top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 15, 2021




Tiniyak ng Department of Health (DOH) sa publiko na hindi masisira ang lahat ng COVID-19 vaccines na nasa ‘Pinas, batay sa Laging Handa press briefing ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire ngayong araw, May 15.


Aniya, “Walang dapat ipangamba ang ating mga kababayan dahil ang tinatanggap natin na bakuna ay ligtas at within the expiry date. Hindi tayo tatanggap ng mga expired vaccines at hindi rin natin ipapagamit sa ating mga kababayan kung expired na ang mga bakuna.”


Iginiit niyang sa katapusan ng Agosto pa ang expiration date ng mga dumating na Pfizer, habang ang Sputnik V nama’y after 6 months pa bago mag-expire.


Matatandaan namang una nang iniulat ang papalapit na expiration date ng 2 million doses ng AstraZeneca.


Gayunman, tiniyak ng DOH na magagamit ang lahat ng iyon bago pa sumapit ang Hunyo at Hulyo.


Samantala, hindi naman niya binanggit kung kailan mag-e-expire ang Sinovac ng China.


Sa ngayon ay pinaiimbestigahan na ng DOH ang nangyaring brownout sa Makilala, North Cotabato, kung saan 348 vials ng Sinovac ang nasayang.


“Tinitingnan natin kung merong kailangan managot at kung ano ang dapat gawin after nito," sabi pa ni Vergeire.

 
 

ni Lolet Abania | May 12, 2021




Pinaplano ng pharmaceutical giants na Pfizer at Moderna na kumuha ng Emergency Use Authorizations (EUA) para sa COVID-19 vaccines na ilalaan sa mga kabataan, ayon sa Department of Science and Technology (DOST).


Ayon kay Dr. Nina Gloriani, head ng vaccine expert panel ng DOST, target ng Pfizer na makakuha ng EUA sa September umano ng kasalukuyang taon, habang ang Moderna ay maaaring magkaroon na ng tinatawag nilang child-friendly vaccines sa katapusan naman ng taon.


“Ang mga pag-aaral ng Pfizer ay napakabilis for these younger children... Hintayin na lang po natin na mag-apply sila ng EUA sa atin,” ani Gloriani.


“We look forward to that kasi maa-address niya ‘yung pagbabakuna sa isang age group na hindi natin makakaya with the other vaccines,” dagdag niya.


Kamakailan, inaprubahan na ng United States ang paggamit ng Pfizer vaccines para sa mga kabataang nasa edad 12 hanggang 15-anyos.


Ayon kay Gloriani, ang mga batang nabakunahan ng Pfizer vaccines ay nagpakita ng magandang resulta dahil wala sa 1,000 mga bata na naturukan ng bakuna ang na-infect ng COVID-19.


Sinabi pa ni Gloriani, nagsasagawa na rin ang Pfizer at Moderna ng mga pag-aaral sa efficacy ng kanilang COVID-19 jabs para sa mga bata na nasa edad 6 na buwan hanggang 11-anyos.


“This is a bigger study. Siguro mga 6,000 to 7,000 ang kailangan na participants hindi kagaya nitong mga 12-15 years old na hanggang 3,000 lang ang naging participants,” sabi ni Gloriani.


Matatandaang noong Marso 2020, ipinag-utos ng pamahalaan na dapat manatili lamang ang mga menor-de-edad sa loob ng bahay matapos na isuspinde ang face-to-face classes upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa mga classrooms at eskuwelahan at mahawahan sila ng nasabing sakit.


 
 

ni Lolet Abania | May 12, 2021




Ang mga residente ng Makati City na nagtungo sa Makati Medical Center (MMC) ngayong Miyerkules para mabakunahan ng inaasahan nilang Sinovac COVID-19 vaccine ay naging mga unang nakatanggap sa lungsod ng Pfizer vaccine.


Ayon sa medical director ng ospital na si Dr. Saturnino Javier, naging maayos ang inisyal na pagbabakuna ng hinihintay na vaccine brand sa tinatayang 300 hanggang 500 residente sa unang araw pa lamang nito.


“So far, the challenge is we need to make sure that we maintain the proper temperature requirement of the vaccine,” ani Javier. Dagdag niya, kailangan lamang nilang isaayos nang mabuti ang ilang isyu hinggil sa proseso ng vaccine administration na pinaghandaan nila nang matagal. Sinabi ni Javier na mahigit sa 5,000 Pfizer doses ang inilaan ng Makati City habang katuwang ang MMC para sa pag-store ng nasabing bakuna sa mga ultra low freezers.


Aniya, kinakailangan ng naturang vaccine na mailagay sa isang temperatura sa pagitan ng -70 to -80 degrees Celsius.


Ayon pa kay Javier, natanggap ng ospital kahapon ang 195 vials na bawat isa ay naglalaman ng 5 hanggang 6 doses.


Agad itong inilagay sa isang bio-ref para i-thaw o matunaw ang vaccine bago i-administer sa loob ng 3 hanggang 5 araw.


“My recollection is that within 15 minutes you should be able to do it. So they only aspirate when they are here already.


So there may be some degree of waiting for the vaccinees because we want to make sure they receive the vaccine in its optimum condition,” saad ni Javier.


Isa ang Makati sa mga nakatakdang lugar sa bansa na maaaring makakuha ng unang batch ng Pfizer vaccines na nakalaang ibigay sa Pilipinas mula sa COVAX Facility. At upang masunod ang mga COVAX requirements, ang mga priority groups gaya ng medical frontliners, senior citizens, at person with comorbidities ang maaari lamang tumanggap ng naturang bakuna.


Target ng MMC na mabakunahan ang hanggang 600 katao kada araw na aabutin hanggang weekend at maubos ang Pfizer vaccine. “We’re very particular of the wastage because these are limited quantities of vaccines so we want to make sure that we don’t have any vaccine that goes to waste,” sabi pa ni Javier.


Samantala, ang lokal na pamahalaan ng San Juan City ay nagsimula na ring magbakuna kontra-COVID-19 gamit ang Pfizer-BioNTech vaccine ngayong Miyerkules. Sa isang Facebook live, sinabi ni San Juan City Mayor Francis Zamora na 11,700 doses ng Pfizer vaccine ang nai-deliver sa lungsod, para maibigay ang 2 doses sa 5,850 na mga residente.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page