top of page
Search

ni Lolet Abania | May 29, 2022



Pitong mangingisda ang naiulat na nawawala matapos na bumangga ang kanilang bangka sa isang cargo vessel sa Agutaya, Palawan, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG) ngayong Linggo.


Batay sa kanilang maritime incident report, sinabi ng ahensiya na ang kanilang PCG Command Center ay nakatanggap ng impormasyon na isang Filipino fishing vessel ang bumangga nitong Sabado sa MV Happy Hiro, isang cargo vessel na naglalayag sa ilalim ng flag ng Marshall Island, sa paligid ng Maracanao Island sa Agutaya, Palawan.


Kinumpirma ito ni PCG spokesperson CG Commodore Armando Balilo sa isang radio interview ngayong Linggo aniya, naganap ang banggaan bandang alas-5:40 ng hapon nitong Sabado.


Ayon sa PCG Coast Guard District Palawan, mula sa 20 crew na lulan ng bangka, 13 ang nasagip ng Fishing Boat BAL 5, habang ang natitirang 7 crew members ay nananatiling nawawala.


“A transiting fishing boat provided immediate rescue assistance to 13 out of 20 crew members of FB JOT-18. The seven crew members remain missing as of press time,” pahayag ng PCG. Binanggit din ng PCG na ang mga mangingisdang nakaligtas ay nai-transfer na sa MV Happy Hiro, na ayon sa medical officer nito na si Mckinley Amante, 12 sa kanila ay nagtamo ng mga gasgas sa katawan.


Habang isa sa mga mangingisda, ani Amante, “had a minor wound on his head,” subalit agad na nabigyan ng first aid at stable na ang kondisyon nito.


Sinabi naman ng PCG na ang MRRV 4406 BRP Suluan, kasama ang rescue teams mula sa Coast Guard Station Cuyo at Sub Station Agutay sa Iloilo, ay kasalukuyan nang nagsasagawa ng search-and-rescue operations sa lugar.


“Nagbigay na ng directive ang aming commandant, si Admiral Art Abu, na magkaroon ng isang malawakang search and rescue para hanapin itong walong crew na nawawala pa,” sabi pa ni Balilo.



 
 

ni Lolet Abania | May 23, 2022



Nasa tinatayang pitong indibidwal ang nasawi habang 24 ang nasugatan matapos na masunog ang isang passenger boat sa baybaying lalawigan ng Quezon ngayong Lunes ng umaga, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).


“Merong pitong patay,” pahayag ni PCG spokesperson Commodore Armand Balilo sa isang radio. Ani Balilo, lima sa mga nasawi ay mga babae at dalawa namang lalaki.


Sinabi rin ng PCG, tatlo sa mga na-rescue ay nasa kritikal na kondisyon. Base report ng PCG, nasa 134 ang aktuwal na bilang na mga sakay ng bangka, kabilang dito ang 10 crew members. Ayon naman kay Police Major General Rhoderick Armamento, police commander sa Southern Luzon area, lahat ng mga pasahero na lulan ng bangka ay hawak na nila.


“’Yung pinakalatest ‘yung bata na-recover na ngayon lang, minutes ago. As of this very moment, ‘yung reported na 134 passengers ay accounted na unless na may other reports pa na papasok... kanina isa na lang ang hinahanap natin, minutes ago na-recover na ‘yung bata na eight years old,” saad ni Armamento sa parehong radio interview.


Sinabi ni Armamento na pinag-uusapan na ng pulisya, local government officials, PCG, mga opisyal ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management (MDRRM) ang naganap na insidente.


Binanggit naman ni Balilo na ang passenger vessel ay may record na ng isang insidente ng paglubog nito. “Alam ko meron ‘tong lubog dati pero hindi naman ito luma. Itong mga Mercraft, bago ito,” pahayag ni Balilo.


Batay sa isang report mula sa local government unit (LGU) ng munisipalidad ng Polillo, ang bangkang MV Mercraft 2 ay umalis ng isla bandang alas-5:00 ng madaling-araw at patungo ito sa munisipalidad ng Real sa Quezon.


Pasado alas-6:00 ng umaga, ang kapitan nito ay nagbigay ng abandon ship command habang sumiklab na ang sunog sa loob ng bangka. Sinabi pa ni Balilo, ang bangka ay nagsimulang masunog nang tinatayang nasa 1000 yards na ito mula sa Port of Real.


Sa naunang report ni Balilo, nasa tinatayang 6 na pasahero ang dinala sa pinakamalapit na ospital. Aniya pa, hindi naman overloaded ang bangka base sa passenger manifest na hawak nila.


Patuloy pa ang mga awtoridad na nagsasagawa ng search and rescue operations sa lugar. Inaalam na rin nila ang sanhi at pinagmulan ng sunog sa loob ng naturang pampasaherong bangka.


 
 

ni Lolet Abania | April 11, 2022



Tatlo ang iniulat na nasawi, isa ang nawawala, habang dalawa ang kumpirmadong nasugatan dahil sa Tropical Depression Agaton, ayon sa report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Lunes.


Batay sa 3PM report ng NDRRMC, ang dalawang namatay at isang nawawalang indibidwal ay mula sa Monkayo, Davao de Oro, habang ang isa pang nasawi ay mula sa Cateel, Davao Oriental.


Sa isang mensahe sa mga reporters, sinabi ng NDRRMC na ang nai-report na nawawala at dalawang kumpirmadong nasaktan na mula sa Davao Region ay nananatili pa rin sa validation.


Ayon sa NDRRMC, nasa 136,390 indibidwal o 86,515 pamilya ang naapektuhan dahil sa Bagyong Agaton mula sa 201 barangay sa Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, Davao, Soccsksargen, Caraga, at Bangsamoro.


Nasa kabuuang 52 kabahayan ang napinsala, kung saan 49 partially habang tatlo totally nawasak sa Central Visayas, Northern Mindanao, at Caraga. Ini-report pa ng NDRRMC na nasa kabuuang P874,000 halaga ang napinsala sa agrikultura mula rin sa Soccsksargen at Bangsamoro.


Nakapagtala naman ng 195 insidente ng pagbaha, 13 landslides, 6 na flash floods, at umapaw na ilog dahil kay ‘Agaton.’ Nasa tinatayang 16 na mga lansangan at apat na tulay ang hindi na madaanan.


Sinabi rin ng NDRRMC na nasa kabuuang 15 lungsod at munisipalidad ang nakaranas ng power interruption, kung saan apat dito ang nai-restored na. Dalawang lugar naman ang nakaranas ng interruption sa suplay ng tubig. May kabuuang 38 pantalan ang sinuspinde ang mga biyahe at operasyon.


Habang nasa kabuuang 2,362 pasahero, 1,180 rolling cargoes, anim na barko, at isang motor banca ang stranded sa ilang mga apektadong rehiyon. Binanggit din ng NDRRMC na nasa kabuuang 78 klase at 56 work schedules ang isinuspinde dahil sa bagyo.


Ayon naman sa PAGASA, bandang ala-1:00 ng hapon ang sentro ng Bagyong Agaton ay tinatayang nasa layong 11.1°N, 125.2°E sa buong coastal waters ng Marabut, Samar.


May maximum sustained winds itong 45 km/h malapit sa sentro, gustiness na aabot sa 60 km/h, at central pressure na 1002 hPa.


Sinabi pa ng PAGASA na kumikilos ang Bagyong Agaton na halos stationary sa buong San Pablo Bay. Gayunman, ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 ay nananatili pa rin sa mahigit 11 lugar sa bansa.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page