top of page
Search

ni Ronalyn Seminiano Reonico | August 7, 2021


ree

Pumasok na sa Philippine area of responsibility (PAR) ang namataang tropical storm sa north northwest ng Itbayat, Batanes ngayong Sabado, alas-5:00 nang umaga, at pinangalanan itong Huaning, ayon sa PAGASA.


Kaninang 11:00 AM, naglabas ng tropical cyclone bulletins ang PAGASA para sa TS Huaning na may international name na Lupit.


Samantala, bandang alas-3 nang umaga, nang wala pa sa loob ng PAR ang TS Lupit, mabagal ang pagkilos nito at taglay ang lakas ng hangin na umaabot sa 65 kph mula sa sentro nito at pagbugsong umaabot sa 80 kph.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | April 23, 2021



ree

Apat katao ang patay at mahigit P222 milyong agrikultura at imprastruktura ang iniulat na napinsala dahil sa pananalanta ng Bagyong Bising, ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Spokesperson Mark Timbal ngayong umaga, Abril 23.


Kabilang sa mga namatay ang dalawang taga-Eastern Visayas, habang tig-isa naman sa Central Visayas at Davao Region. Samantala, 13 ang iniulat na sugatan, kung saan karamihan ay taga-Davao.


Sa kabuuang bilang, tinatayang 170,000 residente ang inilikas sa mga evacuation centers dahil sa banta ng landslide, storm surge at pagbaha. Halos 63 bayan at munisipalidad din ang nawalan ng kuryente sa Bicol Region, Central Visayas at Eastern Visayas.


Inaasahan namang aalis sa Philippine area of responsibility (PAR) ang Bagyong Bising ngayong darating na Linggo at kumikilos ito sa bilis na 20 kph.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | April 13, 2021



ree

Inaasahang lalakas pa ang namumuong tropical depression sa susunod na 48 oras at ito’y magiging tropical storm na posibleng pumasok sa Philippine area of responsibility (PAR) pagdating ng Biyernes nang gabi o Sabado nang umaga at makakategorya bilang isang severe tropical storm, ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ngayong araw, Abril 13.


Batay sa PAGASA weather forecaster na si Ariel Rojas, “Sa kasalukuyan po, nakikita natin, mababa ang tsansa na ito ay posibleng tumama o mag-landfall sa kalupaan. At posibleng mag-recurve o lumiko pabalik sa Dagat Pasipiko. Pagpasok ng PAR, mabibigyan ito ng pangalang Bagyong Bising.”


Sa ngayon ay nakararanas ang Metro Manila ng maulap na kalangitan at posible ring umulan pagsapit nang gabi. Samantala, asahan naman ang maalinsangan na panahon sa tanghali.


“Aabot hanggang 33 degree Celsius ang maximum temperature ngayong araw sa Metro Manila at sa Davao City. Sa Cebu naman, 32 degree celsius. At sa Baguio City, 15 to 24 degree celsius. Malaya rin pong makakapaglayag ang ating mga kababayan at mangingisda,” sabi pa sa ulat.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page