top of page
Search

ni Lolet Abania | March 8, 2021




Pinag-iisipan ng gobyerno na mag-deploy muli ng mga sundalo at mga pulis na magpapatupad ng minimum health standards sa mga pampublikong lugar, ayon kay COVID-19 Response Chief Implementer at Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez.


Ayon kay Galvez, napansin ng mga awtoridad na maraming mga Pinoy ang naging kampante lalo na sa pagsunod sa mga safety protocols na ipinatutupad para mapigilan ang pagkalat ng coronavirus.


"'Yung mga pulis at saka military, puwede uli nating i-disperse sa mga convergent areas," ani Galvez sa isang virtual interview ngayong Lunes. Ito ay matapos makapagtala ang Department of Health ng pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa.


Ilang mga ospital na rin ang nag-report ng pagdami ng mga pasyenteng tinatamaan ng COVID-19 na kanilang ina-admit. Sinabi ni Galvez na kinokonsidera na rin ng pamahalaan na mapabilis ang immunity ng mga mamamayan bago matapos ang taon kasabay ng vaccination program laban sa COVID-19 para sa 70 milyong Pinoy.


Target ng gobyerno na magkaroon ng daily vaccination rate na 300,000 hanggang 500,000 katao. "Kung steady ang supply," sagot dito ni Galvez.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | March 7, 2021





Siyam na aktibista ang namatay habang 6 ang arestado sa isinagawang raid ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Calabarzon kaninang umaga, Marso 7, ayon sa Police Regional Office 4A.


Batay kay PRO4A PIO Chief Police Lieutenant Colonel Chitadel Gaoiran, may dalang warrant of arrest mula sa Manila Regional Trial Court Branch 4 ang mga awtoridad nang isagawa ang operasyon kung saan nakuha ang mga pampasabog mula sa bahay ng ilang aktibista at umano’y nanlaban sila sa pulisya.


Kabilang sa mga namatay ang mag-asawang sina Chai at Ariel Evangelista na miyembro ng Ugnayan ng Mamamayan Laban sa Pagwawasak ng Kalikasan at Kalupaan, sina Makmak Bacasno at Michael "Greg" Dasigao ng SIKKAD-K3 Kdmay Montalban, at si Emmanuel "Manny" Asuncion, ang Secretary General ng Bagong Alyansang Makabayan-Cavite. Samantala, inaalam pa ang pagkakakilanlan ng iba.


Sa tala ng pulisya, isa ang namatay sa Cavite, 2 sa Batangas at 6 sa Rizal, habang tatlo ang arestado mula sa Laguna, gayundin sa Rizal.


Kaugnay nito, ang nangyaring operasyon ay alinsunod lamang sa ipinahayag ni Pangulong Duterte noong ika-5 ng Marso, "I've told the military and the police, that if they find themselves in an armed encounter with the communist rebels, kill them, make sure you really kill them, and finish them off if they are alive."

 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | March 2, 2021





Handang magbitiw sa puwesto si Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Chief Wilkins Villanueva kung mapapatunayan diumano na isa sa kanilang tauhan ang nagbenta ng droga sa kapulisan sa madugong buy-bust operation malapit sa isang mall sa Quezon City noong nakaraang linggo.


Hinamon din ni Villanueva na maglabas ng CCTV footage ang sinumang nagsasabing nagbenta ng droga ang PDEA agents sa mga tauhan ng Philippine National Police (PNP).

Aniya, “Magsasalita ka kung may makikita kang ebidensiya na nandiyan. CCTV ang patunay. Magpalabas sila ng CCTV na nagbentahan ang PDEA at pulis. Magre-resign ako right now.


“Magpalabas kayo ng ebidensiya na CCTV na nagbenta ang PDEA at kayo ang bumili. Doon, kaso na ‘yun. I will resign immediately.”


Samantala, kasalukuyan pa ring nagsasagawa ng imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) sa insidente.


Noong Lunes, ayon sa Philippine National Police (PNP), nai-turn over na nila ang ilang ebidensiya katulad ng cellphones, mga baril at umano'y boodle money.


Saad pa ni PNP Crime Laboratory Director Brigadier Steve Ludan, “That is all we have now and na-turn over na po ‘yung iba, and the rest we are waiting for the complete turnover of these evidence to the NBI.”


Pahayag naman ni PNP Chief Police General Debold Sinas, “As to the impact of those evidence, pabayaan na lang muna ang NBI ang magsalita.”

 
 
RECOMMENDED
bottom of page