top of page
Search

ni Lolet Abania | February 4, 2021





Inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng Department of Energy (DOE) na ipagpatuloy ang pagpapatupad ng polisiya ng no disconnection sa mga customers na may mabababang buwanang konsumo sa elektrisidad.


Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang implementasyon ng no disconnection policy ay para sa buong buwan ng Pebrero. Ang mga distribution utilities ay kailangan ding magbigay ng opsiyon para sa installment payment na gagawin ng mga customers.


Sakop ng polisiya ang mga customers na kumokonsumo ng 100 kph at mas mababa pa rito kada buwan. Sa isang news conference, kinumpirma ni Cabinet Secretary Karlo Nograles ang naging desisyon ni Pangulong Duterte sa pulong ng mga gabinete kagabi.


“The President readily agreed given that electricity is a basic necessity our countrymen cannot live without,” ani Nograles.


“Makakahinga na po nang maluwag ang ating mga kababayan na mababa o walang kita. Hindi po kayo mapuputulan ng kuryente,” dagdag niya.


Matatandaang ipinag-utos ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa mga power distribution utilities na huwag magpatupad ng anumang disconnection sa mga account na hindi pa nabayarang bills hanggang December 31, 2020 ng mga consumers na may buwanang konsumo na tinatawag na “not higher than twice the ERC maximum lifeline consumption level.”


“According to the DOE, while lifeliners comprise 32% of the customer base, they only account for 3% of electricity sales. So, this is very doable,” saad ni Nograles.


Ayon pa kay Nograles, hinimok din ni P-Duterte ang Kongreso na palawigin ang pagkakaroon ng subsidy para sa mga marginalized power consumers sa loob ng 30 taon o mula 2021 hanggang 2051. “[This is] because of the pandemic and sa computation ng DOE, hindi naman ito mabigat para sa ating mga distribution utilities. Kayang-kaya naman po,” sabi pa ni Nograles.


Inaprubahan naman ng Senado noong nakaraang buwan ang extension nito ng 10 taon.

Tinugon naman ng Manila Electric Company (Meralco) ang direktiba ng pamahalaan na palawigin pa ang no-disconnection policy para sa mga customers na may mabababang buwanang konsumo ng kuryente.


"We will comply with the government's directive and will wait for the specific guidelines from the Department of Energy. We would like to assure our customers that we will continue to assist all of them in addressing their billing issues,” ayon sa pahayag ni Joe Zaldarriaga, spokesperson ng Meralco.

 
 

ni Lolet Abania | February 1, 2021




Ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapatupad ng price cap para sa baboy at manok sa loob ng 60 araw sa National Capital Region, batay sa isang report na inilabas ng PTV-4 na istasyon ng gobyerno.


Pinirmahan ni Pangulong Duterte ang Executive Order 124 matapos ang naging kahilingan ng Department of Agriculture (DA).


Matatandaang iminungkahi ng DA kay P-Duterte na magpatupad ng price freeze sa mga nasabing produkto gaya ng P270 kada kilo para sa kasim at pigue, P300 kada kilo sa liempo, at P160 kada kilo para naman sa karne ng manok.


Sinisi naman ni DA Secretary William Dar ang mga mapagsamantalang traders at wholesalers sa pagtaas ng presyo ng baboy sa gitna ng pagkalat ng African swine fever (ASF).


Ayon kay Dar, ilang mga traders at wholesalers ang nagkakaroon ng malaking profit margin ng mahigit sa P200 kada kilo sa pagitan ng farmgate price ng buhay na baboy at sa retail price ng karneng baboy sa mga palengke at pamilihan.


Noong nakaraang linggo, naiulat na ang COVID-19 task force ng gobyerno ay sinuportahan ang hindi pagluluwas at pagbibiyahe ng mga baboy mula sa Visayas at Mindanao.


Gayunman, ayon sa DA, ang mga imported na baboy ay inaasahang darating nitong February mula sa mga ASF-free na bansa na umabot sa kabuuang 54,000 metric tons.

 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | January 26, 2021




Binuweltahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga Cabinet members at opisyal ng pamahalaan na ginagamit umano ang pangalan ng iba pang government officials sa korupsiyon.


Pahayag ni P-Duterte, “Itong korupsiyon, at I am speaking on behalf of sa amin lahat dito, ‘yung gamitan ng pangalan… alam mo, kami, pulitiko, lalo na nu’ng eleksiyon, kung sino ang lumapit sa amin, magpa-photo, o 'di… pulitiko… ngayon, it’s time na tapos na ang eleksiyon, itong lokohan na pakita nila, katabi ko sila, kung saka-sakali, magkukumare, kumpare kami, tapos may nilalakad, tapos sabihin na ‘Lalakarin namin ‘yung papel mo, bigyan mo kami ng down payment’… mga kababayan ko, mahirap lang kami pero hindi… I’m sure kaming lahat, hindi namin daanin sa may utusan kami.


“‘Pag binanggit ‘yung pangalan ni Secretary Lorenzana, Secretary Galvez, Secretary Duque, ‘pag ginamit n’yo ‘yung mga pangalan nila sa mga contract purchase, the mere fact na nagamit ang pangalan mo, wala ‘yan. Walang pumapatol dito sa amin nang ganu’n… ‘yang lakarin.


“On the other hand, kung malaman namin, madisgrasya ka pa.


“‘Yung may mga tao na nag-iikot na sabihin nila, lakarin nila, alam mo ang gawin ninyo kung nagbigay na kayo ng pera, purnada na talaga kayo. Hindi naman totoo iyan. Saksakin na lang ninyo. ‘Wag mong barilin kasi maingay. Madali kang mahuli.


“Saksakin na lang ninyo. Wala ‘yan. Ito ‘yung mga parasites, mga linta.”


Nanawagan din si P-Duterte sa National Bureau of Investigation (NBI) na dalhin sa kanyang opisina ang mga mahuhuling nanloloko sa mga tao.


Aniya, “Para matapos na ito, lahat sa NBI pati police, sa lahat ng mahuli ninyo sa mga ganu’n, dalhin ninyo sa opisina ko, gusto ko lang silang kausapin, gusto ko silang makausap bakit ganyan ang hanapbuhay nila. Kasi lokohan, eh. ‘Yan ang problema riyan.


“Alam mo, walang maloloko kung walang magpapaloko.


“I am calling the NBI to double their time sa paghuli nito. Hulihin ninyo ito tapos kung ano, ma-detain ninyo ‘yan sa gabi… wala pa namang ano… bago ninyo dalhin sa korte for filing… idaan mo nga sa Malacañang, tingnan ko lang ang pagmumukha nito. Ang sarap kasing magganu’n ng mukha… ‘yung mukha ng tao paliitin mo.”

 
 
RECOMMENDED
bottom of page