by Info @Brand Zone | August 23, 2024

Isang bagong benepisyo na naman ang inilabas ng PhilHealth. Ang Outpatient Therapeutic Care (OTC) Benefits Package for Severe Acute Malnutrition (SAM) na inanunsyo ng ahensya sa kanilang Circular No. 2024-0017. Talagang hindi tumitigil ang PhilHealth sa pagpapalawak ng mga benepisyo para sa mga Filipino, lalo na sa ating mga kabataan na higit na nangangailangan ng benepisyo.
Ayon sa datos ng World Health Organization (WHO), umabot na sa 1.5 milyong batang Filipino ang apektado ng malnutrisyon. Katunayan, ang Pilipinas ang isa sa may pinakamataas na kaso ng SAM sa buong Asya at patuloy na nakakaapekto sa ating mga kabataan sa kabila ng mga programang ipinatutupad ng ating pamahalaan.
Kaya naman ang bagong PhilHealth OTC-SAM benefit ay tiyak na makatutulong sa gamutan at tamang pag-alaga ng mga batang apektado ng SAM. Ang benefit package ay nakadepende sa edad ng bata – una para sa mga sanggol na mas bata sa 6 months at isa naman para sa edad 6 months hanggang 5 years old.
Para maka-avail ng benefit, ang bata ay kailangang ma-assess sa isang accredited health facility at makapasa sa criteriam ng PIMAM o Philippine Integrated Management for Acute Malnutrition tulad ng edad, sukat at proportion ng mga sanggol at bata, at iba pang clinical eligibility criteria.
Ang mga serbisyong pwedeng makuha sa package ay ang mismong assessment na gagawin sa mga PhilHealth-accredited facilities, kasama na ang counseling sa nutrisyon at tamang pagpapakain sa mga sanggol at bata, exclusive breastfeeding support, child development and nurturing care, at lingguhang follow-up visit ng duktor. Para sa mga 6 months hanggang 5 years old, kasama na rin ang pagbibigay ng ready-to-use therapeutic food o RUTF na rekomendado ng WHO.
Ang benefit package ay hanggang P7,500 ang para sa mga sanggol na less than 6 months old at P17,000 naman taun-taon para sa mga batang 6 months to 5 years old. Ito ay babayaran ng PhilHealth sa accredited-facilities nang dalawang hulog, paunang bayad matapos ang initial assessment (P1,500 para sa mga sanggol) at P2,000 (para sa mga batang hanggang limang taon) at ang susunod na natitirang halaga ay ibabayad matapos ang mga follow-up visits na aabot hanggang 15 visits.
Tandaan na walang dapat bayaran ang ang mga magulang ng pasyente. Hindi dapat singilin ng pasilidad ang anumang halagang sosobra sa benefit package ng PhilHealth. Sagot ng ahensya ang buong gamutan! Ang OTC Benefits Package for SAM ay maaaring gamitin sa mga rural health units, barangay health stations, at primary care providers.
Mag-antabay sa anunsyo ng PhilHealth para sa listahan ng OTC-SAM providers na maaari ninyong puntahan para sa mabuting kalusugan ng inyong mga anak!







