top of page
Search

ni Lolet Abania | April 29, 2022



Ipinahayag ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ngayong Biyernes na naisumite na niya kay Pangulong Rodrigo Duterte ang mga pangalan ng dalawang kandidato para sa posisyon ng acting Philippine National Police (PNP) chief.


Sa isang radio interview, sinabi ni Año na kinonsidera niya rito ang seniority at kakayahan ng mga ito sa pagpili ng mga kandidato para sa posisyon. Subalit, hindi niya tinukoy ang mga pangalan ng dalawang police officials.


“Nakapag-submit na ako ng aking recommendation last Tuesday sa ating Pangulo,” ani Año.


“Two senior police officials ang pangalan na ibinigay namin at maaaring mamili ang pangulo kung sino ang itatalaga niya dito pero ito ay in an acting capacity lang o OIC lang,” dagdag ng opisyal.


Batay sa Article 7 Section 15 ng Constitution, ayon kay Año, ang presidente ay maaari lamang mag-atas ng temporary appointments sa loob ng 60 araw bago ang national elections.


Binanggit din ni Año, na kay Pangulong Duterte na kung ikokonsidera nito ang kanyang rekomendasyon.


Nauna rito, tiniyak ng PNP sa publiko na maaari nilang i-secure ang 2022 elections, kahit na magpalit pa ng kanilang pamumuno isang araw bago ang Election Day.


Kaugnay nito, nakatakdang magretiro si PNP chief Police General Dionardo Carlos sa Mayo 8, 2022, isang araw bago ang national at local elections, kung saan umabot siya sa kanyang mandatory retirement age na 56.


Si Carlos ay na-appoint bilang PNP chief, ang ika-7 sa ilalim ng Duterte administration, noong Nobyembre 12, 2021.


 
 

ni Zel Fernandez | April 27, 2022



Sinampahan na ng kaso ng Las Piñas PNP, ang suspek na nanghataw ng baseball bat sa isang senior citizen matapos ang alitan sa kalsada, noong Linggo.


Batay sa report, Abril 24 nang mangyari ang insidente sa pagitan ng biktimang si Julian Adlao, Jr. at suspek na si Gerson Gonzales, nang businahan ng senior citizen ang minamanehong sasakyan ng huli sa kahabaan ng Marcos Alvarez Avenue na nauwi sa road rage.


Ayon kay Col. Jaime Santos, chief of police ng Las Piñas Police Station, “Hindi excuse ‘yung nakita natin sa Facebook o sa social media na inakap si Mr. Julian Adlao ni Mr. Gerson Gonzales. Sa katunayan nga nagkaproblema dahil ‘yung ibinigay niyang address sa Vehicular Traffic Investigation Unit ay hindi niya totoong address. Kaya nilalaliman po namin ang aming imbestigasyon at nalaman namin ‘yung tunay na address niya dahil na rin sa tulong ng mga mamamayan.”


Dagdag ni Santos, “at sinabi ko sa mga imbestigador po natin, kailangan ngayon matapos ‘yung statement taking... ‘wag na kayong pumunta sa substation n’yo, dito n’yo na kunan si Mr. Adlao ng statement. Dahil ang utos ng ating district director Police Brigadier General Jimili Macaraeg ay i-file natin ‘yung kaso the soonest possible time.”


Aniya, sa isinampang kaso sa Las Piñas City Prosecutor’s Office, mananagot si Gonzales sa salang physical injury na pinaniniwalaang malakas ang laban dahil mayroong tumayong testigo upang patotohanan ang reklamo ng biktima.


Bukod aniya sa pahayag na nakuha sa testigo, sapat nang ebidensiya ang video ng insidente na suportado naman ng medico legal report na pirmado ng attending physician ng Las Piñas General Hospital.


Giit ng kolonel, kung hindi sisipot sa hearing ang suspek ay maglalabas na ng warrant of arrest, kasunod ang subpoena. Pagtitiyak pa ng opisyal, sakali umanong tumakas si Gonzales ay magkakaroon na ng karapatan ang mga kapulisan na dakpin ang suspek saanman ito mahuli ng mga awtoridad.


 
 

ni Lolet Abania | April 26, 2022



Tatlong hackers ang inaresto ng mga awtoridad dahil sa umano’y pagbebenta ng tiyak na panalo o ‘sure win’ ng mga kandidato para sa 2022 elections, ayon sa Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) ngayong Martes.


Nadakip ng PNP-ACG kasama ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ang mga suspek sa ikinasang magkahiwalay na entrapment operations sa Imus, Cavite at Sta. Rosa, Laguna noong Abril 23.


“CICC together with the PNP-ACG conducted an entrapment operation in Imus, Cavite, and Sta. Rosa, Laguna against notorious hackers named ‘XSOX Group’,” batay sa PNP-ACG sa isang statement.


Kinilala ang mga naarestong suspek na sina Joel Adajar Ilagan o “Borger”; Adrian De Jesus Martinez o “Admin X”, at Jeffrey Cruz Limpiado o “Brake/Vanguard/Universe/LRR”.


Ayon sa mga awtoridad, ang mga suspek ay kini-claim umano na may access sila sa system ng Smartmatic Inc., ang system provider para sa automated 2022 elections, at maaaring makaimpluwensiya sa resulta ng May 9 polls.


Base sa initial findings, ang mga suspek umano ay lumabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012 na may sumusunod na acts:


• hacking of Smartmatic system;

• disrupting the Comelec website;

• hacking the Napocor website;

• hacking of credit cards and other online transactions;

• ransomware committed against some local commercial websites


Sa tulong ng Department of Justice (DOJ) at ng National Prosecution Service (NPS), ayon sa PNP-ACG, nagsampa na ng criminal cases laban sa mga suspek sa paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012, partikular sa system interference, illegal access, at attempt sa commission of cybercrime.


“With these arrests, we can assure the public that the threat to rig our electoral process through hacking is substantially diminished as these are the only remaining known hackers who are persistently visible on the dark web claiming that they can manipulate election results,” dagdag pang pahayag.


Sa ginanap na press conference ngayong Martes, sinabi ni CICC Executive Director Cezar Mancao II na ang mga operatiba ay nagkaroon na ng tatlong meetings sa mga suspek.


“In fact, nagkaroon ng three meetings. Una, doon sa Solaire, pangalawa doon sa EDSA Shangri-La Hotel, pangatlo doon sa Pansol, Laguna. Hindi nila alam ang kanilang mga kausap ay mga CICC operatives,” saad ni Mancao.


Ani Mancao, nagpanggap ang mga operatiba bilang mga personnel ng ilang politicians, kung saan nangangailangan ng tulong ng mga hacker para ‘dayain’ ang resulta ng May 9 elections. Ang mga suspek ay nakatanggap ng inisyal na P10 million mula sa P16 million na kabayaran na kanilang hinihingi.


Sinabi ni Mancao na ang mga naturang hackers ay totoong may access sa Smartmatic system subalit sa loob lamang ng partial levels.


Ayon kay Mancao, “The three suspects are connected with former Smartmatic employee Ricardo Argana who initially surrendered to the NBI and went into hiding.”


“Argana supposedly passed the access to the Smartmatic system to Limpiado,” ani Mancao.


Sinabi pa ni Mancao na ang mga suspek ay nagkaroon ng mga contacts sa ilang election candidates sa mga probinsiya subalit tumanggi siyang banggitin ang mga pangalan.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page