top of page
Search

ni Ronalyn Seminiano Reonico | May 29, 2021



Tatlong pulis ang patay at 10 pa ang sugatan sa naganap na pag-ambush ng mga hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Magsaysay, Occidental Mindoro noong Biyernes nang umaga.


Ang mga naturang pulis ay miyembro umano ng Philippine National Police’s First Occidental Mindoro Provincial Mobile Force Company na nagtungo sa San Nicolas para sa outreach program na “Serbisyo Caravan” na inorganisa ng Provincial Task Force-Ending Local Communist Armed Conflict.


Base sa ulat ng awtoridad, alas-10:30 nang umaga naganap ang engkuwentro nang paulanan ng bala ng baril ang mga pulis na sakay ng open vehicle na nakaparada malapit sa highway.

Ayon kay Provincial Police Chief Col. Hordan Pacatiw, ang mga nasawing pulis ay sina Police Executive Master Sgt. Jonathan Alvarez at Police Cpl. Stan Gonggora. Ngayong Sabado naman binawian ng buhay si Police Staff Sergeant Nolito Develos Jr..


Dagdag pa ni Pacatiw, ang tinambangang sasakyan ng mga pulis ay bahagi ng security convoy ni Gov. Eduardo Gadiano. Naganap ang pananambang ng armadong grupo nang pauwi na umano sina Gadiano matapos ang “Serbisyo Caravan”.


Samantala, nagsasagawa na ng operasyon ang awtoridad upang matugis ang mga salarin sa insidente.


 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | May 24, 2021



Patay ang dalawang drug suspects sa isinagawang joint operation ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kung saan nakumpiska ang 10 kilo ng shabu na nagkakahalagang P68 million noong Linggo nang gabi sa Katarungan Village 1, Muntinlupa City.


Ayon sa ulat nina Police Brigadier General Remus B. Medina, Director PNP Drug Enforcement Group (PDEG) at PNP Chief Police General Guillermo Lorenzo T. Eleazar, ang anti-illegal drug operations na pinangunahan ng Special Operation Unit 16 (NCR) kasama ang Police Regional Office 6 Regional Intelligence Division, PDEA NCR, NCRPO-RID-RSOG-RDEU, Muntinlupa City Police Station, NCR Southern Police District at Bureau of Customs CIIS ay nauwi sa engkuwentro.


Kinilala ng awtoridad ang mga suspek na sina Jordan Sabandal Abrigo at Jayvee De Guzman na parehong nasawi sa operasyon.


Kabilang umano sa mga narekober ng awtoridad ay ang tatlong plastic ng Chinese teabags na may lamang 10 kilograms ng white crystalline substance na hinihinalang shabu na nagkakahalagang P68 million, isang black Nissan Cefiro na walang plate number, at two loaded cal.45 pistols.


Samantala, ayon sa imbestigasyon, miyembro ng sindikatong Divinagracia Drug Group ang dalawang suspek.


Saad pa ng PNP, “Investigation further revealed that the two drug suspects are members of the Divinagracia Drug Group led by Michael Divinagracia and a certain Jhonson, a Chinese national currently serving sentence at New Bilibid Prison.”


Pahayag pa ni Eleazar, “The said drug syndicate also operate in different areas of Visayas and Mindanao using cargo trucks travelling via RORO (roll on, roll off) from Batangas Port and received by their Muslim cohorts in the area.”


 
 
  • BULGAR
  • May 19, 2021

ni Lolet Abania | May 19, 2021




Inaprubahan ng National Police Commission (Napolcom) ang pag-recruit ng halos 20,000 patrolmen at patrolwomen upang maitalaga na mga kawani ng ahensiya at mapabuti pa ang kanilang pagseserbisyo sa taumbayan.


Ayon sa Napolcom, ang recruitment ng 17,314 bagong pulis ay para mailagay sa mga nabakanteng personnel, mapalakas ang kanilang hanay, mapunan ang mga pulis sa mga lugar, mapabuti ang tinatawag na police-to-population ratio at mapahusay ang peace and order condition sa bansa.


Sinabi ni Napolcom Vice-Chairman Vitaliano Aguirre II na ang National Capital Region Police Office ay bibigyan ng regular na 1,000 recruitment quota para sa unang recruitment cycle.


“The 16,314 attrition recruitment quota, on the other hand, is intended to replace uniformed personnel losses due to separation from the service (retirement, designation, death, dismissal from the service, absence without leave),” ayon sa statement ni Aguirre.


Samantala, ang recruitment quota ay itatakda sa mga Police Regional Offices sa una at ikalawang cycle gaya ng 350 sa PRO1; 400 sa PRO2; 750 sa PRO3; 750 sa PRO4A; 450 sa PRO4B; 850 sa PRO5; 100 sa PRO6; 650 sa PRO7; 1,200 sa PRO8; 100 sa PRO9; 150 sa PRO10; 100 sa PRO11; 100 sa PRO12; 100 sa PRO13; 100 sa PRO COR; 1,700 sa PRO BAR; at 5,000 sa NCRPO.


Dagdag pa ng Napolcom, 200 ang itatalaga sa Anti-Cybercrime Group; 350 sa Communications and Electronics Service; 200 sa Criminal Investigation and Detection Group; 500 sa Crime Laboratory; 100 sa Explosive Ordnance Disposal and Canine Group; 500 sa Health Service; 150 sa Headquarters Support Service; 100 sa Intelligence Group; 100 sa Legal Service; 1,000 sa Maritime Group; 250 sa National Police Training Institute; 514 sa PNP Drug Enforcement Group; 100 sa PNP Retirement and Benefits Administration Service; 150 sa Police Security and Protection Group; 100 sa Special Action Force; at 150 sa PNP Training Service.


Ipinaalala naman ni Aguirre sa mga awtoridad na kinakailangang sumunod sa rules and regulations ng pagsasagawa ng recruitment at appointment ng mga patrolmen at patrolwomen kasabay ng pagpapatupad sa itinakdang guidelines ng Inter-Agency Task Force (IATF) na community quarantine.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page