top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | March 7, 2021





Siyam na aktibista ang namatay habang 6 ang arestado sa isinagawang raid ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Calabarzon kaninang umaga, Marso 7, ayon sa Police Regional Office 4A.


Batay kay PRO4A PIO Chief Police Lieutenant Colonel Chitadel Gaoiran, may dalang warrant of arrest mula sa Manila Regional Trial Court Branch 4 ang mga awtoridad nang isagawa ang operasyon kung saan nakuha ang mga pampasabog mula sa bahay ng ilang aktibista at umano’y nanlaban sila sa pulisya.


Kabilang sa mga namatay ang mag-asawang sina Chai at Ariel Evangelista na miyembro ng Ugnayan ng Mamamayan Laban sa Pagwawasak ng Kalikasan at Kalupaan, sina Makmak Bacasno at Michael "Greg" Dasigao ng SIKKAD-K3 Kdmay Montalban, at si Emmanuel "Manny" Asuncion, ang Secretary General ng Bagong Alyansang Makabayan-Cavite. Samantala, inaalam pa ang pagkakakilanlan ng iba.


Sa tala ng pulisya, isa ang namatay sa Cavite, 2 sa Batangas at 6 sa Rizal, habang tatlo ang arestado mula sa Laguna, gayundin sa Rizal.


Kaugnay nito, ang nangyaring operasyon ay alinsunod lamang sa ipinahayag ni Pangulong Duterte noong ika-5 ng Marso, "I've told the military and the police, that if they find themselves in an armed encounter with the communist rebels, kill them, make sure you really kill them, and finish them off if they are alive."

 
 

ni Lolet Abania | February 28, 2021




Mariing ipinahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi pa rin niya papayagan ang face-to-face classes kahit pa may mga dumating nang vaccines kontra-COVID-19 sa bansa. “Huwag muna ngayon. Not now. I cannot make that decision,” ani Pangulong Duterte sa press briefing na isinagawa sa Villamor Air Base sa Pasay City kung saan dumating ngayong Linggo ang 600,000 doses ng COVID-19 vaccines mula sa Chinese drugmaker na Sinovac.


Ito ang naging tugon ni P-Duterte sa tanong sa kanya kung papayagan ang pagbabalik ng in-person classes dahil mayroon nang bakuna na dumating sa bansa.


Sinabi ng Pangulo na ang face-to-face classes sa panahon ngayon ay maglalagay sa mga batang mag-aaral sa kapahamakan.


“I am not ready to lose the lives of our young people,” sabi pa ng Pangulo.


Matatandaang binanggit ni P-Duterte na hindi niya papayagan ang in-person classes hangga’t wala at hindi nagkakaroon ng vaccine kontra-COVID-19 ang bansa.


Gayundin, noong nakaraang linggo, tinanggihan ng punong ehekutibo ang Department of Education (DepEd) sa mungkahi nitong magsagawa ng isang dry run ng face-to-face classes sa bansa.

 
 

ni Lolet Abania | February 28, 2021





Pinag-iisipan ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong Linggo nang gabi ang pagluluwag ng quarantine status sa Metro Manila at isailalim sa modified general community quarantine (MGCQ) para matugunan ang krisis sa ekonomiya ng bansa.


“I am considering it… Our economy is really down, as in down so the earlier na mabilisan itong vaccine, the better,” ani Pangulong Duterte sa isang press conference.


Balak ng Pangulo na tuluyan nang buksan ang ekonomiya kapag nakakuha na ng sapat na vaccine doses ang bansa.


“If the vaccine is available to anybody for one reason or another, sa mga probinsiya, na-distribute na ‘yan… estimate nila, about 40 million, kung maka-hit tayo ng 40 million, ‘pag nandiyan na ang vaccine, maski may mga 20 tayo o 30 (million), buksan ko na dahil sa economy,” ani P-Duterte.


“People have to eat. People have to work. People have to pay… And the only way to do it is to open the economy and for business to regrow… Without that, patay talaga. Mahihirapan tayo,” sabi pa ng Pangulo.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page