- BULGAR
- Jan 16, 2022
ni Lolet Abania | January 16, 2022

Halos isang daang fully vaccinated nang healthcare workers ng Philippine General Hospital (PGH), ang nakabalik na sa kanilang trabaho limang araw matapos na tamaan o ma-expose sa COVID-19.
Sa isang radio interview ngayong Linggo, sinabi ni National Task Force (NTF) Against COVID-19 medical adviser Dr. Ted Herbosa na ang bilang ng mga medical frontliners sa PGH ay nagdagdagan matapos ang halos 100 sa kanila ay ma-infect ng virus noong nakaraang linggo.
“Luckily, noong ginawa itong shorter quarantine period ay parang nakabalik ang about 90, 93 personnel agad,” sabi ni Herbosa, subalit aniya, nagpapatuloy pa rin ang impeksyon ng virus sa mga personnel ng PGH.
“’Yung dating protocol natin nakapaka-strict, ma-expose ka lang, 10 days ka nang ‘di pupunta sa ospital, ngayon ‘pag wala kang sintomas, pwedeng magtrabaho,” ani Herbosa.
Matatandaang noong Enero 7, inaprubahan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang pagpapaiksi ng isolation at quarantine periods para sa mga fully vaccinated health workers na na-infect o na-expose sa COVID-19.
Ginawa ng IATF ang anunsiyo ng bagong isolation protocol matapos ang mga naging isyu sa mga ospital na nagkukulang na ang kanilang mga staff habang tumataas ang COVID-19 infections.
Ayon kay PGH spokesperson Dr. Jonas del Rosario, simula pa lang ng taong 2022 ay tinatayang 1,100 healthcare workers na ng PGH ang na-infect ng COVID-19 na karamihan sa kanila ay nakararanas ng mild symptoms.
Paliwanag pa ni Herbosa, na ang mga COVID-19 vaccines ay hindi para huwag tamaan ng virus, kundi upang mabawasan ang tiyansa na mamatay o maospital dahil naturang sakit.
Payo niya sa publiko na patuloy na magsuot ng face masks at iwasan ang mga crowded areas para mapigilan na mahawahan ng virus.
“Mag-ingat tayo kasi madaming Omicron cases pa rin at puno ang mga ospital. So, ‘pag naospital ka, maghahanap ka rin ng ospital para makapasok kasi medyo napupuno na, naguumpisa nang mapuno ang ating mga ospital,” sabi pa ni Herbosa.