ni Jasmin Joy Evangelista | March 26, 2022
Inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Biyernes na bababa siya sa puwesto na natupad ang mga pangako sa mga Pilipino.
"I'm coming home, God willing. Kita ko ang Pilipinas okay naman and lahat ng sinabi ko sa tao na gagawin ko, just from the number of my fingers, siguro mag-abot ng sampu," ani Duterte.
"Law and order, droga…universal health care, education, irrigation ng farmers, infrastructure, nakita na nyo...," patuloy niya sa kanyang speech sa inauguration ng Cancer Diagnostic Institute Building and Cancer Treatment Facility Building ng Southern Philippines Medical Center (SPMC) sa kanyang hometown sa Davao City.
Iginiit din ng pangulo na dapat tumigil na sa pagdodroga ang mga involved dito dahil hindi titigilan ng kanyang administrasyon ang mga lulong dito.
Pakiramdam din daw ng pangulo ay ‘fulfilled’ na ang kanyang buhay at wala nang mahihiling pa. Aniya pa, isa siyang gag* sa pag-aambisyon na maging pangulo noong 2016, gayundin umano ang mga tatakbo sa pinakamataas na posisyon sa darating na May 2022 elections.
"Fulfilled na ako sa lahat ng bagay. Wala na akong mahihiling pa sa Diyos. Kung humingi pa ako sa Diyos ng marami, sabihin nya ....umabot ka na dyan. But it was all worth it," ani Duterte.
"Ang taong mag-ambisyon na mag-presidente, gago. Kagaya ko, minsan mamayat ako, minsan tataba ako. When you get to study all documents of the Republic of the Philippines, mawawalan ka ng stamina," dagdag niya.
Ayon pa sa pangulo, pagdating sa mga government projects ay hindi niya pinaboran ang mga lugar kung saan siya nanalo noong 2016 elections.
"I told the Department of Public Works and Highways, Transportation, ang pera, hatiin para sa lahat. Kaya kahit saan ka magpunta, kahit sa Luzon, you can see the stretch of the highways, as far as your eyes can see," pahayag ng pangulo.
"Pag pumunta sila sa Ilocos, iyong eight hours, you can make it in five hours if there is no traffic, ganoon na lang. Kasi nagpagawa ako ng mga highways na bago," dagdag niya.