top of page
Search

ni Jasmin Joy Evangelista | October 28, 2021


ree

Babaklasin na ang mga ilegal na fish pen at saprahan sa parte ng Manila Bay sa Cavite City simula Nobyembre 4.


Ito ay upang mabawasan ang polusyon sa dagat sa ilalim ng Manila Bay rehabilitation na isinasagawa ng gobyerno.


Nagpaskil ng abiso sa 21 ilegal na istruktura ang Philippine Coast Guard, Department of Environment and Natural Resources at lokal na pamahalaan upang hikayatin ang mga ito na kusang baklasin ang mga fish cage at saprahan hanggang Nobyembre 4.


Ayon sa task force, kung hindi pa aalisin ang mga ito hanggang sa deadline, babaklasin ito sa clearing operations na magsisimula sa araw na iyon.


Ipinagbabawal ang pagtatayo ng mga fish cage at saprahan nang walang permiso o lisensiya at paggamit ng mga ilegal na kasangkapan para makapangisda.


Binigyan na rin umano ng palugit ng PCG Cavite ang mga mangingisda bilang konsiderasyon sa kanilang kabuhayan ngunit naudlot ang nakatakdang demolisyon sa mga fish cages noong Setyembre kaya minarkahan na muna ng mga awtoridad ang mga ilegal na fish cages sa dagat ng Cavite City, Kawit, at Noveleta.

 
 

ni Lolet Abania | May 26, 2021


ree

Isang 25-anyos na estudyanteng piloto ang nasawi matapos bumagsak ang Tecnam P-2010 aircraft na kanyang gamit sa Bauang, La Union, ayon sa mga awtoridad.


Sa isang statement ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Operations and Rescue Coordination Center, ang student pilot ay mula sa First Aviation Academy ng Subic Bay International Airport na nagsasagawa ng tinatawag na solo-cross country flight.


Base sa flight plan ng eskuwelahan, ang eroplano ay may registry number RP-C8230 na nanggaling mula Iba Airport sa Zambales papuntang La Union Airport at Lingayen Airport, bago ito babalik sa Iba Airport. Ang eroplano ay bumagsak sa Barangay Urayong Bayan.


Ayon sa Philippine Coast Guard, ang student pilot ay dinala sa Caba Municipal Health Office kung saan idineklarang patay na. Ang kanyang labi ay nasa Mapanao Funeral Service sa Aringay, La Union.


Narekober ng mga awtoridad ang mga debris ng eroplano na bumagsak sa tinatayang 300 metro ang layo mula sa pampang ng Barangay Wenceslao. Ayon pa sa CAAP, nagsasagawa na ng imbestigasyon mula sa Aircraft Accident Investigation and Inquiry Board upang alamin ang naging sanhi at pinagmulan ng naganap na aksidente.

 
 

ni Lolet Abania | January 14, 2021


ree


Labing-walong pasahero at crew ang nailigtas ng Philippine Coast Guard at mga residente matapos na lumubog ang bangkang sinasakyan ng mga ito sa Malamawi Island sa nitong Miyerkules.


Sa report ng Basilan Provincial Disaster Management Office, ang MPB Queen Shaima Dash 3 ay may sakay na apat na pasahero at 14 na crew.


Isang motor boat naman na may limang pasahero ang bahagya ring lumubog malapit sa Baluk-Baluk, Hadji Muhtamad sa parehong araw.


Nailigtas sila ng mga mangingisda sa lugar. Ayon sa Basilan PDRRMO, naganap ang dalawang insidente sa lugar dahil sa masamang lagay ng panahon.


Gayunman, ayon sa mga awtoridad, wala namang nasaktan sa parehong insidente.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page