- BULGAR
- Apr 12, 2021
ni Ronalyn Seminiano Reonico | April 12, 2021

Patay ang isang curfew violator matapos bugbugin ng 2 tanod sa Calamba, Laguna.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), mahaharap ang dalawang tanod sa kasong homicide.
Pahayag ni PNP Spokesperson Police Brigadier General Ildebrandi Usana, si Calamba Police Chief Lieutenant Colonel Jonathan Villamor ang magsasampa ng homicide complaints laban sa dalawang tanod.
Saad pa ni Usana, “Magsasampa po ng kaso 'yung ating Calamba chief of police laban doon sa dalawang barangay tanod because accordingly, meron pong mga witnesses.”
Kinilala ng awtoridad ang biktimang si Ernanie Jimenez, 26-anyos at saad ni Usana, ayon sa mga saksi, hinabol ito ng mga tanod at binugbog bandang alas-10:30 hanggang 11 PM noong April 7.
Lumabas diumano ng bahay ang biktima para bumili ng pagkain. Nang hinanap ito ng kanyang kapatid na si Gledien, naabutan niyang sugatan ang biktima sa barangay hall.
Nagkaroon diumano si Ernanie ng fractures sa bungo at kaagad na isinugod sa ospital ngunit binawian din ng buhay noong April 9.
Samantala, pinabulaanan naman ng mga suspek ang alegasyong pambubugbog sa biktima at iginiit na tumakbo ito palayo sa kanila.
Ayon kay Usana, mayroon din silang nakalap na ibang impormasyon na nagsasabing nadapa ang biktima habang tumatakbo palayo sa mga tanod.
Saad pa ni Usana, "Witnesses said they chased the alleged violator but then kicked him on the ground after curfew hours. But another version of the story says that he ran away and then stumbled.
"All of these will have to be brought to the attention of the court. It's up to the prosecutor, of course, to have an understanding if there is probable cause to file the information against them."






