top of page
Search

ni Lolet Abania | June 6, 2022



Nasa tinatayang 7,000 hanggang 8,000 pulis ang itatalaga para tiyakin ang seguridad sa inagurasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Hunyo 30, ayon sa Manila Police District (MPD).


Sa isang interview kay MPD chief Police Brigadier General Leo Francisco ngayong Lunes, sinabi nitong ang National Capital Region Police Office (NCRPO) at ang Philippine National Police - National Headquarters ay magbibigay ng karagdagang deployment ng mga pulis.


“Sa panig ng MPD, meron kaming 4,400 na kapulisan at iyan ay lahat ide-deploy ko para sa inagurasyon ng ating bagong presidente,” saad ni Francisco.


“Ako ay bibigyan ng additional complement galing sa NCRPO at sa National Headquarters so we are looking about 7,000 to 8,000 police na puwede i-deploy that day,” dagdag ng opisyal.


Sa ngayon, ayon kay Francisco, wala pa silang na-monitor na anumang banta o threat kaugnay sa oath-taking ni Marcos na nakatakdang ganapin sa National Museum of the Philippines.


Sinabi rin ni Francisco na ang P. Burgos Street at Kalaw Avenue mula sa Taft Avenue hanggang Roxas Boulevard ay kanilang isasara sa trapiko kaugnay sa isasagawang okasyon.


Isang rerouting plan naman ang kanilang itinakda para sa mga motorista. Binanggit naman ni Francisco na maaaring gamitin ng mga protesters ang mga freedom parks upang magsagawa ng kanilang mga rally.


 
 

ni Lolet Abania | June 4, 2022



Nasa 2,000 personnel ang itatalaga ng pulisya para sa inagurasyon ni Vice President-elect Sara Duterte-Carpio sa Davao City sa Hunyo 19.


Ayon kay Davao City Police Offices spokesperson Police Major Maria Teresita Gaspan, nasa heightened alert na ang kanilang mga borders simula ng mga pambobomba sa ilang bahagi ng Mindanao nitong mga nakaraang linggo ng Mayo, habang ang kanilang


“Davao Defense System” security scheme ay kanilang in-activate. “Lahat ng mga passengers at saka vehicles subjected for inspection and then we have even recommended na ‘yung mga lalabas, isang sakayan lang doon sa Davao City... terminal so that no similar incident will happen like what happened in central Mindanao,” sabi ni Gaspan sa public briefing.


“So far, no direct threat for Davao City, however we won't be complacent about it considering sa nangyari na bombing sa central Mindanao kaya we always keep up our security measures,” dagdag niya.


Ayon pa kay Gaspan, sa ngayon ang Davao City aniya ay, “peaceful,” habang nagtakda na rin sila ng isang contingency plan. Gayundin, ang Philippine National Police (PNP) ay nasa “high alert” na sa buong bansa.


 
 

ni Lolet Abania | May 19, 2022



Nakatakdang sampahan ng kaso ng Department of Justice (DOJ) ang tatlong tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at apat na pulis hinggil sa naganap na “misencounter” sa Commonwealth Avenue, Quezon City noong 2021 na ikinasawi ng apat na indibidwal.


Ayon sa DOJ briefer, homicide charges ang isasampa laban sa mga PDEA agents habang direct assault charges sa mga tauhan ng Philippine National Police (PNP).


Matatandaan noong Pebrero 2021, nang magkasagupa ang mga operatiba ng PNP at PDEA sa harap ng isang fast-food chain sa Commonwealth Avenue, sa Quezon City, kung saan kapwa inihayag ng dalawang grupo na may ikinasa silang lehitimong anti-drug operation sa lugar.


Nagresulta ang “misencounter” sa pagkamatay ng dalawang pulis, isang PDEA agent at isang informant.


Nahaharap sa homicide charges sina PDEA agents Khee Maricar Rodas, Jelou Satiniaman, at Jeffrey Baguidudol dahil ito sa pagkasawi ni Police Corporal Eric Elvin Gerado.


“After evaluation of the evidence, the Panel of Prosecutors found sufficient evidence to charge respondents PDEA agents Rodas, Baguidudol, and Satiniaman for homicide,” batay sa DOJ briefer.


Gayundin, kasong direct assault ang kakaharapin nina Police Corporal Paul Christian Ganzeda, Police Corporal Honey Besas, Police Major Sandie Caparroso at Police Major Melvin Merida.


“With respect to the injuries sustained by PDEA responders, there is sufficient evidence identifying some police officers who actually hit, strike, and maul them,” nakasaad pa sa DOJ briefer. Ang reklamo ay isasampa sa Quezon City Regional Trial Court.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page