top of page
Search

ni Lolet Abania | May 7, 2022



Tiniyak ng Department of Energy (DOE) sa publiko na walang mangyayaring problema sa power supply sa araw ng eleksyon sa Lunes, Mayo 9, 2022.


Sa isang interview ngayong Sabado, sinabi ni DOE-Electric Power Industry Management Bureau Director Mario Marasigan na ang ahensiya ay nagsimula nang mag-monitor sa sitwasyon ng kuryente sa bansa nitong Mayo 2 para masigurong matatag at maaasahan ang suplay nito sa panahon ng eleksyon.


“So far, wala tayong nakikitang mga problema o potensyal na problema pagdating sa serbisyo ng kuryente lalong na sa eleksyon,” ani Marasigan.


Ayon sa opisyal, ang DOE ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa grid operator, National Grid Corp. of the Philippines (NGCP), mga power generation companies, at distribution utilities sa pagmo-monitor ng power situation nang 24 oras simula noong Mayo 2.


Binanggit naman ni Marasigan na nitong Biyernes, ang bansa ay nakapagrehistro ng kanilang pinakamalaking suplay ng kuryente para sa taon ng mahigit sa 14,000 megawatts (MW) kumpara sa demand nito na tinatayang 11,500 MW.


Sinabi pa ni Marasigan na ang Energy Task Force on Election ng DOE ay mayroong security group component, katuwang ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), at Philippine Coast Guard (PCG), upang i-secure ang mga power facilities sa mga lugar na tinukoy ng Commission on Elections (Comelec) bilang potential danger zones.


 
 

ni Lolet Abania | May 5, 2022



Itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Police Lieutenant General Vicente Danao, Jr. bilang officer in charge ng Philippine National Police (PNP), ayon kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ngayong Huwebes.


“Yes that’s true,” ani Año sa isang mensahe sa GMA News nang tanungin ito para kumpirmahin ang tungkol sa pagtatalaga kay Danao bilang PNP OIC.


Papalitan ni Danao si Police General Dionardo Carlos, na nakatakdang magretiro sa Mayo 8, 2022, isang araw bago ang national at local elections.


Sa ilalim ng Article 7 Section 15 ng Constitution, ang pangulo ay maaari lamang mag-atas o order ng temporary appointments sa loob ng 60 araw bago ang national elections.


Si Carlos ay na-appoint bilang PNP chief, ang ika-7 sa ilalim ng Duterte administration, noong Nobyembre 12, 2021.


 
 

ni Lolet Abania | May 5, 2022



Nasa kabuuang 40,000 local absentee voting ballots ang nai-deliver na sa Commission on Elections (Comelec) main office hanggang nitong Miyerkules, Mayo 4.


Subalit, ayon kay Comelec Commissioner George Garcia, ang Philippine Navy ay hindi pa nagpadala ng single ballot sa kanila dahil ito aniya sa tinatawag na logistical problems.


Ang mga natanggap ng Comelec na accomplished ballots ay ang mga sumusunod:

• Philippine Army: 11,305

• Philippine Air Force: 2,618

• Philippine National Police: 22,794

• Department of Education: 820

• Bureau of Jail Management and Penology: 738

• Bureau of Fire Protection: 47

• Media: 809

• Comelec: 687

• Department of the Interior and Local Government: 13

• Philippine Coast Guard: 157

• Department of Foreign Affairs: 1

• Public Attorney's Office: 2

• National Power Corporation: 9


Ayon sa Comelec, may kabuuang 84,357 botante ang pinayagang maka-avail ng local absentee voting (LAV), kung saan ginanap ito mula Abril 27 hanggang 29, 2022.


Gayunman, ang aplikasyon ng 9,341 indibidwal ay hindi naaprubahan dahil alinman sa kanila, ayon sa Comelec ay hindi nakarehistro o mga deactivated na.


Kabilang sa pinayagan ng poll body para maka-avail ng local absentee voting ay mga empleyado ng gobyerno at mga opisyal, miyembro ng Philippine National Police (PNP) at ng Armed Forces of the Philippines (AFP), gayundin ang mga media workers kabilang na ang mga photojournalists, documentary makers, technical at support staff, bloggers, at freelance journalists.


Samantala, ang Comelec office sa Intramuros, Manila ay patuloy na nakatatanggap ng mga local absentee voting ballots.


Ang mga balota ay nakalagak at nakatago sa mahigpit na guwardiyadong kwarto sa Comelec office, at bubuksan ito sa Mayo 9 para sa canvassing.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page