap ng kanilang bahay. Agad na nagsumbong ang mga kapitbahay nito sa mga pulis kaya agad ding naaresto ang suspek.


Aniya, “She will be facing criminal and administrative sanctions.”


Bahagi naman ni Brig. Gen. Eliseo Cruz, Northern Police District (NPD) director, personal umano ang dahilan ng pagpapaputok nito ng baril at hindi dahil magba-Bagong Taon.


“She was having an argument with her live-in partner,” dagdag ni Cruz.


Samantala, nasa 25 kaso ng indiscriminate firing ang naitala sa taong 2020, mas mababa noong 2019 na nakapagtala ng 41 kaso.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page