top of page
Search

by Info @Brand Zone | November 13, 2023




Nagpaalala kamakailan ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa kanilang mga accredited health facility sa buong bansa na dapat agad ibawas ang diskwento ng mga senior citizen at person with disability sa kanilang medical bills bago magbayad at lumabas ng ospital.

“Nakatanggap ang PhilHealth ng mga ulat na may mga pasilidad na hindi nagbabawas ng diskwentong ito kaya naman naglabas kami ng PhilHealth Advisory 2023-0036 para magpaalala sa aming mga partner hospital”, ani Emmanuel R. Ledesma, Pangulo at Punong-Tagapagpatupad ng PhilHealth.

Ang nasabing diskwento ay itinakda ng Republic Acts 9994 o Expanded Senior Citizens Act, at 10754 o Expanded Benefits and Privileges of Persons with Disability Act. Ang mga naturang diskuwento ay dapat ibawas sa hospital bill sang-ayon na rin sa Performance Commitment ng mga pasilidad sa PhilHealth.

“Kailangan nating ibigay anoman ang mandato ng batas at kabilang dito ang mga pribilehiyo bilang senior citizen o PWD. Ang mga ito ay dapat maibawas sa kanilang mga bayarin sa ospital”, giit ni Ledesma. Nilinaw naman ng ahensiya na sa mga pasyenteng senior citizen na at PWD pa, isang diskwento lamang ang puwedeng magamit.

Narito naman ang pagkakasunod-sunod ng pagbawas ng mga diskwento: Unang ibabawas ang 12% VAT exemption, kasunod ng 20% senior citizen o PWD discount, pagkatapos ay ang PhilHealth benefits. "Iyun pong balanse ang siya na lamang dapat na bayaran ng pasyente kung mayroon pa, at makikita ito sa kanilang billing statement. Kung ang ating senior citizen member ay na-admit naman sa mga pampublikong pasilidad ay wala na silang babayaran dahil sa No Balance Billing policy", paliwanag pa ni Ledesma.

Sakaling hindi magbawas ng mga naturang pribilehiyo ang mga health facility, maaari silang sampahan ng karampatang parusa, kabilang ang multa at pagsususpinde o pagbawi ng kanilang accreditation.

Hinikayat din ng ahensya ang mga miyembro at concerned citizens na agad i-report ang ganitong insidente sa Office of Senior Citizens Affairs sa kanilang LGU o sa National Council for Disability Affairs. Maaari ding mag-report sa PhilHealth Callback Channel 0917-898-7442, Facebook page (@PhilHealthofficial) o X (@teamphilhealth).

"Igiit natin ang ating karapatan dahil ang mga ito ay itinakda ng mga batas. Kami naman ay nakahandang umaksiyon sakaling may mga ulat kaming matatanggap mula sa ating mga miyembro tungkol dito", tugon pa niya.



Benepisyong handog ng PhilHealth!

Protektahan natin ang kalusugan ng bawat Filipino.


Para sa detalye: Maaaring bisitahin ang official website ng PhilHealth sa www.philhealth.gov.ph. CALLBACK CHANNEL: 0917-8987442 (I-text ang "PHIC callback <space> mobile number o Metro Manila landline ninyo <space> tanong o concern" at kami ang tatawag sa inyo.)


 
 

by Info @Brand Zone | October 23, 2023




Inanunsyo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang bagong benepisyo nito para sa outpatient mental health package kasabay ng paglulunsad ng 2024-2028 Strategic Framework ng Philippine Council for Mental Health kamailan.


Kasabay nito ang pakikipagkasundo ng PhilHealth na pinangunahan ni PhilHealth Vice President for NCR Dr. Bernadette Lico at Dr. Noel Reyes ang hepe ng National Center for Mental Health upang maipatupad ang nasabing benefit.


Ayon sa Republic Act No. 11036, o ang Mental Health Act, ang batas na sumasaklaw sa paggagamot sa mga taong may sakit sa pag-iisip, tungkulin ng PhilHealth na magbigay ng mga benepisyo para sa mga Filipino na mangangailangan ng mental health services.


Ang PhilHealth ay magpapatupad ng progresibong mental health package na magbibigay sa mga miyembro pati na sa kanilang dependents, ng mga benepisyong tutugon at makasisigurong mayroon silang financial risk protection habang sila ay nagpapagaling sa anxiety at depresyon.”, pahayag ni Emmanuel R. Ledesma, Jr, Pangulo at Punong Tagapagpatupad ng PhilHealth.


Inilathala ng state health insurer ang panuntunan ng benepisyo para sa mental health noong Oktubre 12, 2023. Sa nasabing pakete covered na ang konsultasyon, diagnostic follow-up, psychoeducation, at psychosocial support na malapit nang mapakinabangan sa mga accredited na pasilidad na may serbisyo para sa mental health outpatient.


Ang PhilHealth mental health package ay nahahati sa dalawa: general mental health services packages na nagkakahalaga ng P9,000 at specialty mental health services packages na nagkakahalaga ng P16,000 taon-taon.


