top of page
Search

ni Lolet Abania | September 30, 2021



Umabot na sa kabuuang 160,297 na mga violators ang naitala simula nang ipatupad ang Alert Level 4 sa National Capital Region (NCR), ayon sa Philippine National Police (PNP).


Sa inilabas na update ng PNP, nasa 11,450 ang daily average na bilang ng mga pasaway na kanilang nai-record simula Setyembre 16 hanggang 29.


Karamihan sa mga nasabing indibidwal ay lumabag sa minimum public health standards sa gitna ng COVID-19 pandemic, na may kabuuang 113,918 violators habang may daily average naman na 8,137.


Ayon sa PNP, ang kabuuang bilang naman ng curfew violators na kanilang naitala ay nasa 44,556 na may daily average na 3,183.


May kabuuang 1,823 katao naman na hindi kinokonsiderang authorized persons outside residents (APORs) ang kanilang nahuli.


Ang NCR ay isinailalim sa Alert Level 4 bilang bahagi ng pilot testing ng pagpapatupad ng bagong five-level alert system.


Sa ilalim ng Alert Level 4, ikalawa sa pinakamataas na alert level, ito ay mga lugar na may mataas na bilang ng kaso ng infections o tumataas pa habang ang kabuuang mga kama at ICU beds ay mataas ang utilization rate.


Gayunman, sa naturang alert level, pinapayagan ang outdoor o al fresco dining ng hanggang 30% ng venue/seating capacity, anuman ang vaccination status ng mga kustomer.


Ang indoor dine-in services ay pinapayagan din sa limitadong 10% ng venue/seating capacity subalit para lamang ito sa mga indibidwal na fully vaccinated kontra- COVID-19.


Gayundin, ang curfew ay itinakda na mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng madaling-araw.

 
 

ni Lolet Abania | September 27, 2021



Patay ang isang pulis matapos na barilin ng mga hindi pa nakikilalang suspek sa Daraga, Albay nitong Sabado nang gabi, ayon sa pahayag ng Philippine National Police ngayong Lunes.


Sa isang statement ni PNP chief Police General Guillermo Eleazar, inatasan na niya ang Police Regional Office 5 na agad imbestigahan at resolbahin ang pagpatay sa biktimang si Police Staff Sergeant Allan Madelar, intelligence warrant officer, ng Guinobatan Municipal Police.


“Kasama dito ang pagsasagawa ng imbestigasyon upang matukoy ang motibo na magiging susi sa pagkakakilanlan ng mga taong nasa likod nito,” sabi ni Eleazar.

Ayon sa PNP si Madelar ay binaril ng mga salarin sa Barangay Peñafrancia, kung saan ito dumalo sa isang birthday party noong Sabado.


Nagpahayag din ng pakikiramay si Eleazar sa pamilya ng naturang pulis habang tiniyak nito magbibigay ng lahat ng assistance ang ahensiya para sa kanila.


Umapela naman ang PNP chief sa publiko, partikular na sa nakasaksi sa insidente na agad makipag-ugnayan sa mga awtoridad para sa ikalulutas ng kaso.

 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | September 26, 2021



Pumalo na sa 115 ang bilang ng mga nasawi sa COVID-19 sa hanay ng Philippine National Police (PNP).


Ito ay matapos madagdag sa talaan ang isa pang pulis.

Ang ika-115 pulis na nasawi ay isang 54-anyos na naka-assign sa Camp Crame.


Ayon kay PNP Chief, General Guillermo Eleazar, Setyembre 17 nang magpositibo sa COVID-19 si Patient No. 115 kaya na-admit ito sa Kiangan Quarantine Facility.


Noong Setyembre 18 ay dinala na ito sa ospital dahil nahirapan nang huminga at noong Setyembre 20 ay na-intubate na habang nasa ICU.


Noong Setyembre 23, isang kaanak nito ang nagpaalam sa PNP na pumanaw na ang biktima dahil sa Cardiac Arrhythmia at Pneumonia.


Batay naman sa PNP Health Service, ang pumanaw na pulis ay may comorbidities at nakatanggap na ng unang dose ng COVID-19 vaccine.


“All the assistance and needs will be given to the bereaved family and I would like to extend the PNP’s sincerest condolences”, ani Eleazar.


Sa kabuuan, umabot na sa 38,916 ang mga dinapuan ng coronavirus diseases 2019 sa PNP kabilang na ang 144 new cases.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page