top of page
Search

ni Jasmin Joy Evangelista | September 3, 2021



Nagbabala sa publiko si Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Guillermo Eleazar na maging maingat sa paggamit ng mga dating apps dahil maaaring nagagamit ang mga ito para sa krimen.


Ito ay makaraang i-raid noong Martes ng Optical Media Board (OMB) ang isang opisina sa Quezon City na napag-alamang sangkot sa cybersex operation.


"Huwag mag-engage sa mga ganyan... kung mayroon kayong ka-chat o kausap doon na mako-compromise o magkakaroon kayo ng intimacy to the point na [iyong] private parts ay ipakita ninyo," ani Eleazar, "tandaan ninyo na 'yan ay nagiging daan para kuhanan nila, basehan na eventually, iba-blackmail na kayo at ang punta noon, extortion na," dagdag niya.


Modus umano sa nahuling cybersex den ang paggamit ng messaging at dating apps para mag-alok ng mga malalaswang litrato o massage services at iba pang serbisyo.


Kapag nakumbinse ang kostumer, gagamitin na ang kanilang credit card details para mangikil at pagnakawan sila.


Inaresto na ng OMB ang 16 na manggagawa na naaktuhang nag-o-operate ng negosyo at susuriin ang mga gamit na nakuha rito upang makakalap ng iba pang impormasyon tungkol sa ilegal na gawain ng naturang opisina.

 
 

ni Lolet Abania | August 29, 2021



Umabot na sa kabuuang 34,316 cases sa Philippine National Police (PNP) ang tinamaan ng COVID-19 matapos na makapagtala ng 143 bagong kaso sa hanay ng kapulisan.


Sa Facebook post ng PNP ngayong Linggo, may naitala ring isang nasawi dahil sa COVID-19, kaya umakyat na sa kabuuang 104 cases ang namatay sa kanilang organisasyon.


Gayunman, ayon sa PNP mayroong 76 bagong nakarekober sa sakit kaya umabot na sa kabuuang 32,295 ang gumaling sa virus. Nasa 1,917 naman ang active cases sa PNP.

 
 

ni Lolet Abania | August 13, 2021



Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) ngayong Biyernes na mayroon nang tatlong kaso ng Delta variant ng COVID-19 na na-detect sa kanilang hanay.


Ayon kay PNP spokesperson Police Brigadier General Ronaldo Olay, ang impormasyon ay pinatotohanan ni Administrative Support for COVID-19 Task Force commander Police Lieutenant General Joselito Vera Cruz. “Yes. We have three confirmed Delta variant cases.


They were tested COVID positive last July and had finished their 14-day isolation,” ani Vera Cruz sa isang mensahe kay Olay. Gayunman, ayon kay Vera Cruz, ang mga resulta ng kanilang genome sequencing ay nailabas lamang ngayong buwan.


Dahil dito, ang tatlong police personnel na nakatalaga sa Aviation Security Group (AVSEGROUP) ay isinailalim sa isa pang RT-PCR test at bilang payo na rin ng Department of Health. Isa sa kanila ay muling nagpositibo sa virus at ngayon ay na-admit sa isang isolation facility sa isang local government unit (LGU).


Isa sa police personnel naman ay negatibo na sa sakit, subalit inilagay pa rin sa home quarantine habang nakatakda siyang sumailalim sa isang test uli sa Huwebes. Ang isa pang pulis na naka-home quarantine ay naghihintay pa ng kanyang resulta.


Ayon pa kay Vera Cruz, base sa AVSEGROUP, ang naging mga close contacts ng mga infected na PNP personnel ay negatibo naman sa test sa COVID-19. Sa ngayon, nakapagtala na ang PNP ng kabuuang 32,077 COVID-19 cases kabilang dito ang 158 bagong kaso sa hanay ng kapulisan. Nasa tinatayang 30,147 ang nakarekober habang 1,841 ang nananatiling active cases. Umabot naman sa 89 ang nasawi matapos na isang pulis ang namatay dahil sa COVID-19.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page