top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | March 17, 2021




Ipinasara ng awtoridad ang mga nadatnang nag-o-operate na tindahan at 24-hour na establisimyento sa ikalawang gabi ng unified curfew sa Metro Manila pasado alas-10 hanggang alas-5 nang madaling-araw nitong Martes, Marso 16.


Ayon kay Southern Police District Director Brig. Gen. Eliseo Cruz, sa Muntinlupa City ay pinuntirya nila ang mga convenience store na wala sa listahan ng mga pinapayagang magbukas habang oras ng curfew, taliwas sa inanunsiyo ng Las Piñas LGU na kabilang ang 24-hour convenience stores sa mga pinapayagang magbukas.


Iginiit naman ni Cruz na inabisuhan niya ang mga hepe na sakop ng Southern Police District upang klaruhin iyon sa kani-kanilang lokal na pamahalaan.


Aniya, puwede namang amyendahan ang mga ordinansa para isama ang 24-hour convenience store sa mga exempted na establisimyento ngunit hangga’t walang paglilinaw ay patuloy nilang ipasasara ang mga ito.


Kaugnay nito, bumaba naman ang bilang ng mga residente na nahuli sa kalsada habang ipinapatupad ang curfew hours sa Navotas, Caloocan at Quezon City.


Batay sa ulat, mula 80 indibidwal na hinuli nitong Lunes sa Caloocan ay mahigit 58 violators na lamang ang mga nahuli nang sumunod na gabi, habang sa Navotas naman ay bumaba na lamang sa 7 ang mga natikitan.


Sa Quezon City, mahigit 60 naman ang hinuli kabilang ang anim na menor de edad.


Sa ngayon ay umabot na sa 631,320 ang naitalang kaso ng COVID-19 sa bansa, kung saan 4,437 ang nadagdag sa mga nagpositibo.


Sa pagpapatuloy ng unified curfew ay umaasa ang pamahalaan na mababawasan ang mabilis na paglobo ng virus at ang bilang ng mga violators.

 
 
  • BULGAR
  • Mar 16, 2021

ni Mary Gutierrez Almirañez | March 16, 2021




Tatlumpu’t apat na ang namatay sa mga kapulisan dahil sa COVID-19, ayon sa Philippine National Police (PNP).


Batay sa ulat, isang 45-anyos na pulis ang nasawi kahapon, habang 103 naman ang nadagdag sa mga nagpositibo. Sa kabuuang bilang ay umabot na sa 12,343 ang naitalang kaso sa PNP kung saan mahigit 11,391 ang mga gumaling at 74 ang nadagdag sa mga nakarekober.


Ayon pa kay Manila Police District Chief Police Brigadier General Leo Francisco, kasalukuyang isinasailalim sa special quarantine ang MPD Station 11 matapos magpositibo sa COVID-19 ang 46 na kapulisan, kung saan isa sa kanila ang dumaranas ng severe symptoms.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | March 16, 2021




Dalawampu’t tatlo ang checkpoints na inilatag ng Quezon City Police District sa iba't ibang lugar ng lungsod simula kahapon, Marso 15, para manita ng mga motorista na lumalabag sa health protocol at upang masiguro na hindi kolorum o ilegal ang ilang sasakyan.


Ayon sa ulat, kabilang sa nilatagan ng checkpoint ang San Mateo-Batasan Road kung saan hindi na kukunin ang body temperature ngunit patuloy pa ring tinitingnan sa bawat pampublikong sasakyan kung nakakasunod sa minimum health standard ang mga pasahero katulad ng pagsusuot ng face mask, face shield at social distancing.


Kaugnay nito, nagsagawa rin ng special operations ang Inter-Agency Council for Traffic (I-ACT) sa Taft Avenue sa tabi ng Manila City Hall, kung saan 5 vans ang hinuli sapagkat walang maipakitang mga papeles ang drayber at ang iba nama’y expired na ang permit bilang UV Express.


May ilan ding nahuli dahil magnetic sticker lang ang idinikit sa sasakyan sa halip na pintura kaya puwede umanong gamitin 'yun bilang private car.


Ang mga nahuling sasakyan ay ii-impound sa Pampanga kung saan kailangang magbayad ng P200,000 para makuha ng may-ari. Maliban sa kolorum vans ay mahigit 50 pampublikong jeep at motorsiklo rin ang natikitan dahil sa iba't ibang violations.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page