top of page
Search

ni Jasmin Joy Evangelista | November 28, 2021



Matagumpay na naisagawa ang kauna-unang major operation ng Police Regional Office 11 Ambulatory Surgical Clinic sa isang 46-anyos na kasapi ng PNP na mayroong breast cancer.


Ang kauna-unahang major operation ay isinagawa sa Police Regional Office XI Ambulatory Surgical Clinic ng mga espesyalista na mula naman sa Camp Sgt. Quintin M. Merecido Hospital sa Davao City.


Nitong Nobyembre 11 lamang nang matanggap ng PRO 11 - ASC ang license to operate at accreditation mula sa Department of Health.


Lubos ang pasasalamat ng pasyente na nakatalaga sa Surigao at may ranggo na Police Senior Master Sergeant dahil natugunan na ang kanyang problema matapos maantala dahil sa pandemya at pinansyal na pangangailangan.

 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | November 23, 2021



May babala ang PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) sa publiko kaugnay sa mga lumalaganap na mga online scam lalo na ngayong holiday season.


Ayon sa PNP ACG, mayroong mga nagtitinda online na wala naman talagang aktuwal na produkto.


Kadalasan umano, ipino-post ng mga scammer ang mga mamahaling produkto mula sa sikat na brand sa murang halaga at sa sandaling mayroong umorder, peke ang ipinapadalang produkto at kung minsan ay wala talagang ipinapadala.


Mayroon din umanong online travel scam kung saan makatatanggap ng email ang isang tao na mayroon siyang “free trip” sa ibang bansa at hihingan ang biktima ng reservation fee na higit ang kamahalan sa normal price nito.


Payo ng PNP ACG, kilatisin muna ang mga alok online at huwag basta-bastang maniniwala sa mga makikita online.


Sakaling mabiktima, maaring magsumbong sa numerong 0905 414 6965 o kaya ay makipag-ugnayan sa Facebook page ng PNP Anti- Cybercrime group.

 
 

ni Lolet Abania | November 22, 2021



Sinimulan na ng Philippine National Police (PNP) ang imbestigasyon hingggil sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na isang kandidato na tatakbo sa pagka-pangulo sa 2022 elections ay gumagamit aniya ng cocaine.


Inatasan ng PNP ang kanilang anti-narcotics units na umpisahan ang pag-iimbestiga sa naturang usapin, kung saan naging signal ang komento ng Pangulo upang maisagawa nila ang malalimang pagsisiyasat.


“At the end of the day, may privilege, presidential information ‘yan. Ang effort namin is to be able to validate. After validation makita natin kung this can be a subject of an operation and then kung validated ‘yan tinitingnan natin,” ani PNP chief Dionardo Carlos sa isang interview.


Ayon kay Carlos, nakikipag-ugnayan na sila sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para imbestigahan ang pahayag ng Pangulo.

Matatandaan na nitong Huwebes, kinuwestiyon ni Pangulong Duterte ang kuwalipikasyon ng isang presidential aspirant, kung saan sinabi niyang isang illegal drug user.

“There’s even a presidential candidate na nag-cocaine... May kandidato tayo na nagko-cocaine ‘yan, mga anak ng mayaman,” sabi ni P-Duterte sa isang speech sa harap ng anti-insurgency task force.


Sinabi pa ng Pangulo patungkol sa naturang presidential aspirant, “Kaya nga nagtaka ako, anong nagawa, anong nagawa ‘yung taong ‘yan? I’m just asking. What contribution has he made para sa Pilipinas?”


Sa interview kay Carlos, hinimok nito ang mga kandidato para sa 2022 national at local elections na sumailalim sa drug testing.


Gayunman, ayon sa PNP chief, hindi nila maaaring pilitin ang mga kandidato na magpa-drug test dahil hindi ito isinasaad sa batas. Subalit, hinikayat pa rin niya ang mga ito para sa tinatawag na interest of transparency.


“At the end of the day it would show ‘yung these candidates are free from drugs. Again iba ho ‘yung encourage sa the PNP dares. We did not dare them. Iba ‘yung dating nu’n eh. How do you translate that to Tagalog? Hinihikayat. It’s their free will,” sabi ni Carlos.


Samantala, sina presidential aspirant Senador Panfilo Lacson at kanyang running mate Senate President Vicente Sotto III ay boluntaryong sumailalim sa drug testing ngayong Lunes.


Ayon kay Sotto, silang dalawa ay nagpa-test sa opisina ng Philippine Drug Enforcement Agency.


“What we underwent was not the ordinary testing. PDEA uses a multidrug testing kit. It can check all types of illegal drugs encompassing holistic drug test,” ani Sotto sa mga reporters.


“Ordinary testing only checks marijuana and shabu,” sabi pa ni Sotto.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page