top of page
Search

ni Lolet Abania | July 23, 2021



Walang nakikitang banta sa ngayon ang Philippine National Police (PNP) para sa nakatakdang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hulyo 26 sa Batasan Pambansa Complex sa Quezon City.


Gayunman, tiniyak ng PNP sa publiko na ang mga police personnel ay nakaantabay sakaling magkaroon man ng panganib sa naturang okasyon.


“The PNP has not monitored any threat to the SONA but PGen. Eleazar assured that all personnel are ready to respond to any eventuality,” batay sa inilabas na pahayag ng PNP ngayong Biyernes.


Tinatayang 15,000 police officers ang ide-deploy para i-secure ang ika-anim at huling SONA ni Pangulong Duterte.


Ayon kay PNP Chief Police General Guillermo Eleazar, handang-handa ang grupo ng kapulisan para sa SONA, habang nabuo na ng National Capital Region Police Office ang kanilang security preparations at mga plano pang gagawin.


Sinabi pa ng PNP na kabilang din sa security measures na kanilang kinokonsidera ay ang sitwasyon ng COVID-19.


“Nakalatag na ang mga security plan at nakaantabay na rin ang sufficient number ng ating kapulisan para sa deployment at iba pang contingency measures,” sabi ni Eleazar.


Ayon naman sa NCRPO, gagamit sila ng body-worn cameras para i-monitor ang mga galaw ng kahina-hinalang indibidwal na nagpaplano umanong manggulo sa okasyon.


Hinimok naman ni Eleazar ang mga grupong nagpaplanong magsagawa ng mass protests na gawin na lamang ang kanilang aktibidad virtually o online dahil sa panganib ng COVID-19.


 
 

ni Lolet Abania | July 21, 2021



Umabot sa kabuuang 107,500 marijuana plants na nasa P21.5 milyon halaga ang sinunog matapos ang ikinasang anti-illegal drugs operation ng mga awtoridad sa tatlong lugar sa Kalinga.


Sa isang pahayag ngayong Miyerkules ni Philippine National Police Chief Police General Guillermo Eleazar, ang pagwasak sa tatlong tagong cannabis farms ay isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng mga kawani ng PNP at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).


Ayon kay Eleazar, nadiskubre ang tatlong cannabis farms sa Barangay Loccong sa Tinglayan, Kalinga. Subalit, wala silang nahuling cultivator ng marijuana plants nang isagawa ang operasyon.


Sa unang site, tinatayang nasa 2,500 sq. m. ang land area nito, kung saan humigit-kumulang sa 37,500 full grown marijuana plants (FGMP) na nagkakahalaga ng P7.5 milyon ang kanilang binunot saka sinunog.


Ang ikalawang site ay mayroong 1,500 sq. m. area, na humigit-kumulang sa 30,000 FGMP na halagang P6 milyon ang winasak ng mga awtoridad. Habang ang ikatlong site na may 2,000 sq. m. area, humigit-kumulang sa 40,000 FGMJP na nasa P8 milyon halaga ang kanilang sinira.


Tiniyak naman ni Eleazar sa publiko na patuloy ang programa ng PNP na Intensified Cleanliness Policy laban sa mga sangkot sa ilegal na droga. “Ang mga impormasyon na inyong ipinapaabot sa aming tanggapan ay mahalaga at malaking tulong upang mas lalong mapabilis ang ating pagsasagawa ng operasyon ng ating mga operatiba,” ani Eleazar.


 
 

ni Lolet Abania | July 11, 2021



Umabot na sa 28,860 ang bilang ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) na tinamaan ng COVID-19 matapos na makapagtala ng 70 kawani na nagpositibo sa virus ngayong Linggo.


Sa pinakabagong datos naman ng PNP, may kabuuang 27,366 ang gumaling makaraang 66 ang nadagdag na police officers na nakarekober sa virus.


Nananatiling 77 mga pulis ang namatay dahil sa COVID-19. Sa ngayon, mayroong 1,417 active cases ng COVID-19 sa hanay ng pulisya.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page