top of page
Search

ni BRT | April 29, 2023




Umapela si Philippine National Police Chief, PGen. Benjamin Acorda, Jr. sa mga miyembro ng PNP, lalo na ang mga nasa mabababang ranggo, na kuhanan ng video o i-report ang mga irregularities na ginagawa ng kanilang mga superior.


Kasabay ito ng pagnanais nitong linisin ang hanay ng pulisya mula sa sinumang gumagawa ng iregularidad o mga aktibidad na hindi katanggap-tanggap sa PNP.


Bukod sa mga miyembro ng PNP, umapela rin ang opisyal sa publiko.


Ayon kay Acorda, maging ang taumbayan ay maaaring kumuha ng video, o anumang magpapatunay na dokumento, ukol sa anumang hindi akmang ginagawa ng mga pulis.


Aniya, huwag matakot na magsumbong dahil iba-validate pa rin ito ng kanyang opisina.


 
 

ni Jeff Tumbado | April 29, 2023




Mas lalo pang paiigtingin ng Philippine National Police (PNP) ang pagsugpo laban sa mga tiwaling pulis o ang tinatawag na “rogue cops”.


Ito ang inihayag ni PNP Chief General Benjamin Acorda, Jr., kung saan inatasan na ang lahat ng regional directors ang pagkasa ng operasyon sa mga pasaway na pulis na uumpisahan sa “lower level”.


Ayon kay Acorda, meron na lamang umano na kakaunting tiwaling pulis sa kanilang hanay, base ito sa kanyang karanasan bilang isang counterintelligence agent.


"I intend to conduct really kung sino po 'yung mga nasa listahan at ayaw magbagong-buhay, ay talagang ooperate-an na natin,” pahayag ni Acorda.


"That is what I'm urging. Noong mineet natin 'yung regional directors, 'yan ang hiniling ko sa kanila — that the command responsibility, sa bawat paglilinis sa bawat level, is dapat masusunod," dagdag pa ng chief PNP.


Kamakailan lamang, nanawagan mismo si Interior Secretary Benhur Abalos sa apat na police generals at mga police colonels na maghain ng kani-kanilang courtesy resignation bilang bahagi ng pagsisikap ng gobyerno na tanggalin ang ilang high ranking officers at officials na idinadawit sa kalakalan ng ilegal na droga.


Ito aniya ang tanging paraan ng Kalihim para sa bagong simula sa hanay ng PNP.


Nitong Abril 20, 2023, nakumpleto ng binubuo na five-man advisory group ang review sa mga naghain ng resignations nang nasa 953 police officers at nitong Abril 25 nang irekomenda ang further evaluation o ang karagdagang pagsusuri sa 36 high ranking police officials ng National Police Commision (Napolcom).


Nakatakdang isumite ng five-member body ng Napolcom kay Chairperson Abalos para sa pinal na review at pagkatapos ay siyang ihahain naman kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. para sa kanyang pag apruba.


 
 

ni Jeff Tumbado | April 19, 2023




Nasa kabuuang 221 police personnel mula sa Police Regional Office 7 (PRO7) ang tinanggal sa pwesto kaugnay sa nangyaring pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo noong Marso 4.


Ito ang kinumpirma ni PRO7 Deputy Regional Director for Operations Police Col. Noel Flores kung saan humalili sa mga inalis ay ang mga tauhan ng Regional Mobile Force Battalion (RMFB).


“I want to inform the body that 221 personnel from Basay, Bayawan, Sta. Catalina, and Villa Hermosa have been already relieved,” pahayag ni Flores.


Ang pagsibak umano sa buong pwersa ng police personnel sa apat na bayan sa Negros Oriental ay alinsunod sa kautusan ni Interior Sec. Benhur Abalos.


Ang hakbang ng kalihim ay base naman sa mga naging testigo sa krimen na kung saan ay tinukoy ng mga ito na ilan sa mga naging spotter para sa mga salarin ay pawang mga pulis.


Karamihan sa mga itinuturong pulis ay kasalukuyan pang nasa probinsya.


Agad na ring ipinag-utos ni PNP Deputy Chief for Administration Police Lt. General Rhodel Sermonia ang mabilis na pagtukoy sa mga pulis na nagsisilbing spotter upang agad isailalim sa kostudiya at kasuhan kung mapatunayan.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page