top of page
Search

ni Ronalyn Seminiano Reonico | June 29, 2021



Humingi ng paumanhin si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga magulang ng mga estudyante dahil sa hindi niya pag-apruba na ibalik na ang face-to-face classes sa bansa.


Saad ng pangulo, "Ako naman nanghingi ng patawad sa inyong lahat — sa mga nanay, tatay, kasi delayed ang edukasyon ng mga bata. Patawarin na po ninyo ako kasi hindi ko na po talaga kayang magbigay ng pahintulot na puwede na silang normal sa eskuwelahan.


"Kasi kung magkadisgrasyahan, buhay ito. Ang ano nito… is delayed lang ang education ng bata pero it will normalize one of these days but I cannot gamble with the life of children. Mahirap ‘yan kasi ako mananagot lahat.”


Samantala, una nang sinabi ng pangulo ang dahilan kung bakit hindi niya pa maibabalik ang face-to-face classes.


Aniya, sang-ayon naman siyang magkaroon ulit ng normalidad sa pag-aaral ng mga bata, ngunit dahil sa banta ng bagong variant ng COVID-19 na Delta, kailangang ihinto muna ang face-to-face at magpatupad ng istriktong protocol para na rin sa kaligtasan ng kabataan.


Saad ni P-Duterte, "Kasi kung ang mga bata, nand’yan, baka mahawa. Saka dadating itong D (Delta variant) na sinabing mas aggressive and more fatal than COVID-19.”


 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | June 25, 2021



Idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Period of National Mourning simula kahapon, June 24 hanggang sa July 3 dahil sa pagpanaw ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III noong Huwebes nang umaga dahil sa renal disease secondary to diabetes.


Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nilagdaan ni P-Duterte ang Proclamation No. 1169 kung saan napapaloob ang Period of National Mourning.


Saad ni Roque, "In this regard, the national flag shall be flown at half-mast from sunrise to sunset on all government buildings and installations throughout the Philippines and abroad for a period of ten days.


"Let us continue to pray and pay respects to the former President who gave his best to serve our nation and our people.”


 
 

ni Lolet Abania | June 22, 2021



Nilinaw ng isang opisyal ng Department of Health (DOH) na ang binitiwang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na arestuhin ang mga indibidwal na ayaw magpaturok ng vaccine ay masidhing pagnanais lamang nitong mabakunahan na ang lahat ng mga Pilipino, sa kabila ng dapat ay may pahintulot muna ang isang indibidwal bago mabigyan ng bakuna.


“Ang ating bakuna ay [may] free and prior informed consent kaya kailangang magpirma sila ng consent para magpabakuna,” paliwanag ni DOH Undersecretary Myrna Cabotaje sa Laging Handa briefing ngayong Martes.


Ayon kay Cabotaje, nabigyan ng malalim na pakahulugan at nailagay sa kakaibang konteksto ang pahayag ni Pangulong Duterte nu'ng Lunes nang gabi na arestuhin ang ayaw magpaturok ng COVID-19 vaccine.


“I think it is born out of the passion and need of the President to emphasize the point na kailangang magpabakuna to help us move on para maproteksiyunan ang… one another,” ani Cabotaje.


“Ang sabi nga niya, ‘No one is safe until everyone is safe.’ He wants safe and effective vaccines for all Filipinos kaya ipinapatupad lang po ‘yung kanyang gustong mangyari dito sa ating bansa,” dagdag ni Cabotaje.


Ang naging pahayag ni P-Duterte kahapon ang pinakabagong pananakot niya na ipapakulong ang mga ayaw magpabakuna sa layong maipatupad ang tina-target na herd immunity sa Nobyembre.


Ayon naman kay Justice Secretary Menardo Guevarra hinggil sa babala ni Pangulong Duterte, “Merely used strong words to drive home the need for us to get vaccinated and reach herd immunity as soon as possible.”


Samantala, mahigit na 6.2 milyong Filipino ang nabakunahan na hanggang nitong June 20.


Sa isang Social Weather Stations poll, lumalabas na 35% ng mga Pinoy ay nananatiling hindi sigurado kung magpapabakuna kontra-COVID-19.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page