top of page
Search

ni Lolet Abania | July 26, 2021



Daan-daang raliyista mula sa iba’t ibang grupo ang nagsagawa ng ‘unity march’ mula University of the Philippines sa Diliman, Quezon City hanggang Commonwealth Avenue ilang oras bago ang inaabangang huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong Lunes.


Sa isang video, makikita ang isang 2D effigy na gawa ng UGATLahi Artist Collective, kung saan inilalarawan si Pangulong Duterte habang nananatili sa kapangyarihan na nasa unahan ng mga raliyista na nagmamartsa.


Ayon kay Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) Secretary General Renato Reyes, Jr., ang kanilang ginawang protesta ay tinawag na, “WakaSONA,” habang ipinaparada nila ang “50 comics” sa kahabaan ng nasabing lugar.


Gayunman, sinabi ni Philippine National Police Chief Police General Guillermo Eleazar na lahat ng law enforcers ay magpapatupad ng maximum tolerance sa mga protesters.


Sinabi ni Reyes na hindi sila sang-ayon sa plano ni P-Duterte na pagtakbo sa May 2022 elections dahil tila nagsasagawa umano ng isang political dynasty. Nais din ng grupo na ito na ang huling SONA ni Pangulong Duterte.


“Hindi na siya dapat mabigyan ng panibagong 6 na taon sa puwesto at magtatag ng Duterte-Duterte dynasty sa Malacañang,” ani Reyes.


Pahayag pa ni Reyes, nagpoprotesta sila dahil sa pagkabigo umano ng pamahalaan na maresolbahan ang COVID-19 pandemic, ang human rights abuses na may kaugnayan sa drug war ng Pangulo, korupsiyon sa gobyerno at ang pakikipagmabutihan ni P-Duterte sa China.


Gayunman, ayon kay Reyes, patuloy na inoobserba ng grupo ang minimum health standards kontra-COVID-19.


Samantala, tiniyak ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa publiko na ang huling SONA ni Pangulong Duterte ngayong Lunes ay nakatuon sa pagtahak tungo sa recovery ng bansa sa pandemya.


 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | July 26, 2021



Nakaalerto ang Philippine National Police (PNP) ngayong Lunes para sa huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte at ayon kay Chief Police General Guillermo Eleazar, nagdagdag pa ng mga security task groups.


Saad ni Eleazar, “‘Yung ating sinasabing SSTG or security sub-task group, naka-deploy siya. In fact, nag-realign tayo ng kaunti, nag-adjust. From 13, naging 15 na SSTG ‘yan.”


Nakaantabay umano ang mga security task groups sa St. Peter Memorial Chapel kung saan nakatakdang magtungo ang mga raliyista at mga magsasagawa ng kilos protesta mula sa University of the Philippines, gayundin sa National Housing Authority, at Commission on Human Rights.


Samantala, bago mag alas-8 nang umaga ay nagtipun-tipon na ang mga raliyista sa Diliman campus at lahat naman ay sumusunod sa ipinatutupad na mga health protocols.

 
 

ni Lolet Abania | July 23, 2021



Walang nakikitang banta sa ngayon ang Philippine National Police (PNP) para sa nakatakdang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hulyo 26 sa Batasan Pambansa Complex sa Quezon City.


Gayunman, tiniyak ng PNP sa publiko na ang mga police personnel ay nakaantabay sakaling magkaroon man ng panganib sa naturang okasyon.


“The PNP has not monitored any threat to the SONA but PGen. Eleazar assured that all personnel are ready to respond to any eventuality,” batay sa inilabas na pahayag ng PNP ngayong Biyernes.


Tinatayang 15,000 police officers ang ide-deploy para i-secure ang ika-anim at huling SONA ni Pangulong Duterte.


Ayon kay PNP Chief Police General Guillermo Eleazar, handang-handa ang grupo ng kapulisan para sa SONA, habang nabuo na ng National Capital Region Police Office ang kanilang security preparations at mga plano pang gagawin.


Sinabi pa ng PNP na kabilang din sa security measures na kanilang kinokonsidera ay ang sitwasyon ng COVID-19.


“Nakalatag na ang mga security plan at nakaantabay na rin ang sufficient number ng ating kapulisan para sa deployment at iba pang contingency measures,” sabi ni Eleazar.


Ayon naman sa NCRPO, gagamit sila ng body-worn cameras para i-monitor ang mga galaw ng kahina-hinalang indibidwal na nagpaplano umanong manggulo sa okasyon.


Hinimok naman ni Eleazar ang mga grupong nagpaplanong magsagawa ng mass protests na gawin na lamang ang kanilang aktibidad virtually o online dahil sa panganib ng COVID-19.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page