Maaaring makagamit ng benepisyo ang isang indibidwal na may 10 taong gulang pataas na nangangailangan ng psychiatric services. Samantala, walang limitasyon sa edad para sa mga nangangailangan ng neurological services.


Nilalayon ng gobyerno na mapigilan ang maagang pagkamatay ng mga tao at mapabuti ang kalidad ng buhay ng mga Filipino na may sakit sa pag-iisip. Pinagbubuti ng ahensya ang paghahatid ng accessible mental health services para mapigilan ang stigmatization at diskriminasyon.


Nananawagan din ang PhilHealth sa mental health facilities sa buong bansa na magpa-accredit upang masiguro na ang mental health services ay mailapit sa mga tao. “Sama-sama nating isulong ang mental health sa ating mga Kababayan, hindi lang sa kalunsuran kundi pati na sa rural na lugar.” sabi ni Ledesma.



Benepisyong handog ng PhilHealth!

Protektahan natin ang kalusugan ng bawat Filipino.


Para sa detalye: Maaaring bisitahin ang official website ng PhilHealth sa www.philhealth.gov.ph. CALLBACK CHANNEL: 0917-8987442 (I-text ang "PHIC callback <space> mobile number o Metro Manila landline ninyo <space> tanong o concern" at kami ang tatawag sa inyo.)


 
 

by Info @Brand Zone | October 17, 2023




Bunsod ng data breach na nagdulot ng pansamantalang manual operations, hinikayat ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na gamitin ang PhilHealth Member Portal para ma-check nang ligtas ang kanilang membership at contribution record.

Maliban sa pag-access ng membership at contribution record, maaari ring magbayad ng kontribusyon ang mga self-paying members sa Member Portal at magparehistro sa accredited Konsulta providers para makagamit ng Konsulta Package. Kung sakaling kailanganin ng mga miyembro ang kopya ng kanilang Member Data Record (MDR), madali din nila itong ma-download sa Portal at ma-print sa pamamagitan ng Portal link na https://memberinquiry.philhealth.gov.ph/member/.

Pinaalalahanan din ng PhilHealth ang mga miyembro na maging maingat at siguraduhing opisyal na website lamang ang ia-access at ito ay ang https://www.philhealth.gov.ph. Idinagdag pa ng ahensya na ang website ay may domain na gov.ph at hindi .com o .net. Ang website connection ay dapat nagsisimula sa tag na https (hypertext transfer protocol secure) at may naka-display na padlock connection secure icon sa gawing kaliwa sa itaas na bahagi.

Para sa mga bagong gagamit ng Member Portal, kailangang gumawa ng sariling account gamit ang kanilang PhilHealth Identification Number (PIN) at mag-assign ng malakas na password. Makatatanggap sila ng confirmation sa kanilang email address at kapag natanggap na ng PhilHealth ang confirmation, maaari na nilang magamit ang serbisyo ng Portal.

Samantala, pinaalalahanan din ang partner health facilities nito na maaari na nilang ma-access ang Health Care Institution Portal. Dahil dito, hindi na kailangang magdala ng printed MDR ang mga miyembro upang makagamit ng mga benepisyo.

Siniguro rin ng ahensya na lahat ng Filipino, rehistrado man o hindi, ay may karapatang makinabang sa mga benepisyo alinsunod sa Universal Health Care Act. Habang patuloy na ibinabalik ang frontline systems, ang mga hindi pa rehistradong miyembro o walang PIN ay dapat magsumite ng accomplished PhilHealth Member Registration Form (PMRF) kasama ang mga supporting document sa health facility upang makagamit ng mga benepisyo.

Muling umapela si PhilHealth Chief Emmanuel R. Ledesma, Jr. sa publiko na manatiling kalmado at mapagmatyag laban sa posibleng phishing attacks. Hinikayat din niya ang mga miyembro na magpalit ng bago at matibay na password, at huwag itong ipagsabi sa ibang tao.

“Mag ingat din po tayo sa mga nag-aalok online na sila na ang mag-aasikaso o kukuha ng inyong PhilHealth ID o MDR kapalit ng bayad. Una, wala pong bayad ang ID at MDR. Ikalawa, wala tayong ino-authorize na mag-ahente sa PhilHealth. Delikado po ito dahil makokompromiso ang inyong personal details" babala ni Ledesma sa mga miyembrong pumapatol sa ganitong alok sa social media.

Muli niyang inihayag ang abiso ng mga eksperto na huwag pansinin at i-click ang mga kaduda-dudang link. “Pinakamabuting iwasan ang mga kahina-hinalang tawag at burahin ang mga text o email mula sa hindi kilala at kahina-hinalang senders upang maiwasang mabiktima ng mga scammer,” wika pa niya.



Benepisyong handog ng PhilHealth!

Protektahan natin ang kalusugan ng bawat Filipino.


Para sa detalye: Maaaring bisitahin ang official website ng PhilHealth sa www.philhealth.gov.ph. CALLBACK CHANNEL: 0917-8987442 (I-text ang "PHIC callback <space> mobile number o Metro Manila landline ninyo <space> tanong o concern" at kami ang tatawag sa inyo.)


 
 
RECOMMENDED
bottom of page