top of page
Search

ni Lolet Abania | June 9, 2021




Umabot na sa 70 ang kabuuang bilang ng mga nasawi sa mga kawani ng Philippine National Police (PNP) dahil sa COVID-19.


Sa isang statement ni PNP Chief Police General Guillermo Eleazar, isang 34-anyos na police corporal na nakatalaga sa Special Action Force (SAF) sa Surigao del Sur ang pinakabagong namatay sa kanilang hanay dahil sa COVID-19 nitong Lunes.


Sa report ng PNP Health Service, ang nasabing pulis ay isinugod sa ospital sa Surigao del Sur noong June 6 para i-check-up dahil nakaramdam ng panghihina ng katawan.


Nitong June 7, inilipat siya sa ibang ospital sa Agusan del Sur para sumailalim sa masinsinang medikasyon matapos ang naging payo ng kanyang attending physician. Alas-6:30 ng umaga, sumailalim siya sa isang antigen test kung saan lumabas na positibo siya sa COVID-19.


Makalipas ang tatlong oras, habang nagsasagawa ng RT-PCR test, idineklara nang namatay ng kanyang attending physician ang naturang pulis.


“He died due to cardio-pulmonary arrest secondary to cerebral dysfunction secondary to vasculitis secondary to Sars-Cov2 infection,” ayon sa doktor. Lumbas din ang kanyang swab test result na kumpirmadong positibo siya sa coronavirus. Nagpahayag naman ng pakikiramay si Eleazar sa pamilya ng nasabing pulis.


“Muli, taos-puso po akong nakikiramay sa pamilya ng ating pulis na namatay dahil sa COVID-19.” Tiniyak din ni Eleazer sa publiko na ang liderato ng PNP ay labis na nagsusumikap para mabakunahan na lahat ng kanilang personnel kasabay ng paglaban nila sa nakamamatay na sakit.


Sa ngayon, nakapagtala ang PNP ng kabuuang bilang na 25,190 COVID-19 cases sa kanilang organisasyon matapos ang 126 bagong nadagdag na infected. Nasa 23,364 ang nakarekober na sa virus, habang 1,756 ang active cases.

 
 

ni Lolet Abania | June 6, 2021



Timbog ang siyam na lalaki na nagpakilala umanong mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Army sa isang checkpoint sa bayan ng San Jorge, Samar.


Ayon kay San Jorge Municipal Police Station chief Police Captain Cañete, pinara sa checkpoint ng kanyang mga tauhan ang sasakyan ng grupo at napansin nilang may kakaibang galaw ang mga suspek. Agad na hinanapan ng mga awtoridad ng travel authority ang grupo habang isang papel umano mula sa Palasyo ang ipinakita ng mga ito, kung saan nakasaad dito na pinapayagan silang bumiyahe patungo sa Maynila mula Mindanao at gayundin pabalik.


Nang hingan ng mga pulis ng identification card ang grupo, nagpakita naman umano ang mga ito ng kanilang IDs na nakalagay pa rito na sila ay mga opisyal ng PNP at Philippine Army.


Ayon kay Capt. Cañete, agad niyang ipina-verify sa Maynila ang mga IDs at travel authority ng mga suspek, kung saan lumabas na peke ang mga ito habang walang pangalan ng mga opisyal na tugma sa mga IDs.


Nakumpiska sa mga suspek ang mga pekeng IDs at pekeng travel authority na nanggaling umano sa Malacañang, ilang hindi lisensiyadong baril at mga communication equipment, mga bala ng baril, bullet proof vest at Philippine Army at PCG uniform. Patuloy ang imbestigasyon ng mga pulis sa nangyaring insidente.

 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | June 6, 2021



Malinaw ang kuha ng mga body-worn cameras (BWCs) na gagamitin ng mga pulis sa pagsasagawa ng mga operasyon kahit sa gabi dahil sa auto-night mode nito na kayang mag-detect ng mga bagay hanggang 10 meters na layo, ayon kay Philippine National Police Chief General Guillermo Lorenzo Eleazar.


Saad pa ni Eleazar, “May mga operation na isinasagawa sa gabi and this was anticipated during the review of what type of body cameras would be procured by the PNP. Kaya nga ‘yung bilin ng mga nakaraang liderato ng PNP ay kung bibili ay ‘yung the best na at magagamit araw man o gabi o kahit masama pa ang pahanon.


“‘Yung mga police operations naman kasi ay walang pinipiling oras ‘yan at lugar. Basta natunugan ng ating mga operatiba ay sugod kaagad. But this time, para ru’n sa mga mabibigyan, they must ensure na nakakabit ang body cameras at naka-on.” Water-proof din umano ang mga BWCs at naire-record din ang audio at video sa loob ng 8 oras.





Ang lahat ng datos na maire-record pagkatapos ng operasyon ay direktang dadalhin sa PNP Command Center para sa management at monitoring.


Ayon din kay Eleazar, papatayin lamang ang BWCs kapag tapos na ang operasyon o kapag nai-turn-over na ang suspek sa detention facility.


Samantala, 2,696 ang kabuuang bilang ng mga BWCs na binili ng PNP na naipamahagi na sa 170 police stations. Saad pa ni Eleazar, “So ang binili natin dito ay hindi lang ‘yung 2,696 units ng body cameras but the entire system ng recording and real-time transmittal of the audio-video recording.”


Aniya, 30,000 BWCs pa ang kailangan para mabigyan ang lahat ng mga police stations sa bansa.


Dagdag pa ni Eleazar, “Napakalaki pang budget ang kailangan dito pero tayo ay umaasa na makakakuha tayo ng suporta sa Kongreso sa mga darating na taon upang mawala na talaga ang pagdududa sa lahat ng operasyon na gagawin ng ating kapulisan.”

 
 
RECOMMENDED
bottom of page