top of page
Search

ni Lolet Abania | March 1, 2022



Ipinahayag ng Malacañang ngayong Martes na wala pang inisyung order si Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa pagpapatigil ng operasyon ng electronic/online sabong (e-sabong).


Ito ang naging tugon ni acting Presidential Spokesperson Karlo Nograles isang araw matapos na ianunsiyo ni Senate President Vicente Sotto III na aniya, “the President has agreed to suspend the licenses for e-sabong operations,” sa gitna ng pagkawala ng tinatayang 31 sabungero.


Binase ni Sotto ang kanyang announcement sa naging pag-uusap nila ni Senador Ronald dela Rosa.


“Procedurally, kailangan ng Senate resolution to be sent to PAGCOR. Then PAGCOR [should be the one] to advise the Office of the President with regard to that,” paliwanag ni Nograles na ang tinutukoy ay Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).


“The Resolution [has] yet to reach the PAGCOR or the OP,” sabi pa ni Nograles.


Ang Senate public order and dangerous drugs committee na pinamumunuan ni Dela Rosa ay inaprubahan na ang isang resolution na humihimok sa PAGCOR para isuspinde ang issuance ng mga lisensiya sa mga online sabong operations.

 
 

ni Lolet Abania | February 28, 2022



Inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte na isuspinde muna ang mga lisensiya ng online cockfighting o “e-sabong”, habang nakabinbin ang resolusyon ng mga kaso ng 31 missing cockfighting enthusiasts o “sabungeros,” ayon kay Senate President Vicente Sotto III ngayong Lunes na mula aniya, sa ibinigay na impormasyon ni Senador Ronald dela Rosa.


“Sen. Dela Rosa informed me that PRRD told him yesterday that he agrees!” ani Sotto sa isang tweet. Subalit, wala pang kumpirmasyon sa ngayon si Dela Rosa hinggil sa naging pahayag ni Sotto. Samantala, sinabi ng Malacañang na maghintay na lamang muna ang publiko ng anunsiyo na manggagaling kay Pangulong Duterte.


“Abangan na lang natin mamaya sa Talk to the People, or even before that kung meron kaming ilalabas na announcement,” sabi ni acting Presidential Spokesperson Karlo Nograles sa isang press briefing.


Si Dela Rosa ay siyang chairman ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, kung saan iniimbestigahan ang pagkawala ng 31 sabungero.


Sa isang Senate hearing noong nakaraang linggo, nag-propose ng isang resolution sina Sotto at Senador Panfilo Lacson na humihiling kay Pangulong Duterte para atasan nito ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na pansamantalang itigil ang mga e-sabong operations.


Kabilang sa mga existing e-sabong licenses ay sa Belvedere Vista Corp., Lucky 8 Star Quest Inc., Visayas Cockers Club Inc., Jade Entertainment And Gaming Technologies, Inc., Newin Cockers Alliance Gaming Corp., Philippine Cockfighting International Inc. at Golden Buzzer, Inc.


Ayon kay PAGCOR Acting Assistant Vice President for E-Sabong Department na si Diane Erica Jogno, agad namang susunod ang ahensiya sa pagpapasuspinde sa mga lisensiya ng mga e-sabong.


“We are okay with suspending e-sabong and we will secure approval from the Office of the President,” sabi ni Jogno.


Nakatakda naman ang susunod na Senate hearing hinggil sa nawawalang sabungero sa Biyernes, Marso 4.

 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | February 26, 2022



Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi pa handa ang mga Pilipino sa federal form ng gobyerno at ito umano ang dahilan kung bakit hindi ito naipatupad sa kanyang termino.


Sa one-on-one interview kay Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar na inere nitong Biyernes, ipinaliwanag ni Duterte na siya ay nakipag-ugnayan sa local executives hinggil sa pagpapatupad ng pederalismo.


Gayunman, hindi ito tinanggap ng mga tao.


“Akala siguro nila yung nag-aadvocate ng federalism na wala akong ginawa. Alam niyo nagkamali kayo. Every now and then I called the mayors, noon pa nung umpisa, magpunta ako kinakausap ko yung mga tao,” ani Duterte.


Itinulak ni Duterte ang pederalismo bilang paraan upang matugunan ang national economic at power imbalances.


Sa ilalim ng proposed shift, mahahati ang bansa sa mga estado na bubuuin mula sa mga rehiyon.


“They are not enamored because there are many forms of parliament. Pagdyan mo inaano ang mga tao hindi talaga nakakaintindi. Hindi kami nagkulang. Honestly as I can be, hindi talaga tanggapin ng tao,” pahayag pa ni Duterte.


“Ayaw talaga, so hindi na lang rin ako, sinabi ko sa kanila, ayaw ng tao. Natakot sila na may more expanded powers,” dagdag niya.


Matatandaang sinabi ng pangulo na nag-eempake na siya ng mga gamit sa Malacañang dahil papalapit na ang pagtatapos ng kanyang termino.


Matatapos ang kanyang termino sa Hunyo 30, 2022.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page